Kabanata XXXII

42 5 0
                                    


Jai

Sa isang silid, nagtipon kami ng kasama ko pati ang pinuno nila rito, si Hulian. No'ng sumulpot siya sa harap namin kanina, akala ko alalay lang siya dito. Malayo ang itsura niya sa tipikal na katawan ng isang hari o pinuno. Hindi ko nga alam kung may kaedaran pa ba siya o sadyang matanda lang 'yong itsura.

Kasama rin naman dito ang mga kawal niya, pati ang iilan sa mga Myusa, ang tawag nila sa mga dalaga na sumundo sa amin papunta rito sa Palasyo.

Nagpakawala si Hulian ng mabigat na hinga bago nagsalita. "Kayo ang binubulong ng hangin sa amin," aniya. "Dumating na ang panahon at dito na magkakaalaman kung may pag-asa pa bang magkaisa ang apat na Reino o tuluyan nang guguho ang mundo namin."

Hindi namin inasahan ang sinambit sa amin ni Hulian. Ikinuwento namin kasi ang lahat-lahat kani-kanina lamang. Isang mapait na ngiti lamang ang aming nakita sa kanyang mukha. "Ang totoo nyan, matagal na naming inaasahan na magbabalik ang mga invasor rito. Kaso, wala kaming alam kung magdadala ba sila ng kapahamakan o kapayapaan rito sa mundo namin," sabi niya.

"Pero, sa tingin ko, hindi naman kayo magdudulot ng gulo rito. Pwera nga lamang sa nangyari sa kabilang isla," dagdag pa niya sabay tawa. "Napaka-agresibo nga talaga ng mga taga-Fuego—"

"Ramdam ko ang kapangyarihan ng Aire Quimera," biglang pagsingit ni Grietta sa usapan, kaya't naagaw niya ang atensyon ng lahat.

"...Ng Aire Quimera," pag-ulit ni Hulian sa binanggit ni Grietta. Ilang beses siyang tumango bago muling nagsalita. "Nabanggit niyo na dati siyang tagahawak ng kapangyarihan ng Aire Quimera, 'di ba?"

Tumango ako bilang tugon. "Hindi ko nagawang bawiin ang alahas mula sa kapatid ko, ngunit nang sinira ng kaibigan namin ang alahas sa kanya, bigla na lamang sila naglaho at hindi na nakita pa sa buong kalupaang ng Titania," aking paliwanag.

"Kaya, naglakbay kayo upang hanapin sila at dito kayo dinala ng mga alon ng karagatan," sabi naman ni Hulian na ikinatango ko muli bilang pag-sang-ayon.

Pagkatapos ng ilang minutong pagtayo ay umupo na rin siya sa silya sa tapat namin. "Nagkakatugma na ang lahat. Lahat na binubulong sa hangin, nagiging totoo na," aniya. "Siguro nga tama ang hinala ko sa Reina del Agua."

Bigla namang bumigat ang bawat hininga ng isa sa kasama namin. Si Grietta ulit.

"Eto naman si ante, hayok sa atensyon," sabi ni Leia nang mapansin namin na may nangyayari kay Grietta.

Umatras naman si Grietta at tumayo mula sa kanyang silya. Yakap-yakap niya ang kanyang sarili, at paulit-ulit na dumadaing.

"Grietta?" tawag ko sa kanya, at kasabay no'n ang paglakas ng hangin sa paligid namin, kahit nasa isang siradong silid kami.

Unti-unti naman siyang lumulutang sa ere. Wala kaming magawa kung 'di pagmasdan lamang siya, hanggang sa umayos ang postura nito at dumilat. Lumiwanag ang mga mata ni Grietta at tumingin siya sa amin. "Kunin nyo ang aking bato, bago pa nilang sirain at maghasik ng kasakiman," aniya, kasabay ng isang kakaibang boses na sumasapi sa kanya.

Nang humina na ang pwersa sa paligid, unti-unting bumagsak si Grietta ngunit nasalo naman siya ni Raphael.

"Bigyan niyo siya ng matutulugan," isang utos mula kay Hulian at sinamahan ng mga dalaga si Raphael upang ihatid sa isang silid si Grietta.

Susunod na sana ako sa kanila nang tinawag ako ni Hulian. "Maiiwan muna ikaw rito. Sila na bahala sa kanila," aniya kaya bumalik ako sa silya ko.

"Hindi ako makapaniwala sa nasaksihan ko. Totoong Aire Quimera ba 'yon?" tanong niya.

"Mukhang 'yon nga po," simple kong tugon.

Napailing naman siya ng ilang beses, sabay halukipkip. "Medyo matagal-tagal na ah, simula noong nagpakita ang mga alagad ng Diyos sa amin."

Sumandal naman siya sa mesa upang ilapit niya ang kanyang sarili sa akin. "Gusto mo bang malaman ang hinala ko tungkol sa kaibigan mo?" aniya at hinaan pa niya ang kanyang boses, na parang bang may makakarinig pa sa amin bukod sa mga kawal niya.

Tumango naman ako.

Ngumiti naman siya at tumayo mula sa kanyang silya. "Sumunod ka sa akin."

Lumabas kami ng silid at tinahak ang madilim na pasilyo. Huminto na naman siya bigla sa tapat ng isang bukas na malaking bintana at lumapit roon. Sumunod naman ako at tanging nakikita lang namin ay napakakapal na mga ulap. Pansin ko ring bangin na pala ang ibaba namin.

"Anong nakikita mo?" tanong niya.

"Wala po, bukod sa mga ulap."

Itinuro naman niya ang mga ulap. "Sa likod niyan nakatago ang isla ng Reina del Agua. Ilang beses ko nang naririnig ang kanilang Reino sa mga bulong ng hangin sa akin tuwing gabi, ngunit ngayong andito kayo, mas lumalakas ang hinala ko na tinatago sila sa amin," aniya.

"Noon, wala pa ang mga ulap na ito. Mula rito ay nakikita namin ang ginagawa ng mga taga-Agua. Ngayon, tinatakpan na sila ng mga ulap," dagdag pa niya. "Pati ang dagat na pumapaligid sa kanila, hindi na basta-bastang matatawiran."

Napabuntong-hininga naman ang pinuno ng Aire. "Matagal ko nang hinala na nahanap na nila ang biyaya ng Agua Dragua, ngunit ang kutob ko, pati rin ang biyaya ng Aire Quimera."

Kung gano'n, andito nga sila. Buhay nga siguro ang iba pang mga alahas.

"Matutulungan mo ba kaming mabawi ang aming biyaya, hijo?"

Isang pagtango muli ang aking tugon. "Maaasahan niyo po kami."

Pagkatapos ng aming pag-usap ay pinahatid naman ako ng mga Myusa niya sa isang silid kung ako magpapahinga muna, habang mag-iisip raw muna kami ng magiging plano namin sa pagpunta sa kabilang Reino.

Nang makahiga na ako sa aking higaan, iniisip ko pa rin ang kalagayan ni Xandrus at ng kapatid ko. Sa tagal ng panahon na nawala siya sa amin, makilala pa ba niya kami? Sana may kinupkop siya nang maayos. Sana nagbago na rin si Jei.

Sana magkaayos na rin ang lahat ng mga Reino dito.

Nasagi naman ng paningin ko ang aking suot na singsing. Tila dumadalaw sa aking isipan si Lino, kaya't nananabik tuloy ako sa kanya.

Hindi na dapat ako magsasayang ng oras upang makabalik muli ako kaagad sa aming Palasyo. Babalik rin ako, Mahal.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon