"Jai! Gising!"
Sunod-sunod ang natataranta nilang paggising sa kanilang kaibigan, matapos itong matamaan ng Reina sa balikat. Hindi lamang basta-basta tama, kung hindi, isang nakakamamatay na tama.
Nang matanaw ni Danaia ang grupo, kaagad niyang sinalubong ang lahat sa dalampasigan at nagulat nang makitang bitbit na nila si Jai na walang malay. "Danaia, natamaan si Jai," kaagad na sabi ni Philip na siyang hindi mapakali.
Sinugod nila si Jai sa pinakalapit na mapagpapahingahan ng grupo, at kaagad pinahiga ang katawan niya sa isang bakanteng silid. Nang pinunit nila ang parte ng damit niya kung saan siya natamaan, doon nila nasaksihan ang mabilis na pagkalat ng lason. Malubha ang kanyang tama, at pansin nilang unti-unting umiitim ang mga ugat sa kanyang balikat.
"Sinubukan na namin siyang gamutin, ngunit tila, walang nangyayari sa kanya," ani naman ni Leia.
Napailing na lamang si Danaia. "Lason ito mula sa dugo ng mga Sirena," kanyang sambit. "Kailangan kong makapunta sa aming tahanan ngayon upang hanapin ang gamot dito."
"Sasamahan ka namin," alok ni Raphael.
Isang pagtango lamang at kaagad lumisan si Danaia kasama ang magkambal, habang nagpatuloy naman si Philip at Leia sa paggamot kay Jai sa abot ng kanilang makakaya.
Nagliwanag ang silid sa kulay berde, mula sa sinag ng kapangyarihan ni Philip at Leia, sa tangka nilang pigilan ang pagkalat ng lason sa buong katawan ni Jai. "Jai, 'wag kang sumuko," sambit ni Philip.
Sa kabilang banda, mabilis naman nakarating sa kanyang tahanan si Danaia sa tulong ng kambal. Doon ay tinungo niya ang munting aklatan at hinanap ang isang aklat na naglalaman ng listahan ng sangkap ng gamot.
Nang makita ni Danaia ay isa-isa niyang hinawi ang kada pahina ng aklat, hanggang sa narating niya ang hinahanap niyang mga sangkap. Kaagad naman silang bumaba upang hanapin ang mga kailangan niya sa gamot.
"Jai! Gumising ka na," muling sabi ni Leia nang hindi pa rin bumabalik ang pulso ng kanyang kaibigan.
"Walang hihinto," ani Philip. "Mabubuhay siya. Mabubuhay siya."
Mas lumakas pa ang sinag ng kapangyarihan ni Philip. Napaatras na sila S'Akessiya at S'Norekko at lumabas na ng silid. Sa labas, doon naman ay sinalubong sila ng hindi inaasahang pagdating ng grupo mula sa Fuego.
"Nasaan ang tagahawak ng Ave Fenix?" tanong ni Foro sa dalawang Sadhaka na naglabas na kanya-kanyang mga patalim.
"Malubha ang kalagayan niya," tugon ni S'Norekko.
"Talaga ba? Kawawa naman," panunuya ng taga-Fuego.
"Anong kailangan mo at bakit ka naparito?" seryosong tanong ni S'Akessiya.
"Kinakamusta lamang ang inyong Kamahalan," aniya sabay ngiti na siyang hindi lubos tinanggap ng mga Sadhaka. "Baka mamaya, hindi na niya maisasakatuparan ang mga napagkasunduan namin."
Hindi ito nagustuhan ng mga Sadhaka. "Irespeto niyo muna ang pagpapahinga niya at saka niyo na pag-usapan ang pansarili niyong mga interes," sabi ni S'Akessiya.
Isasara na niya ang pinto ngunit pinigil ito ng taga-Fuego. "Wag mo 'kong subukan. 'Di hamak na ordinaryong taga-Titania ka lamang," pang-aasik ni Foro.
Pansin ni S'Norekko ang pagkuyom ng kamao ni S'Akessiya, kaya't napahawak ito sa kanyang balikat. Nakuha naman ni S'Akessiya ang ibig ipahiwatig niya.
Hindi nagtagal ay umalis na rin ang mga taga-Fuego maliban na lamang kay Fidel. Nang makabalik ni Danaia ay hindi siya nito napansin. "Danaia—"
Nabigo siyang makaharap muli ang taga-Tierra nang dali-dali itong pumasok sa silid dala-dala ang gamot para sa sugatang invasor. Hindi naman pinapapasok at pinanood ang pagsara ng pinto sa harap niya. Napabuntong-hininga na lamang siya.
"Simula noong dumating sila, wala ka nang oras sa akin," kanya lamang bulong sa kawalan.
Rinig naman niya ang pagtawag ng kanyang pangalan sa labas, kaya't napilitan na lamang siyang umalis na may pagtatampong dala.
