Page 41

21 1 0
                                    

ISA NA AKONG ganap na professional writer.

Nakapirma na ako ng kontrata sa Lakan-Lakam, at naging official editor ko na si Sutla. Malaki pasasalamat ko sa kanya, lalo na sa expertise niya sa pagbuo ng kwento (though hindi niya kayang gumawa ng kwento, ayon na rin sa kanya). Mas nag-focus ako sa pagsusulat kasi ngayon alam ko nang may nakikinig sa akin. Napakagandang motivation ng suporta ng mga sumusubaybay sa kwento mo. Nakakakilig. Kinalimutan ko na 'yung pagiging parttime chauffer; sa tingin ko kasi masyado na akong maraming nakita sa trabahong 'yun. Tsaka masarap matulog nang maaga, nagigising akong mas maaga, kaya parang mas marami akong oras para magsulat. Okay na 'yung takbo ng buhay ko, at sobrang pagpapala na maging trabaho mo 'yung passion mo talagang gawin.

Kaso may kulang. Hindi pa rin ako ganoon kasaya. Well, sobrang saya ko na, actually, kaso parang may espasyo sa puso kong hindi malagyan-lagyan ng ligayang dulot ng pagsusulat. Isang sumpa. Isang sumpa na hindi ko alam kung ano ang tawag pero nararamdaman ko. So, ano ginawa ko para malaman 'yun? Nag-search ako sa internet.

Ayon sa isang 80-year study ng Harvard (ba 'yun?), hindi cholesterol, hindi sugar level, hindi blood pressure ang dahilan ng kamatayan ng maraming tao kundi "pag-iisa". Joke lang. Pero kung pagbabasehan 'yung resulta ng nasabing study, hindi nalalayo sa katotohanan 'yung hinuha ko. Ang susi kasi sa fulfilling na buhay, sabi sa study, ay ito: relationship. Pero hindi basta relasyon na batian lang ng hi-hello, kundi pakikipag-usap ng mga kaluluwang limitado sa pagsilip sa bintana ng katauhan. Positive Alacrity ang take-away sa nabasa ko, na hindi ko naman na inintindi kung ano ang ibig-sabihin. Natuon kasi ako sa konsepto na kung gusto mong lumigaya, magtuon ka ng pansin sa relasyon mo sa ibang tao. Hindi pera, hindi maayos na pamumuhay, hindi pag-abot sa pangarap ang pupuno sa buhay mo, kundi mabuting relasyon. 'Yun siguro 'yung kakulangang nararamdaman ko.

Kaya minabuti kong maging maayos sa mga katrabaho ko sa Lakan-Lakam. Okay naman, medyo na-weird-uhan lang sila sa akin sa umpisa kasi aloof daw ako. Naging mas ka-close ko sila, lalo na 'yung mga writer. Magkakaiba kami ng opinyon sa buhay, pero mas tumitibay lang pagsasamahan namin dahil sa mga magkakaibang 'yun.

At sinubukan ko ring magmahal ulit. Out of the picture na si Sutla kasi may asawa na siya, at wala siyang pakialam sa akin bukod sa mga sinusulat ko (joke lang, mabuti siyang kaibigan). Hindi na rin pwede ang mga katrabaho ko kasi hindi ko sila ramdam—feeling ko e iisang buong organism kami na may kanya-kanyang function lang. Sinubukan kong maghanap ng hindi ko kilala at may ilang nagpakita ng interes, pero maski 'yung ibang tao parang...parang bland. Walang kakaiba sa kanila. Marami akong nakitang maganda na na-attract ako, pero laging sumasagi sa isip ko na marami naman talagang maganda sa Pilipinas; gugustuhin ko ba silang lahat na maging partner ko? At mas importante, gugustuhin ba nila ako?

