Kabanata XIX

46 2 0
                                    

Third Person's POV

Sa Kaharian ng Silangang Serentos, mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ng bagong Hari upang mapanatili ang kapayapaan rito habang wala ang kanyang kabiyak. Bagama't nagpaliwanag na ang Palasyo ukol sa pansamantalang pagkawala ni dating Hari, ikinatataka pa rin ng taumbayan ang biglaang anunsyo sa pag-iisang dibdib ng Hari at ng Punong-kawal na si Lino. Hindi nila namalayan na nagkakalapitan na ng kalooban ang dalawa sa loob ng Palasyo. Dahil rito, iilang mga chismis ang kumakalat sa bayan.

"Totoo ba? Pinakasalan ng punong-kawal ang Hari upang agawin ang kanyang trono?" wika ng isang ginang na namimili sa palengke.

"Grabe naman kung totoo iyan," ani naman ng kanyang kasama.

"'Di kaya, gumamit 'yan ng gayuma upang akitin ang Hari? May nagsasabi rin kasing dati raw 'yang miyembro ng isang sindikato," sabi ng tindera.

Ang lahat ng ito ay lingid sa kaalaman ni Haring Lino, ngunit alam niyang maguguluhan ang mga tao tungkol sa biglaang pag-upo niya sa trono. Alam rin niyang hindi niya matatapatan ang paraan ng pamumuno ni Jai at ang malaking tiwala ng mga tao sa kanya, ngunit sisiguraduhin niyang mananaig ang kapayapaan rito sa mabuting paraan.

"Kamusta sila, Chonsela?" tanong ng Hari sa kanyang tagapayo.

"Nakikitang kong masaya silang naglalakbay sa karagatan, Kamahalan," tugon ni Chonsela.

"Mabuti naman kung gano'n."

Kasama rin sana si Chonsela sa paglalakbay sa utos ni Haring Lino ngunit siya mismo ang tumanggi. Hindi niya nakita ang kanyang sarili sa grupo na maglalakbay sa pangunguna ni Haring Jai. Mas mabuti raw na umayon ang lahat sa itinadhanang kinabukasan upang hindi na magbago ang mga nakikita niya.

At ito ang kanyang gawain araw-araw. Simula noong umalis ang Hari, parati siyang tinatanong ni Lino sa kalagayan ng kanyang asawa. Tumutugon naman siya ngunit lingid sa kaalaman ni Lino na may itinatagong lihim ang kanyang tagapayo.

"Ipangako mo sa akin, Chonsela," isang boses ang kanyang narinig nang maalala ang gabi bago tuluyang lumisan ang Hari. "Kung may nakikita kang may nangyayari sa amin ngunit nakita mong malalagpasan pa rin namin, huwag mo nang ipagsabi kay Lino."

Iyon ang ipinako ni Chonsela na hindi alam ng Haring Lino. Nakita niya ang nangyari kina Haring Jai sa Timog Serentos at sa kamay ng mga Astuto, ngunit hindi na niya ito ipinagsabi kay Lino. Sa oras na sinabi niya ang lahat ng iyon, alam ni Haring Jai na susunod si Haring Lino. Alam ni Jai na iiwanan ni Lino ang Palasyo para sa kanya. Kapag nagkataon, malalagay sa panganib ang Kaharian at ang taumbayan.

'Yan ang ikinangamba ni Jai kaya nangako si Chonsela sa kanya.

May tiwala naman si Chonsela na magagawa niyang malampasan ang kahit anong pagsubok na makikita niya sa hinaharap, ngunit sa oras na makita niyang nasa bingid na ng kamatayan ang Hari, handa niya ring basagin ang kanyang pangako, mailigtas lang si Haring Jai.

Ipinagdarasal ni Chonsela na sana'y makita niya ang kapamahakang nag-aantay sa kanila bago pa tuluyang may mangyari sa kanilang lahat.

Nangangako rin siyang gagabayan ang bagong Hari upang hindi magkagulo rito sa Kaharian ng Silangang Serentos habang wala ang tunay na Hari.

Noong una, hindi siya makapaniwala sa magiging tadhana ng dalawa, ngunit kinalauna'y sumuko na siya at tinanggap ang kanyang nakita. Nasaksihan niyang mahal na mahal nila ang isa't isa noong nagkaharap na sila sa altar. Bago pa man sila ikinasal, minsan nahuhuli niyang magkalapit ang dalawa na higit pa sa magkaibigan.

Ang tanging pangamba niya rin ngayon ay si Lino.

Kung sakaling makita ulit ni Jai si Xandrus, baka ikakasira nito ang relasyong nabuo nila sa pagitan nilang dalawa.

"Sa tingin mo ba, makikita nila si Xandrus?" isang tanong ang sinabi ng Hari kay Chonsela.

Nagdalawang-isip naman siyang sagutin ang katanungan. "Hindi ko pa masyadong nakikita ang tungkol riyan, Kamahalan," kanyang tugon lamang.

Hindi na nagsalita pa ang Hari at nagpatuloy ito sa kanyang mga gawain. Nagdaan ang hapon at naghanda ang Palasyo sa kanilang hapunan. Nang nagsalo-salo na ang lahat, medyo tahimik lamang ang lahat dahil sa kawalan ng presensya ni Haring Jai. Alam rin naman nilang hindi gaano ka mahalubilo ang dating punong-kawal kaya natapos lamang ang kainan nang matiwasay.

Sa silid ng Hari, tumatambay muna si Lino sa balkonahe at pinagmamasdan ang Kaharian. "Ito ang tanawing pinagmamasdan niya tuwing gabi," bulong niya sa hangin. Tumingala siya sa kalangitang puno ng mga bituin, hinihiling na sana'y makabalik si Jai nang ligtas. Kahit ilang araw pa lang na nag-iisa siya sa kanilang silid, nananabik na siya sa piling ng kanyang asawa.

"May tiwala ako sa'yo," sabi niya sa kawalan.

"Meow," isang ungay ng pusa ang umagaw sa kanyang atensyon. Napalingon ang Hari at napangiti nang makitang nakatingin lamang sa kanyang pusa ni Haring Jai. Kinuha niya ito at hinaplos ang maganda nitong balahibo. Nasagi naman ng isip niya ang mga pagkakataong nahuhuli niya si Jai na nakikipaglaro kay Ryubi.

Bigla namang lumundag ang pusa mula sa bisig niya at lumingon kay Lino. Saka ito naglakad palabas ng pinto na bahagyang nakapihit. Nang nilapitan ng Hari ang pinto, naabutan niyang nag-aantay ang pusa sa kanya saka ulit ito naglakad. Nagtataka ang Hari sa kinikilos ng pusa. "Meow."

Sa pagtatakda niya, nagpasya siyang sundan ang pusa palabas ng pasilyo at bumaba sa pinakaibabang palapag. Sinalubong naman siya ng ilang kawal na naglilibot sa Palasyo na nagtaka sa presensya niya sa dis-oras ng gabi. Nahuli niyang lumabas ng Palasyo ang pusa kaya sinundan niya ito sa labas.

Sinalubong siya ng malamig na simoy ng hangin nang maabutan niya ang pusa sa munting hardin, kung saan may ipinakita si Grietta kay Jai sa araw na nakilala nila ang dilag. Nanlanta na ang ibang bulaklak dito dahil sa sama ng panahon noong mga nakaraang araw, ngunit may natira pang isang puting rosas.

Naalala niya ang araw na iyon. Sa araw na iyon, nag-abot ang dilag ng isang puting rosas kay Jai at pinasunog ito.

"Meow," isang ingay ulit mula kay Ryubi.

Ginala ng Hari ang paningin sa paligid hanggang sa nasagi ng paningin niya ang isang inilawang tanglaw sa pader. Kinuha niya ang tanglaw at dahan-dahang inilapit ang rosas dito. Doon ay parang nakakarinig siya ng mga bulong na hindi niya lubos na maintindihan.

Nang mahuli ng apoy ang rosas, doon ay nagsimulang magpakita sa isipan ng Hari ang iba't ibang pangyayari na hindi niya lubos na maintindihan. May tumatawag sa pangalan ni Jai, nagsisigawan, sumasabog, at nagsisipagtakbuhang mga tao.

Hindi nakayanan ni Lino ang mga nakita niya hanggang sa bumagsak siya sa lupa at nawalan ng malay.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon