Part 17

4K 107 0
                                    

"HEY, JESS," tawag pansin ni Vernon kay Jessica/Vaya. Tumigil siya sa tangkang pagliko sa isang hallway. "Sa rooftop ka na naman pupunta at magpapalipas ng break time mo?"

"Oo," tugon ni Jessica. Si Vernon ay manliligaw niya na ilang beses na niyang tinapat na hanggang pakikipagkaibigan lang ang turing niya rito. Isa rin itong nurse.

"Yayayain sana kitang magmeryenda," alanganin pag-iimbita nito.

"Kumain na si Jessica. Huwag mo siyang istorbohin," pagsingit ng masungit na boses ng kaibigan niyang si Lucille. Mainit ang dugo nito kay Vernon. But Jessica knew better. May lihim na pagtangi si Lucille kay Vernon. Alam niya dahil nababasa niya ang iniisip nito. Sa malas ay hindi ito mapansin ng lalaki kaya idinadaan na lang sa pagsusungit.

"Ikaw ba ang kinakausap ko?" ganti naman ni Vernon. Parang aso at pusa ang dalawang ito kapag magkaharap. "Hindi mo ba alam na bastos ang pagsingit sa usapan ng may usapan?"

"Ahm," pag-awat niya sa dalawa. "Vernon, kumain na talaga ko. Salamat na lang sa pag-imbita. Ikaw, Lucille, you go ahed. Hindi mo pa breaktime." Inirapan ni Lucille si Vernon bago ito umalis. 

"Mauuna na rin ako, Vernon, ha." Ah, kung puwede lang niyang sabihin kay Vernon na si Lucille ang nakikita niyang makakasama nito sa hinaharap. But she was forbidden to tell the future. Kapag sinabi niya kasi ang mangyayari sa hinaharap ay maapektuhan niyon ang judgement ng isang tao. Maaapektuhan ang free will nito, ang kalayaang magdesisyon dahil sa tuwina ay ikokonsidera nito ang sinabi niya. But then, she was sure they're destined to end up with each other. Pasasaan ba at gagawa rin ng paraan ang kapalaran para matupad ang nakatadhana.

Nang makarating sa rooftop at makaupo sa paborito niyang puwesto ay ipinikit ni Jessica ang kanyang mga mata. "Kara, where are you?"

Agad niyang nakita si Kara at Santi sa isang simbahan. Parehong taimtim na nananalangin ang dalawa. Alam niyang nananalangin ang dalawa para sa kalusugan ni Kara.

Maya-maya ay naupo na ang dalawa.

Patagilid na nakaupo ang dalawa sa isang bench, paharap sa isa't-isa. "Sisimulan agad ang treatment mo," masuyong sabi ni Santi. "I want you to be a good patient. Pagkatapos, kapag payag ang doctor, uuwi na tayo sa San Ildefonso. We'll spend the sem-break there, tulad ng plano natin. Magba-bike tayo, maliligo sa ilog, manonood ng stars, magpi-picnic... And, we'll be having a lot of dates."

Saglit na nagyuko ng ulo si Kara. Then she smiled bitterly. "Paano kaya kung gumawa na ako ng bucket list? You know, mga bagay na gusto kong gawin o maranasan... b-bago ako mamatay."

Biglang tumayo si Santi. Tumalikod ito kay Kara. Namaywang ng mariin. He was so tensed. Kitang-kita ni Jessica/Vaya ang emosyong pinipigilan nito. Gusto nitong magwala, umiyak, maghanap ng masisisi. Ilang beses na himinga ito nang malalim bago muling umupo. "D-don't say that again. P-please d-don't say that again," basag ang boses na sabi ni Santi. Kinabig nito si Kara at niyakap. "M-magkasama tayong tatanda, Kara. May magandang bukas na naghihintay para sa atin. Bubuo pa tayo ng isang basketball team at cheer leaders. Samahan na rin natin ng coaching staff," biro nito.

Natawa si Kara. Tawang walang buhay, tawang nagdulot ng luha sa mga mata niya. Hanggang sa ang tawang iyon ay naging hagulhol. She cried. He cried.

Iminulat ni Jessica/Vaya ang mga mata. Bumuntong-hininga siya. Damang-dama niya ang pagmamahal ni Santi para kay Kara.  Hindi lamang ang mundo ni Kara ang nawasak dahil sa sakit nito, nawasak din ang kay Santi. Kara's been the only girl in his heart. Noon pa man, si Kara lang ang gusto nitong makasama sa hinaharap. Pangarap nitong pakasalan si Kara. Maging ina ng mga anak nito. Makasama hanggang sa pagputi ng buhok at pagkulubot ng balat. Makasama hanggang wakas. But now, everything is in jeopardy. Nagpapakatatag lang ito, but he was so afraid. Ramdam na ramdam din ni Jessica/Vaya ang paghihirap ni Santi.


One Love, One Soul (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon