Chapter 31
Moments
Nagising ako sa sunod sunod na katok sa pinto. Dahan dahan kong dinilat ko ang mga mata ko para tumayo at tignan kung sino iyon.
"Mahiga ka muna, ako ng titingin," sabi ni David na kalalabas lamang ng bathroom.
Napatitig ako sa kanya. Agad na nagbalik sa isip ko yung nakita ko kagabi. Tinitigan kong maigi ang mga mata nya. Hindi ko na makita doon yung lungkot at sakit na nakita ko sa mga mata nya.
"Good morning," bati ko sa kanya.
Nginitian nya ako at nagsimula na syang maglakad papunta sa pinto.
Pinagmasdan kong mabuti ang matipuno nyang katawan habang nakatalikod sya. Ang malapad nyang balikat ay natutuluan ng tubig na nanggagaling sa buhok nya. Nakita kong pinunasan nya iyon ng tuwalya na hawak hawak nya. Pagkaraa'y isinampay nya din iyon sa balikat nya.
Habang nakaupo ako sa kama at pinagmamasdan ang likuran nya ay nahulog ako sa malalim na pag iisip.
'Anong nangyari sa kanila?' paulit ulit na tanong ko sa sarili ko. Bakit sila naghiwalay? Bakit humihingi ng sorry si Crizelle sa kanya? Tinanggap nya kaya?
"Athena!"
Napapiksi ako sa gulat ng marinig kong isinigaw ni David ang pangalan ko.
"Huh?" lutang na sabi ko.
Naiiling na naglakad ito palapit sakin.
"Kumain na tayo. Nagtext si Vincent nag aaya na mamasyal."
Tumango ako sa kanya.
"Sige, maliligo lang ako."
Hindi ko na sya hinintay na sumagot. Mabilis akong tumakbo papasok sa banyo.
Hindi na ako gaanong nagtagal sa pagligo dahil sigurado akong magkakayayaan mamaya na maligo sa dagat.
Paglabas ko ay wala na si David sa kwarto. Nagsuot ako ng black two piece at pinatungan ko ng above the knee summer floral dress.
Mabilis na sinuklayan ko ang buhok ko. Bahagya kong pinahiran ng lip gloss ang labi ko at naglagay ng kaunting powder sa mukha ko.
Paglabas ko ay nasa sala si David. Nakakunot noo itong nakatingin sa cellphone nya at parang nagtetext. Agad nya iyong nilagay sa bulsa nya at nginitian ako.
Iniwasan kong isipin ang pumasok na ideya sa isip ko. Na baka si Crizelle yung katext nya.
"Tara kaen na tayo," nakangiting sabi ko sa kanya.
I tried my best to show him na okay lang ako. Kaya sa buong durasyon ng pagkain namin ay pinilit kong pasiglahin ang sarili ko.
"Nasa baba na sila," sabi nya.
Nagpaalam ako sandali sa kanya na kukunin ko lang ang cellphone ko sa kwarto. Pagbalik ko sa sala ay nakita kong hawak na naman nya ang cellphone nya.
"Let's go," aya nya at ibinulsa ang cellphone nya.
Hinayaan ko syang maunang maglakad sakin. Pagpasok namin sa elevator ay pumwesto ako sa likuran nya. Kitang kita ko ang pagsulyap sa kanya ng mga babaeng kasabay namin dun.
Simple lang ang porma nya. He was wearing a grey khaki short at white sando. Pero hindi maitatanggi na ang lakas ng dating nya sa mga babaeng katulad ko.
Pagbaba namin sa lobby ng hotel ay nakita ko agad sila Cassie. Nakangiti itong kumaway sa amin.
"Ang tagal mo friend, tara dali excited na ko gumala dito," aniya at hinila ang kamay ko.
