Naglalakad si Sono papunta sa Lolo niya. Kasalukuyang nakikipag-usap ito sa mga bagong pinuno ng kaharian. Pagkapasok ni Sono sa kwarto ay nakinig muna siya sa usapan.
"Ang templo at ang tore ang napinsala dito sa palasyo." Dinig niyang sabi ng Lolo niya sa mga kausap. "Pero maayos naman ang bawat sulok ng palasyo. Mas gusto kong unahin nating ayusin ang mga nagibang bahay ng mga tao."
"Pero Haring Demetri, mas mahalagang unahin na natin itong palasyo. Dahil dito tayo magkakaroon ng selebrasyon. Makakapaghintay naman ang mga tao dahil malaya na tayo. Wala nang masasamang tao kaya igagawa namin sila ng bahay na gawa sa kahoy upang pansamantala nilang tahanan." Sagot ng isang opisyal sa palasyo na si Cabo. Kaharap din ni Demetri si Aba, Kaled, Elias at Hagad.
"Walang susuway sa'kin." Balik ni Demetri. "Hindi mahalaga ang palasyo. Mula ng masakop tayo ng mga terorista ay nagbago na ang pananaw ko sa buhay. Lalo ng makilala ko si Dionne. Kaya sundin niyo na lang ako. Hindi magbabago ang pasya ko. Sa ngayon ay wala na akong ibang pagkakatiwalaan bukod sa inyo dahil hindi kayang mamuno ng iba sa atin. Kaya si Dionne ay magkakaroon din ng katungkulan dito. Siya ang hihirangin kong gobernador."
Wala namang reaksyon sa mga itsura ng mga kaharap dahil inaasahan na nila ito. Masama lang ang loob nila dahil marami pang aayusin sa labas ng palasyo. At isang taon pa ang gugugulin para maayos ang templo at tore. Konti na lang kasi ang magagaling nilang trabahador.
"Bigyan mo ako ng isang buwan pa mahal na hari." Sabi uli ni Cabo na siyang namumuno sa mga trabahador na malalaki ang katawan.
Umiling si Kaled kay Cabo. "Sundin na lang natin si Lolo." Sabi nito. "Malaking pera kasi ang gagamitin natin."
"May pera tayo. Hindi na ako makapaghintay." Ganti ni Cabo.
"Cabo.." Tawag ni Aba. "Alam namin na mabuti ang intensyon mo pero isipin mo din ang kapakanan ng mga tao."
"Katatapos lang namin sa pulong. Nangako ako sa kanila na matapos ang palasyo ay ipapaayos ko ang mga bahay na nasira. Natuwa sila sa'kin. Kaya hindi niyo na sila dapat pang alalahanin."
Magsasalita sana si Demetri pero napansin niya si Sono na nakatayo. "Sono, kamusta si Dionne?" Tanong nito.
Lumapit si Sono. "Natutulog parin siya, Lolo."
Napailing lang si Kaled. "Dalawang araw na siyang walang malay." Napatingin kay Aba si Kaled.
"Malapit na siyang magising." Sabi ni Aba. "Halos mamatay na siya. Muling bumangon para gamitin ang natitira niyang lakas. Hindi pa husto ang pahinga niya kaya halos wala na siyang buhay matapos ang laban nila ni Abdul. Kung tama ang hinala ko ay gigising na siya ano mang oras. Pero kung hanggang bukas ay hindi siya babangon ay kailangan natin siyang pwersahing painumin ng gamot o ipadala sa kabilang bansa upang mapakain sa ospital kahit walang malay."
"Maghintay pa tayo." Sabi ni Demetri. "Isa sa hinihintay ko ang pagbangon niya. Gusto ko siyang makausap para malaman ko ang panig niya."
"May palagay akong hindi niya tatanggapin ang posisyon na ibibigay niyo, Lolo." Sabi ni Kaled. "Dahil kailangan niyang umalis ng bansa. Bumalik lang siya upang iligtas tayo kaya alam kong aalis na siya. Malapit na."
"Lolo." Lumapit si Sono. "Huwag niyong papayagan na umalis si Ate Dionne."
"Saka na 'yan, Sono. Ang mahalaga sa ngayon ay kailangan na niyang gumising. Para din ipagdiwang natin ang kalayaan at mapasalamatan siya ng mga tao. Magdasal ka, Apo. Malaking tulong 'yan."
Tumango lang si Sono at lumabas ng kwarto. Iniwan niya ang mga nag-uusap at pinuntahan ang mga kalaro niya na naghihintay sa ibaba ng kaharian. "Sono, anong balita?" Tanong ng batang sumalubong sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Dead Or Alive [Volume 1]
ActionMore on action fight scenes, missions, solvings, armies, terrorist, most wanted, killing, historical, mystery/thriller, science and superhuman fiction.