Kung iisipin, marami akong pwedeng gawin ngunit limitado na naman ang kilos ko. Hindi sa pinagbabawal nila kundi dahil wala akong malawak na ideya sa lugar na ito kahit pa may mangilan-ngilan na akong malalaman rito. Kaya gustuhin ko mang lumabas rito ay maaari naman. Nais pa nga nila akong pasamahan sa isang guwardiya rito. Kung sasama naman ako sa kanila sa bayan, hindi naman ako maaaring humiwalay sa kanila kung ayaw kong maligaw ako.
Ngunit naisip ko, bakit hindi na lamang ako sumama kaysa narito lang ako sa loob ng mansyon na nakatunganga matapos tumulong sa gawain at nakikipaglaro sa batang biik. Mabuti na nga lang at tinuruan ako ni Julian ng ilang larong tao gaya ng piko at patintero upang malibang kami pareho. Masaya siyang laruin kaya lamang ay talagang nakakapagod.
Naglaro rin kami ng taguan ng batang biik pero dahil napakabait ko... kapag siya ang taya ay iiwan ko siyang mag-isa at pupunta sa aklatan upang maghanap ng panibagong libro. Kapag bumaba na ako matapos ng ilang oras at nakita niya ako. Galit na galit siya, namumula ang mabilog na pisngi tila umuusok pa ang ilong. Sususutin ko naman siya kaya mas lalo itong magagalit. Kapag umiyak na ito, doon lamang ako titigil dahil sinusaway na ako ni Lola Nena.
"Victoria." Si Lola Nena.
Agad akong pumunta sa pinto upang pagbuksan siya. Ngayon ako sasama sa kanila sa bayan. Na-excite naman ako bigla kaya nga agad akong nag-ayos matapos mag-umagahan. Makakapunta na rin ako sa bayan, sa wakas!
"Nakabihis ka na pala. Mabuting maaga tayong makaalis at makarating sa bayan upang makapamalengke at makabili ng gamit mo. Para alam mo na rin ang daan kung nanaisin mong mamasyal ay pamilyar ka na rito," aniya.
"Opo," sagot ko. Hindi maalis ang ngiti sa labi ko ngayon.
"Sige, halika na sa baba. Nag-aantay na ang Lolo Juls mo at si Julian," dagdag pa niya.
Sumunod naman ako sa kaniya palabas ng silid. Nauuna pa man din siyang maglakad. Nang malapit na sa hagdan paakyat sa ikatlong palapag ay tumabi ako at humawak sa braso niya.
"Bakit, Hija?"
"W-wala po. Tara na po."
Napalingon muli ako sa hagdan patungo sa ikatlong palapag nang magsitayuan ang balahibo ko sa batok. Kinilabutan na naman ako't bumilis ang tibok ng puso ko. Pakiramdam ko ay mas dumami ang nakatingin sa akin ngayon. Napabilis ako ng lakad.
"Sandali lamang, Victoria. Mukhang nasasabik ka sa pagpunta natin sa bayan ah. Mabuti naman at mukhang sumisigla ka na ulit," natutuwang sambit ni Lola Nena.
Nakalimutan kong hawak ko nga pala siya nang magmadali akong maglakad. Hindi na lamang ako umimik at may iba pa akong masabi.
Nang makarating kami sa labas ng mansyon ay nakita na namin si Lolo Juls. Agad naman kami nitong sinalubong, lumapit siya kay Lola Nena at inalalayan niya sa kotse para maupo sa unahan. Ako naman ay dumiretso sa likod at naupo katabi ang...
"Oy batang biik, ano iyang hawak mo?" tanong ko kaagad at hinawi ang hawak niyang hugis kuwadrado na lumiliwanag upang makita ko ito ng maayos. Tila may pinipindot siya rito.
"Tablet ang tawag dito, Ate Victoria. Saan ka ba galing at hindi mo alam ito?" naiiritang saad at tanong nito sa akin habang nakatingin pa rin sa sinasabi niyang tablet.
"Ayan tuloy! Talo na. Nakain na nung zombie 'yung mga halaman ko. Lola oh!" nagulat ako bigla sa sinabi nito na waring nagsusumbong.
Lumingon naman sa amin ang dalawang matanda.
"What? I didn't do anything. Nagtatanong lang naman ako, ah."
Ano bang nagawa ko? Zombie? Halaman? Hindi ko alam na vegetarian na pala ang zombie ngayon. Kakaiba. At paano naman nagkasya ang mga iyon sa tablet na sinasabi nya? Ang daming kakaiba sa mundo nila pagdating sa mga ganoon, wala niyan sa'min e. Malamang na mula ito sa mundo ng mga tao.
YOU ARE READING
Bewitching Hearts: Ground Zero
FantasiaInfamous by her own tagline, "I am Victoria and I do what I want." Victoria was once a mischievous lady. She's stubborn, she's uncontrollable, she hate rules, she always ditch her home classes, she's a frolicker, and she loves to sneak out of their...