Sa loob ng silid, hindi pa rin tumigil sina Philip at Leia sa pagpigil sa lason na kumalat sa katawan ng kanilang kaibigan. Mababakas na ang pagod sa bawat bitaw nila ng mabibigat na hinga, habang pinapadaloy ang kanilang mga kapangyarihan kay Jai.
Umupo sa tabi ni Jai si Danaia habang may hawak na maliit na bote. Binuksan niya ito at dahan-dahang nilapat sa labi ni Jai. Isang patak ng kulay asul na likido ang dumapo sa bibig niya, at saka umatras si Danaia.
Labis ang kaba ng taga-Tierra. Iniisip niyang baka nagkamali siya ng paggawa ng gamot dahil sa pagmamadali, gayong walang nangyayari kay Jai.
Ilang minuto ang lumipas, sumuko na si Leia, hingal na hingal at nanghihina. Kaagad naman siyang inalalayan ni Raphael, habang pinanood nila si Philip na hindi pa rin tumitigil. Nangamba naman sila sa mangyayari kay Philip.
"Philip, tama na. Mapapahamak ka na nyan," paalala ni Rafaela sa kanya, ngunit hindi ito nakinig.
Hindi nagtagal, huminto na rin siya at hinahabol ang sariling hinga. Lumingon ito kay Danaia, at tila magbabadya nang bumagsak ang mga luha niya. "Ba't hindi pa siya nagigising?"
"Paumanhin, ngunit sa aking napag-alaman, matagal pang eepekto ang lunas sa katawan ng Jai. Maghintay muna tayo sagl—"
"Hindi pwede," pag-iling ni Philip. "Kailangang magising na siya."
Tinahan naman siya ni Rafaela. "Philip, magigising siya. Magtiwala ka lang."
Tila ayaw paniwalaan ni Philip ang gamot ni Danaia, ngunit batid naman niyang nagsasabi ang taga-Tierra ng totoo. Hindi nga lang niya kayang pagmasdan na namumutla at parang walang buhay na natutulog si Jai, gayong may pinagkasunduan pa naman sila sa pagitan niya at ni Haring Lino.
Nauna nang lumabas ng silid sina Leia at Raphael, habang sumunod naman si Danaia at Rafaela. Nagpaiwan muna si Philip upang bantayan si Jai.
Nasaksihan ng mga taga-Fuego ang mga mukha nilang may bakas ng lungkot, kaya't inakala nilang wala na ang tagahawak ng Ave Fenix. Isang ngiti ang sumilay sa mukha ni Foro, bago sila lumisan sa Reino de Tierra at tinahak ang dagat pabalik sa kanilang kaharian. "Magiging maganda ang ihahatid kong balita kina Ina," kanyang bulong sa hangin.
Ilang oras ang lumipas, sumapit ang dapit-hapon at hindi pa rin gumigising si Jai. Patagal nang patagal, lumalala ang bigat ng kanilang nararamdaman para sa kanilang kaibigan. Hindi pa tapos ang kanilang misyon, ngunit nasa bingid ng kamatayan na si Jai. Wala pang kasiguraduhan na babalik ang kanilang malay—sa ngayon.
Sa kabilang kaharian naman, tila nawala ang kanilang takot sa mga invasor. Nagkaroon pa ng piging sa kanilang palasyo na siyang ipinagtataka ni Fidel. "Ano ang meron?" kanyang tanong.
Umakbay naman sa kanya ang kapatid niyang kakalagok ng isang bote ng alak. "Hindi ba pwedeng magkasiyahan muna rito, aking mahal na kapatid?" aniya, sabay alok ng bote na hawak niya.
Inalis ni Fidel ang kamay ng kanyang kapatid at lumisan. Hindi niya ramdam na makipagkasiyahan kasama sila. Tila nangingibabaw pa rin ang kanyang pangungulila sa taga-Tierra.
Mula sa itaas, ramdam ni Hulian na may nangyayaring masama sa grupo nina Jai. Sa isang bintana, nakadungaw lamang ito sa ibaba kung saan matatanaw ang dalawang Reino. Sa tabi niya'y sumulpot si Grietta, ngunit hindi ito nagulat pa. "Ano ang binubulong ng hangin?" seryosong tanong ni Hulian.
"Nasa panganib ang tagahawak ng Ave Fenix. May nakakasiyahan, at may naghahanda sa lingid ng kanilang kaalaman," tugon ni Grietta.
Isang buntong-hininga na lamang ang kanyang nabitaw. "Nangyayari na."
Doon naman sa malamig at nagyeyelong kaharian na nagtatago sa likod ng mga makakapal na ulap, maririnig na sabay-sabay na paghiyaw at martsa ng mga kawal. Hindi mababatid ng lahat ang unti-unting pag-ipon ng poot at galit ng Reina ng mga taga-Agua dahil sa paglusob at pagsira sa perpekto niyang kaharian. Sa kanyang piling ay natutulog nang mahimbing ang kanyang anak, habang yakap-yakap ang Hari na tinangkang agawin ng mga invasor.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...