Pogi ako (ehem), stable, at fulfilled na ang pangarap sa buhay sa gulang na 24. Wala na akong ibang hahanapin pa, bukod siguro sa mapaglalaanan ko ng resulta ng katagumpayan ko. Doon lang ako hindi tagumpay. Pero, may karapatan pa ba akong magtagumpay doon sa kabila ng lahat ng kasalanan ko? Feeling ko sapat na itong nararanasan ko—more than this, malcontent na. At sa tingin ko e mas karapat-dapat akong mag-isa kaysa may kasama. Tutal, may relasyon naman ako sa mga readers ko, broadly speaking. At lagi akong magpapasalamat sa kanila sa pagsuporta nila sa akin, digitally man o printally (bagong word sa vocabulary ko ang printally).

Nang lumabas ang Days of Ghost sa estante ng mga bookstore nitong nakaraang Pebrero, marami sa mga sumuporta sa digital, unedited format ng kwento ang in-extend ang suporta sa kwento sa pamamagitan ng pagbili ng printed, edited form nito, at sinasabi pa nilang mas gusto nila 'yung printed version (thank you kay Sutla). Noon lang din ako nakapag-umpisang magsulat ng ibang kwento; medyo naubos kasi utak ko sa Days of Ghost. At naging ugali ko nang magsulat paminsan-minsan sa mga café dahil sa magandang mood na naibibigay sa akin ng mga 'yun, dahil na rin sa alaalang nakakabit sa mga 'yun, ang alaala ng pagkamit ko sa pangarap ko. Marami na akong napuntahang café, at minsan pa nga e napapadpad pa akong Cubao. Pero nitong nakaraang linggo, natagpuan kong may bagong bukas na café sa Sta. Monika, sampung minutong motor lang ang layo mula sa tinitirhan ko. Nai-tweet lang ng isang reader, pinuntahan ko ang Bread Corp. dahil sa 7 AM nitong pagbubukas, na sakto sa pagiging aktibo ng muse ko.

Bagong-bago 'yung café, malaki, cozy at may sense of familiarity na hindi ko maintindihan, pero komportable ako doon na parang nasa bahay lang ako. At hindi lang ako ang nakakaramdam noon. Sa limang araw ko kasing pagpunta, parang parami nang parami 'yung mga customer despite na soft opening pa lang ang café.

Ngayong Biyernes lang naiba. Nasa pito lang siguro kaming customer, kahit magtatanghali na. At kinuha ng dalawang crew ang pagkakataong 'yon para mag-survey sa amin. Nakita ko sa survey form na tatlo na ang branches ng Bread Corp.—isa dito sa Sta. Monika, isa sa Eastwood, isa sa Consolacion. Pero hindi 'yun 'yung pumukaw sa pansin ko (medyo lang doon sa Consolacion), kundi 'yung isa sa mga tanong sa questionnaire. Nakapagtatakang napaka-random ng tanong. At hindi ko alam kung bakit, pero parang direkta sa akin ang tanong na 'yun.

Nakakunot ang noo ko nang marinig ang nagbigay sa akin ng questionnaire. "Nand'yan na si Ma'am, guys!" sabi niya sa tatlo pang crew doon. Napatingin ako sa direksyon ng tinignan ng mga mata nila. May isang babaeng nagpaparada ng motor sa may tabi ng akin.

Naitanong ko sa crew bago siya makaalis, "S'ya manager n'yo?"

"Yes sir," sagot ng crew. "S'ya rin po owner." Napatango ako sa paghanga sa owner na 'yun. Mukhang bata pa kasi siya, kung pagbabasihan ko 'yung hubog ng katawan niya. Gusto ko siyang kausapin, para lang i-commend 'yung café niya. Pero nang magtanggal siya ng helmet, hindi ko alam kung gugustuhin ko pang gawin 'yun o magpakita man lang.

Hindi ako nakahinga. At napatitig lang ako sa mukha ng magandang babae, naka-ponytail ang mahabang buhok na kumikintab ng pula sa pagtama ng araw, nagsasabit ng helmet sa dalang motor. Isang magandang babaeng kilala ng alaala at puso ko.

Si Nora. Lalo siyang gumanda sa paglipas ng apat na taon.

Biglang luminaw na para sa akin talaga ang kakaibang tanong sa questionnaire.

~*~

23. Published writer ka na ba? __Yes __No __Still Trying!    

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon