Chapter 46: Give it all

40 3 1
                                        

Isang katok ang nagpatigil sa akin mula sa aking pagtuturo. Mula sa pinto ng kubong nagsisilbing aming silid- aralan ay dumungaw ang kapatid ni Gelay na si Ate Sen.



"Ate Sen, bakit po?" magalang kong tanong dito.

"Elia, pinapatawag ka ni Apo Mait." sagot naman niya ng hindi tumitingin ng diretso sa aking mga mata.

"Bakit daw po Ate?" muling tanong ko ngunit isang makahulugang tingin lamang ang isinagot niya. Agad na dumapo ang kaba sa aking dibdib.



Bago ko tuluyang lisanin ang aking mga mag- aaral ay iniwan ko muna sila ng mga gawain at pinabantayan na rin kay Ate Sen.


Sa cliff na paborito kong lugar sa kabundukan siya naroroon. Mataas ang sikat ng araw lalo pa't sasapit na ang tanghalian. Nakatunghay lamang siya sa magandang tanawing walang hanggang nasisilayan ng kanyang mga mata.


Tumikhim ako upang kunin ang kanyang atensyon. Lumingon siya at gamit ang malulungkot na mga mata ay pinilit na ngumiti sa akin at pinalapit ako.


Kinurot ang puso ko sa anyong nakikita ko kay Apo Mait. Dahil sa tagal na naming magkakasama ay ngayon ko lang ulit nakita ang ganitong anyo sa kanya.

Lumapit ako at umupo sa kanyang tabi.




"Apo, pinatawag niyo raw po ako?" simula ko sa aming usapan.

"Dito na ako isinalang sa lugar na ito. Dito na ako nabuhay. Dito ko na natagpuan kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng mabuhay." pahayag niya at ngumiting muli na hindi naman umabot sa kanyang mga mata. Hindi ako nagsalita. Hinintay ko lamang na magpatuloy siyang muli.

"Napakayaman ng lugar na ito. Maraming henerasyon na ng mga Ratagnon ang naglinang sa lugar na ito. Maraming mga pinunong gaya ko ang naipagtanggol ito mula sa mga nais itong kunin. Ngunit tila ako lamang yata ang nabigo." maramdaming sabi niya at nilingon ako.




Hindi na lamang kinukurot ang puso ko sa anyo niyang ito ngayon. Parang pinipiraso- piraso na ito ngayon. Ang mga luhang patuloy na dumadaloy sa kanyang pisngi ay mas nagpapabigat sa aking nararamdaman. Walang salitang namutawi sa aking labi. Ang tanging nagawa ko lamang ay hawakan ang kanyang mga kamay ng mahigpit.




"Elia, tulungan mo ako. Tulungan mo kami." pagmamakaawa nito sa akin na siyang nagpaiyak na sa akin.

"Apo, ano po bang nangyari? Bakit po ganyan ang sinasabi niyo?" Sa kabila ng mga luhang unti- unting dumadaloy sa aking pisngi ay pinilit kong lakasan ang aking loob.

"Nagtungo dito kanina ang punong- abala sa bayan at sinabing kailangan na raw nating lisanin ang lugar dahil bibilhin na raw ang lupang ito." nanghihina niyang paliwanag. Napasinghap lang ako at napalitan ng galit ang nararamdaman kong dalamhati para sa aking pamilya.




Galit ang nangibabaw sa akin para sa taong walang pusong gusto pang agawin pati ang natitirang yaman ng mga taong ito.

This LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon