10

25 1 0
                                    

Kabanata 10

Sa mismong araw ng grad ball, nagdala na lang ako ng damit. Wala ng balak umuwi mamayang hapon para magpalit at maghanda para mamayang gabi.

Wala naman sina Mommy at Daddy. Alam ko, next week pa uuwi si Daddy tapos aalis ulit papuntang Bicol at sa graduation day ko na ang balik.

Ayoko na abalahin pa ang mga katulong namin. Ayoko rin namang mag-ayos ng bongga, mamaya ma-over dress naman ako. Hindi pa naman ito JS Prom.

Inabot ko kay Gab ang extrang bag na dala paglabas ko ng gate ng bahay. Kinuha naman niya iyon na walang reklamo. Naglakad kami palabas ng Parkland at sumakay ng jeep.

Hindi ko tinanong kung uuwi pa ba siya. Mukha namang uuwi siya. Hindi naman siya nagtitipid sa pamasahe gaya ko. At saka parang wala naman siyang dalang damit.

"Anong suot mo mamaya?" tanong ni Zoe nang maupo ako sa armchair ko. Nasa upuan siya ni Dana pero wala pa si Dana roon.

Inabot sa akin ni Gab ang extra na bag. Binaba niya ang bag sa sahig at umalis para pumunta sa pwesto ni Jerome.

Binuksan ko ang bag ko kung nasaan ang damit at pinasilip iyon kay Zoe.

"Pink na dress at puting leggings lang."

"Ganda! Simple lang," komento niya, "Magd-dress din ako pero di ko naisip mag-leggings. Magle-leggings na rin ako!"

"Sige. Saan na kaya si Dana?" tanong ko.

"Baka late nagising," sabay tawa niya, "Hindi ka na uuwi? Kaya mo dala ang damit mo, 'di ba?"

Tumango ako.

"Sa bahay ka na magpalit!"

Buti na lang inaya niya ako. Medyo mapanghi kasi ang CR dito sa school. Sa dami ba namang umiihi doon. Saka malapit lang ang bahay nila kaya di ko na iisipin ang pamasahe dahil pwede namang maglakad.

Uuwi si Dana. Iyon ang sabi niya sa amin. Aayusan daw siya ng mga pinsan niya. Kaya ako lang ang pupunta kina Zoe.

Pagpasok sa bahay nila, tanaw na agad ang kusina, banyo, at sala. Nasa pagitan ng sala at kusina ang hagdan pataas.

Doon niya ako inaya na magbihis. First time kong makakaakyat sa kwarto nila ng ate niya dahil madalas sa baba lang naman kami tumatambay.

Sa taas, nakaharang sa hallway ang mga damit nila na nakahanger sa sampayan. May ilang pagkakataon na nakatagilid kami para magkasya.

Pumasok kami sa kwarto sa dulo. Nakita ko ang kama nila na may mga teddy bear at iba pang stuff toys at unan. May dalawang nakahilerang desk sa gilid ng pinto. May bintana rin sa kanang gilid pero hindi kita ang labas dahil makapal ang kurtina non. Binuksan niya ang ilaw kaya lumiwanag lalo ang kwarto.

Ang cute ng kwarto nila. Masaya sigurong magkaroon ng kapatid at kasama sa kwarto. Nag-iisa lang kasi akong anak.

Binuksan niya ang cabinet sa tabi ng kama niya at pinakita sa akin ang leggings.

"Para pair tayo," Excited niyang sabi. Ngumiti naman ako. "Upo ka muna dyan. Pwede ka na rin magpalit, sarado mo nalang ang pinto pagkalabas ko."

Lumabas siya pero nasa hallway lang siya. Nagpunta siya sa palunpon ng damit at naghanap doon ng kung ano.

Naupo ako sa kama nila at hinahawakan ko ang mga teddy bear para tingnan. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng lungkot. Mamimiss ko ito. Mamimiss ko si Zoe at Dana. Ilang taon kaming naging mag-bestfriends at nakakalungkot na magkakahiwa-hiwalay na kami. Sana hindi kami magbago...

Hindi ko naman sinara ang pinto kaya nang mahanap na ni Zoe ang hinahanap niya ay pinakita niya iyon sa akin habang nakangiti. Simple akong ngumiti.

Nagpalit na kaming damit. At inubos ang oras namin sa pag-aayos ng buhok. Marami siyang clip at headband. Dala ko naman ang isang itim na headband na may maliit na cap na design.

lilies.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon