Jai
"Mahal na Hari, kamusta po ang inyong kalagayan?" tanong ni S'Akessiya sa akin na parang ika-tatlo na niyang paulit-ulit sa akin. Isang simpleng pagtango lamang ang aking tugon.
Kasalukuyan na kaming bumibyahe pakanluran. Sinalubong kami ng sikat ng araw na siyang hindi namin nakita ng ilang linggo sa aming Kaharian, kaya medyo naninibago ako sa klima. Nasa magkabila ko ang dalawang Sadhaka habang nasa likuran naman si Grietta. Simula kanina, tahimik lamang siya ngunit pinagsabihan na niya kami na magtutungo kami pakanluran.
Nadaanan namin ang tahimik na mga bayan ng Timog Serentos. Magkasingtulad lamang ang uri ng pamumuhay ng kanilang Kaharian at sa amin. Minsan ko lang nakilala ang kanilang namumuno rito. Balita ko'y hahalili na rin ang kanilang anak bilang bagong Hari ng Kaharian. Hangad ko'y mapapanatili niya ang kapayapaan rito.
"Tayo'y papasok sa isang kagubatan. Maging alerto," paalala ni S'Norekko.
Sa pagkakaalam ko, maraming umaaligid dito na mga bantay, kaya walang naglalakas-loob na gumawa ng krimen rito. Sa katunayan naman, limitado lamang ang alam ko sa Kahariang ito ngunit nakakasiguro akong walang mangyayari sa amin dito.
Bigla namang huminto ang karwahe na ikinataka ko. Nagmasid naman ang dalawa mula sa mga bintana, saka naman sumenyas si S'Akessiya kay S'Norekko na lumabas ng karwahe. Ilang sandali lamang ang lumipas ay bumalik siya. "May mga bantay na wala nang buhay sa kalsada."
"Bakit?" tanong ko.
"Inatake ata sila. Buti na lang, wala pa tayo noong nagkagulo rito," dagdag pa niya.
Maya-maya'y nakarinig kami ng ingay mula sa mga kabayo. "May paparating," ani S'Norekko kaya naging alerto na rin ako.
Nang masilip ko ang bintana ay kaagad kong nakitang may tumutok ng sibat kay S'Norekko. Pinalibutan nila ang aming karwahe.
"Sino kayo?" isang maawtoridad na boses ang nagsalita at lumapit kay S'Norekko.
"Galing kami sa Palasyo ng Silangang Serentos," mahinahon na tugon ng Sadhaka.
"Kayo ba ang may-gawa nito?" tanong pa niya.
"Nadatnan naming nakahandusay na daanan ang mga bantay kaya napatigil ang aming karwahe rito," tugon uli niya.
Napadako naman ang tingin ng punong-kawal sa amin. Mababakas sa kanyang mukha na hindi pa siya kumbinsido sa tugon ng Sadhaka. Hahakbang na sana siya ngunit pinigilan siya ni S'Norekko. "Paumanhin, ngunit Hari ng Silangang Serentos ang nasa loob ng karwahe."
Tila nainis ang punong-kawal sa pagpigil sa kanya. "Wala kang karapatang harangin ang aking daan—"
Aakma na niyang saktan ang Sadhaka nang nagpasya akong lumabas. "At wala ka ring karapatang manakit ng sinuman," pagpigil ko.
Napangisi lamang siya at tinignan ako mula sa paa hanggang ulo. "Ikaw, Hari ng Silangang Serentos? Nagpapatawa ba kayo?"
Inusisa ko naman ang kanilang kasuotan na siyang pamilyar sa akin. Sa tingin ko ay mga tauhan sila ng Palasyo rito.
"Lapastangan ang ginagawa mo," sabi naman ni S'Akessiya na nasa tabi ko na pala.
"Pustura mo'y parang ordinaryong mamamayan ka lamang. Batid kong kasinungalingan ang pilit niyong pinagtatakpa—"
"Epifanio!"
Isang malakas at buong boses ang umagaw sa amin ng atensyon. Mula iyon sa grupo ng kawal na batid kong kasama rin nila. Napatingin rin ang unang grupo sa mga dumating. "Anong kaguluhan na naman ito?"
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...