One - Escape Gone Wrong

19 1 0
                                    

Maingat kong ihinagis pataas sa may kataasang bakod ng aming mansyon ang hawak kong lubid na may nakakurbang bakal sa dulo. Matapos kong makasiguro na maayos na ito ay agad akong humawak rito ng mahigpit upang umakyat pataas. Kailangan kong maging maingat na huwag gumawa ng kahit anong ingay kung ayaw kong mabuko ng mga bantay  at maparusahan na naman ni Ama dahil sa paglabas ko ng walang paalam.

Matapos makarating sa loob ay kinuha kong muli ang lubid upang gamitin naman sa pag-akyat sa balkonahe ng aking silid. Maingat pa rin ang pagkilos ko dahil isang maling galaw ko, mababalian ako o kaya naman ay magigising ang mga narito sa loob.

Maaari naman akong gumamit ng aking kakayahan ngunit mas magiging delikado ang lagay ko dahil sa aking presensya. Isa pa, maganda na rin itong simula para sa ehersisyo koㅡkahit mukhang sobra pa sa ehersisyo simula kanina ang ginawa ko.

Ilang oras na lang ay malapit na ang bukang liwayway. Masyado akong nalibang sa labas dahil may kasiyahan roon sa bayan na aking tinungo sampong oras na ang nakalilipas. Ang layo pa naman nito rito sa amin at naglakad lamang ako.

Hapong-hapo ako habang pasimpleng naglalakad sa madilim na pasilyo patungo sa aking silid. Nananakit rin ang mga binti at kalamnan ko dahil sa layo ng nilakad ko na tila anumang oras ay babagsak na rin ako. Mukhang kailangan ko tuloy ng mahaba-habang tulog at pahinga nito.

Nang makarating ako sa aking silid ay hindi na ako nag-abala pang magbihis o magbukas man lang ng ilaw. Tinanggal ko lamang ang aking panaklob at aking sapatos. Halos gumapang na ako nang makita ko mula sa mumunting liwanag na nagmumula sa labas ng aking bintana ang aking kama. Tila hinihila ako nito papalapit sa kanya. Nang naroon na ako ay agad kong ibinagsak ang aking katawan pahiga dahil sa pagod. Hindi ko alintana ang kung marumi man ako, ang gusto ko lamang ay matulog.



Kinaumagahan...

"Magandang umaga rin! HAHAHAHAHAHA!" pagbalik bati ko sa aking mga nakakasalubong habang tumatawa.

Mabilis akong tumakbo sa pasilyong aking dinaraanan upang maghanap ng maaaring kong pagtaguan kahit hirap na hirap ako sa suot kong napakahaba. Kalahatian pa lamang ng umaga ngunit pagod na pagod na agad ako. Ang hirap talaga ng wala ring maayos na tulog. Pakiramdam ko ri'y lumulutang ang aking ulo.

Sinenyasan ko ang mga nakasalubong ko upang manahimik. Mabilis akong kumubli sa nadaanan kong makapal na kulay asul na kurtina at maingat na sumilip sa gilid nito para makita ang maaaring dumaan.

"Ikaw! Nakita mo ba si Milady?" Sinilip ko ang nagsasalita. Si Martha, ang personal kong tagapagsilbi. Tinatanong niya ang isa ring tagapagsilbi na nadaanan niya sa koridor habang naglilinis ng bintana. Lumingon ito bahagya sa pinagtataguan ko.

Subukan mo akong isumbong. Lulunurin talaga kita, Apple.

Tumigil siya sandali sa ginagawa. "H-hindi po, Ms. Martha." Pagkatapos niyang sagutin ang tanong ni Martha ay yumuko siya.

Medyo nakahinga naman ako ng maluwag. Hindi ko nga lang alam kung tatanggapin ni Martha ang sagot ng kausap niya. Hindi ko nga rin maisip kung bakit hindi niya nararamdaman na narito lang ako sa malapit.

"Sigurado ka? Baka tinatago mo na naman ha. Naku, Cherry! Sinasabi ko sa iyo." Litanya ni Martha.

"Sigurado po ako, Ms. Martha. Hindi po dumaan dito si Milady."

"Saan na naman kaya pumunta ang batang iyon? Mananagot na naman ako kay Senyor Conrado nito!" wika nito at tumakbo na siya pababa ng hagdan.

Bago ako umalis sa pinagtataguan ko, ay sinigurado ko munang umalis na siya.

"Ikaw, Apple," tawag ko sa kanya habang naglilinis siya. Lumingon naman ito sa akin.

Bewitching Hearts: Ground ZeroWhere stories live. Discover now