SA IKATLONG TAON kong pag-iisa, natagpuan ko ang pinakamasayang ako.
Sumikat 'yung Days of Ghost noong nakaraang taon, at tuloy-tuloy lang sa pagsikat 'yung kwento (ako rin sumisikat pero wala naman akong pakialam doon). At sa pagsikat, may mga nagbubukas na pintuan ng mga pagkakataon.
C-in-ontact ako ng isang agent ng isa sa mga kakarampot na publishing house sa Maynila. Nag-PM siya sa akin sa Fb, "gusto naming i-publish yung days." Bumulwak 'yung ligaya sa puso ko sa nabasa ko, pero naging skeptic muna ako...ng mga five seconds bago ko siya tanungin ng mga detalye. Nagkita kami sa isang cafe malapit sa office nila, dalawang oras na byahe mula sa Sta. Monika.
Matapos ang kaunting langisan (langisan – paligoy-ligoy for the end goal of smooth conversation) sa ibabaw ng merienda, mabilis nang dumulas 'yung usapan patungo sa pagpa-publish ng Days of Ghost. Hindi na niya itinanong kung gusto ko bang i-publish 'yun, at dumiretso siya sa mga gusto nilang tanggalin at idagdag sa kwento. Halos kalahating oras niyang dinetalye 'yung mga "edits" (ayon sa kanya) na gusto nila. Kalahating oras lang akong nakinig at tinanggap ang mga matatalim na salitang ginagamit niya para tapyasin ang mga ayaw nilang elemento ng kwento ko.
At siguro e magtutuloy-tuloy pa 'yun kung hindi ko siya pinatigil. "'Yung mga gusto n'yo pong tanggalin, mahahalagang part po 'yun ng kwento," sabi ko.
"Sa kwento mo, oo siguro," anya at sumimsim ng kape, "pero sa kwento namin, hindi. Hayaan mo kaming tanggalin 'yung mga hindi naman maganda, tapos ang usapan."
"Pero kung tatanggalin ko po 'yung mga 'yun, parang iba na 'yung nagsulat."
"Ayaw mo bang ma-published?"
"Gusto po."
"Edi pumayag ka na."
"Higit po d'on, gusto ko lang pong magkwento. 'Yung gusto n'yo po kasi, hindi na pagkukwento 'yun e, parang nagiging propaganda na."
Umiling siya. "Malabo ka kausap, bata."
"Kung 'di n'yo po 'ko ma-gets, itigil na ho natin 'tong kalokohang 'to." Nagtitigan muna kami nang ilang saglit bago ako tumayo. Paalis na ako nang magsalita siya.
"Kung ganyan ka nang ganyan," may pagbabanta sa tono niya, "walang publisher na kukuha sa'yo."
"Kung gagahasain lang ho ng mga publisher 'yung kwento ko, mas pipiliin ko pong manatili sa gan'to." Bahagya akong tumungo. "Salamat po sa maliit na pag-asang 'pinakita n'yo sa'kin."
Lumabas ako sa cafe na tinatapik ang sariling balikat. "Good job," sabi ko sa saril ko. Tapos sabay batok. "Napakayabang mo! Mapa-publish ka na dapat kaso inuna mo 'yang kayabangan mo!" Pinagsisihan ko immediately 'yung desisyon ko, at ginusto kong tumakbo pabalik sa cafe para magmakaawa. Pero alam kong mas pagsisisihan ko kung makikita ko 'yung sarili kong kwento sa istante ng mga bookstore pero parang hindi naman ako 'yung nagsulat. Pinanghawakan ko 'yung prinsipyo ko.
Hindi naman ako nabigo. Dahil hindi nagtagal (mga five months), may bumukas ulit na oportunidad para sa kinabukasan ng Days of Ghost.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.