"Victoria, wala ka bang planong lumabas dito sa kuwarto mo? Maganda ang panahon ngayon," nakangiting saad ni Lola Nena sa akin na dala ang ilang tuwalyang nalabahan na.
Napaiwas ako ng tingin. Gustong gusto ko ang palaging nasa labas, hindi ko kayang magkulong sa apat na sulok ng isang silid. Kung tama ang naaalala ko... labing-apat na taong gulang ako noon ng ayawan ko ang pananatili sa loob ng isang silid maliban na lamang kung matutulog ako na kailangan pa ay may nakikita akong kaunting liwanag.
Ngunit ngayon, hindi ko mawari kung bakit ngunit parang natatakot akong lumabas rito. Mula nang magising ako kahapon ng umaga, nakaramdam ako bigla ng takot.
Kailan pa ako natakot ng ganito? Hindi ko matandaan. At sa tuwing magagawi ang tingin ko sa ikatlong palapag ay bumibilis ang tibok ng puso ko at pakiramdam ko ay may mga matang nakamasid sa akin.
"Susunod po ako," sagot ko. Tiningnan niya muna ako saka tumango at lumabas.
Ilang beses kong pinag-isipan ang paglabas sa silid bago ko napagpasiyahang maligo na lamang muna. Baka kulang lang ako sa ligo. Hindi naman sa tulog dahil halos matulog na nga lang ang gawin ko rito.
Matapos kong maligo, magbihis at mag-ayos ay napagpasyahan kong lumabas na. Naalala ko rin ang sinasabing silid aklatan ni Lola Nena. Bukod sa kailangan kong maglibang ay mas kailangan kong maghanap nang paraan na magagamit ko upang makausap ko sina Martha.
Pakiramdam ko'y anumang oras ay mababaliw ako rito. Pwede naman akong tumakas ngunit naaalangan naman akong lumabas upang pumunta sa bayan dahil wala akong pilak na nadala nung mapadpad ako rito. Hindi ko rin naman alam kung saan ang mga daanan at buwan ang aabutin upang masaulo ko ang bawat sulok ng lugar na ito kasama na ang paggawa ng mapa sa mga daanan na magpapaiksi ng paglalakbay ko. Mahirap nang maligaw ako dahil hindi ko pa alam ang mga uri ng nilalang na naririto.
Nasa gitnang bahagi na ako sa ikaapat na palapag ng mansyon kaya tumigil ako sa isang malaking pinto, ito ang aklatan. Matapos kong titigan ang naglalakihang pinto sa harap ko ay agad kong itong binuksan at mabilis na pumasok.
Bumungad sa akin ang malaking espasyo sa gitna ng aklatan kung saan naroon ang isang mesang mahaba at mga upuan sa paligid nito. Mukha itong mesa sa kung saan dinaraos ang pagpupulong. Sa magkabilang gilid naman ng silid ay ang napakataas na bookshelves na mula sahig hanggang kisame. Mayroon namang hagdan sa gilid na mukhang iyon ang ginagamit sa pagkuha ng libro sa itaas. Sa tapat ng dulong bahagi ng mesa ay ang malaking bintana na tanaw ang labas ng mansyon na sumasapat na upang magbigay liwanag sa buong silid, mayroon itong makapal na pula at berdeng kurtina.
Naupo muna ako sa isang silya upang mag-isip ng kung anong aklat ang kukunin. Nang wala akong maisip ay tumayo na ako upang maglibot. Nakita ko ang iba't ibang libro na ngayon ko lang nakita. Ito siguro ang libro na sinulat ng mga tao. Mayroon ring mga nobela, aklat aralin sa iba't ibang asignatura, mga mapa at sa isang gilid rin ay nakalagay sa isang cabinet ang napakaraming medalya, sertipikasyon at mga tropeyo.
Nagpatuloy ako sa pagtingin-tingin sa mga libro hanggang sa may ilang kumuha ng atensyon ko...
The lost City; Anlantis.
Bermuda Triangle.
Vampires.
Wolves.
History of Elementalists.
History of Gifteds.
History of Charmers.
The Great War.
Angel of War.
Royal Family.
YOU ARE READING
Bewitching Hearts: Ground Zero
FantasiInfamous by her own tagline, "I am Victoria and I do what I want." Victoria was once a mischievous lady. She's stubborn, she's uncontrollable, she hate rules, she always ditch her home classes, she's a frolicker, and she loves to sneak out of their...
