Habang naglalakbay pa ang grupo ni Jai, sa kabilang dako naman ay nasa Reino del Aire ang grupo ni Leia, Raphael, at Philip. Mula sa kalangitan ay kita nila ang barko na magtutungo na sa Reino del Agua, nag-aantay sa kanilang pagdaong bilang hudyat sa susunod nilang hakbang. Ngayon ay dapat silang mag-ingat gayong mahirap kumilos kung sumisikat ang araw. Batid nilang mas marami na ang mga bantay sa Palasyo, kung kaya't gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya, 'wag lamang mabisto sa kanilang pagtungo sa kabilang Kaharian.
"Malapit na sila," sabi ni Leia kung kaya't nagsipaghakbang na sila sa malapit sa bangin.
Sa kampo naman ni Jai, tanaw na nila ang baybayin ng Reino del Agua, sa kabila ng hamog na tinatago mismo ang isla. Tanaw na rin nila ang nag-aabang na mga kawal ng isla, kung kaya't inihanda na nila ang kanilang mga sarili.
"Handa na ba kayo?" tanong ni Fidel kina Jai, at isang pagtango ang kanyang natanggap mula sa kanila.
Sa paghinto ng barko, ibinababa na nila ang hagdan sa dalampasigan, at naunang humakbang si Fidel at ibang mga kawal bago isinunod ang grupo ni Jai na iginapos sa kadena. Itinutulak naman sila ng mga kawal, kunware ayaw nilang sumuko sa kamay ng mga taga-Agua.
"Aray ha! Sobra na," daing ni Ella na hindi makatiis sa pagtrato ng mga kawal sa kanila.
"Pasensya na po, utos po ni Prinsipe Fidel," pagpapaumanhin naman ng isang kawal na tumulak sa kanya.
"Fidel o si Foro?!" inis na sabi ni Ella, ngunit kaagad siyang inawat ni Jai.
"Ella, huminahon ka muna. Parati mong tatandaan na ang misyon natin," pagpapaalala niya sa Sadhaka.
Kahit papaano ay huminahon na ang kaibigan niya. Ang dalawang Sadhaka naman ay tahimik na sumusunod kay Jai.
Sa oras na iyon, kumilos na rin ang grupo nina Leia patungo sa likurang bahagi ng isla.
Nang nagkatagpo ang grupo ng kawal ng Agua at Fuego, tila mababatid ang nagtatagong tensyon sa gitna ng 'di magkasundong mga Kaharian. "Iyan na ba ang mga invasor?" kaagad na tanong ng isang taga-Agua, lider na nangunguna sa kawal, kay Fidel.
"Kasama namin sila," seryosong tugon ni Fidel.
Inusisa naman ng lider ang mga iginapos na bihag. Binilang niya ito, saka tumango. Sumenyas ito kay Fidel upang sumunod.
Sabay nilang tinahak ang daan patungo sa sentro ng isla, habang sinasalubong ng malamig na simoy na hangin. Sa bawat paghakbang ni Jai ay nabubuhayan muli ang pag-asa niyang makita sa isa pang pagkakataon ang kanilang kaibigan.
Nilagpasan na nila ang unang bayan mula sa baybayin, at doon ay sinalubong sila ng mga tingin ng mga taga-Agua. May nagtataka, may natatakot, at may galit.
Sa ikalawang bayan, hindi lamang masasamang tingin ang itinapon kina Jai, kung 'di mga bolang nyebe na tumatama sa kanila mismo. Tiniis ng mga bihag ang malamig na pagbati ng mga taga-Agua sa kanila, hanggang sa nakarating na sila sa sentro ng isla, kung saan matatagpuan ang Palasyong nakatirik sa tuktok ng isang bundok.
Sa paanan ng bundok, doon ay tinapunan na sila ng masasamang salita dahil lamang mga invasor sila. Hindi lamang sila kung 'di pati na rin sina Fidel, dahil hindi labis nagustuhan ng mga taga-Agua ang presensya ng mga taga-Fuego sa kanilang kaharian.
Hinarap naman ng lider ng kawal ng Agua si Fidel. "Kami na ang bahala sa bihag. Maaari na kayong umalis."
"Hindi pwede. Kailangan naming masaksihan na sila ay mapaparusahan sa harap ng Rei at Reina," pagtutol ng taga-Fuego.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...