ALAM MO BANG may mga sumpa sa mga manunulat? Hindi mo lang napapansin, pero marami sa kanila, nababaliw. 'Yung iba, naliligaw. Iba naman, namamatay sa gutom. At maraming-maraming sumusuko na lang sa tagal ng pangangapa sa dilim. Hindi mo napapansin kasi biktima ka ng survivorship bias, na nakikita mo lang 'yung nagtatagumpay. Pero, masisisi ba kita? Sa sobrang hirap maging fit para mag-survive sa pagsusulat, hindi mo mapipigilang humanga sa mga sikat na writer. Hanga ako sa mga sikat na writer. Ako kasi, nangangapa pa sa dilim.
Ah. Writer nga pala ako. Not a professional one, though.
Mabalik tayo sa topic: mga sumpa sa pagiging writer. Isa sa mga sumpang 'yon: minsan, kukuyugin ka ng kaibigan mo minsan para abusuhin minsan ang kakayahan mong magsulat minsan.
Si Kael, anak ni Tito Manuel, boss ng driver kong tatay (technically, boss ko na rin si Tito), iniistorbo na naman ako sa isang bagay na lagi niyang ipinapagawa sa akin: isang love letter. Siya ang kaibigan kong sumpa sa akin. Tuesday 'yun, tahimik sana buhay ko, kaso tanghali pasok niya, kaya wala akong choice kundi magtiis sa presensya niya. Mas malala kapag weekends kung saan e wala siyang pasok.
"Tol, pagawa naman ako'ng love letter."
"Busy ako."
"Sige na! Minsan lang naman ako humingi ng pabor!" Minsan? Ha.
Nagpatuloy na lang ako sa pagtipa sa laptop. Nagpatuloy lang din siya sa pagsasabi ng detalye ng kahilingan niya at sa natitipuhan niyang babae. "Ang ganda n'ya talaga 'Tol, pero hindi pisikal! Basta, kakaiba!"
Napabuntong-hininga na lang ako, at hinarap siya. Nakahiga siya sa higaan ko, ang babang part ng double-deck ('yung taas kay Tatay (na madalas namang hindi nagagamit dahil madalas siyang wala, kasama si Tito Manuel)); mabilis siyang bumangon at handa na ulit isiwalat ang mga bagay na nagustuhan niya sa pag-aalayan niya ng liham ko-este, ng liham niya na isusulat ko.
"Para kay Singkit ba?" tanong ko.
"Singkit? Kay Nami? Hindi!" Natawa pa siya na parang nakalimutan na niyang kinulit niya ako na sumulat ng love letter para sa babaeng mukhang Chinese na 'yun noong nakaraang buwan lang. "Bago 'to, 'Tol. Si Wendy."
"Bago na naman? 'Lang 'ya ka talaga. Ano na nangyari kay Nami?"
Nagkibit-balikat siya, "Wala na 'yun. Hindi nag-work out? Anyway. Ano? Go?" Sira ulo talaga. Mabilis mahulog; mabilis mawala. Walang sinseridad ang damdamin niya sa mga nagugustuhan niya, masyadong iresponsable.
"Hindi na kita gagawan," tutol ko. "Walang mas pangit sa pag-ibig na hindi seryoso."
"Walastik, wala kang karapatang magreklamo. Pinapatira lang kita dito sa pamamahay ko."
"Si Tito nagpapatira sa sa'min ni Tatay, hindi ikaw."
"Oo nga. Ako pa rin magmamana ng pag-aari ni Papa."
"Masama ugali mo, baka sa'kin pa n'ya ipamana lahat."
"Asa."
"Tanga."
"Ulol."
"Humihingi ka ba talaga ng tulong sa'kin, 'Tol?"
"Oo nga! Sige na, gawan mo na 'ko." Umayos ito ng upo sa gilid ng kama ko.
Sumuko na ako. "Go," sabi ko. "Sino ba si Wendy?"
"Well, si Wendy ay isang babaeng..." Matagal siyang nakatigil sa nakalutang na pagsasalita.
"Isang babae...okay. Tapos?"
"Hindi ko alam 'Tol! Feeling ko e s'ya 'yung pinaka-peak ng pagiging babae. Ewan!" Ngumingiti-ngiti pa siya habang inaalala ang bagong babaeng biktima ng kanyang kapusukan. Kawawang Wendy. Pero, hindi tulad ng sinasabi niya sa akin dati, kakaiba ang description niyang "pinaka-peak" ito sa pagiging babae para sa kanya-hindi mukha, dibdib, o pwet nito ang ibinigay niyang description. Iba kumpara kay Nami. At Jenny. At kina Joan, Alexia, Kate, Fate, Grace, Lovely, at Marcy. Kakaiba.
Nagpatuloy siya, "Hmm, kung physical ang titingnan," he cleared his throat, "well, maganda s'ya. Kaso hindi pansinin, yung hindi mo tititigan. Pero..." Muli siyang ngumiti at umiling nang bahagya. Kakaiba talaga. Ngayon kaya ay natagpuan na ng kaibigan ko ang pag-ibig na kailangan niya? Ngayon kaya ay pipiliin na niyang mas kilalanin ang babae at hindi lang manyakin nang isang buwan?
"Ano ba gusto mong sabihin sa kanya?"
Nakatingin siya tagos sa pader na parang nakikita niya sa likod n'on ang bagong babaeng napupusuan niya. "Gusto ko s'yang makilala. Gusto kong sabihin sa kanya na gusto ko s'yang makilala."
Napatango ako. Hindi na niya 'yon napansin at abala na siya sa pagkukwento kung paano natahi ang buhay niya sa tadhana ni Wendy. Susubukan ko siyang tulungan sa panliligaw, pero pinangako ko sa sarili kong huling babae na si Wendy na susulatan ko in his name.
~*~
Wendy,
Hindi mo ko kilala sa pangalan pero madalas mo kong makikita sa McDo kung saan ka nagtatrabaho. Minsan kang nagwalis at nag-mop malapit sa table naming magbabarkada at simula noon e dumalas na ang pagpunta ko sa McDo. Nababawasan tuloy ang allowance ko! Pero ayos lang, kasi nakikita naman kita.
Patawarin mo sana ako, pero sa tuwing naglilinis ka ng lamesa o nasa likod ka ng cash register e hindi ko mapigilang tumitig sayo, though hindi mo siguro yun napapansin kasi ngumingiti ka pa rin sakin. Malamang, tungkulin mong ngitian ang customers, ahahaha. Sorry.
Gusto ko lang sabihin na maganda ang ngiti mo. At, kung pagbibigyan mo ko, gusto sana kitang makilala at malaman kung ano pa ang ibang magpapangiti sayo.
-Kael
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.