Page 45

11 0 0
                                    

MAY MGA BAGONG gusaling nakatayo sa magkabilang gilid ng mga kalsada—mga bagong apartments, mga bagong compound, may mga café at fast food chains, at may isang grocery pa sa isang kanto na dati e bakanteng lote lang. Marami nang nagbago sa paligid. Pero alam ko pa rin ang daan papunta sa Buendia Residence.

Pagdating ko sa bahay, ang sumalubong sa akin ay isang mahigpit na yakap ni Nanay Benya, na nagsabing, "Mas pumogi ka ah!"

"Wala po kayong pinagbago," sabi ko. "Parang 'di po kayo tumanda."

Pinisil niya ako sa pisngi, "Bolero ka na?"

"Hindi po ah," sabi ko, "totoo po 'yun!"

"Bolero ka na nga," natatawa niyang tugon.

Pinapasok na niya ako at dinala sa may kusina, ipinagtimplang kape, at hinandaan ng cookies na gawa ni Nora. Nagkumustuhan kami at nagkwentuhan tungkol sa mga nangyari sa lumipas na apat na taon.

Sabi niya, nang umalis ako, bahagyang nagkagulo sa bahay. Laging nagbabangayan sina Kael at Nora, to the point na hinayaan na lang niya ang dalawang mag-inisan. Nagbago si Kael, at madalas nang umuuwi nang gabi. Pero mas malaki raw ipinagbago ni Nora. Umalis siya sa banda, at nag-aral na lang ng martial arts, at lumaki ang interes sa mga motor kasabay ng pagpapaikli ng buhok. Ang inakala niya ay tibo na si Nora, at lumalim pa 'yun nang wala itong tanggaping manliligaw. At kung may magpumilit, nababalitaan na lang niya na isinugod sa ospital dahil sa pambubugbog. Pero sa gitna ng napakarami niyang ginagawa, hindi pa rin nawawala ang pagbe-bake nito sa bahay, at mas lalong nagpursige sa pagiging patissier.

Sa ngayon, si Tito Manuel, si Tatay, dalawang katiwala, at siya na lang ang naroon sa Buendia Residence; bumukod na ng bahay sina Kael at si Nora, pero madalas pa rin silang bumabalik sa bahay sa tuwing trip nila.

"Ano nga pa lang nangyari sa mukha mo? Parang may mga maliliit na pasa..." turo ni Nanay sa ilang pasa ko sa mukha. "May sakit ka ba sa dugo?" Kung makikita lang ni Nay Benya pasa ko sa hita, tagiliran, at braso, malamang sabihan na niya akong may cancer sa dugo. Kaya nag-long sleeve na T-shirt muna ako kahit hindi ko trip 'yun.

"Wala po," iling ko. "Gawa lang po ni Nora."

Napataas siya ng kilay. "Nagkita na kayo?"

"Opo, last Wednesday lang po, tsaka kahapon."

"Nabugbog ka rin... sinubukan mo ba s'yang ligawan?"

Umiling ako bilang tugon, at humingi ng linaw, "Totoo po ba talagang nambubugbog ng manliligaw 'yun?"

"Ay, oo, 'Nak," palatak niya ng dila, "lahat 'ata ng galit n'ya sa'yo naibubuntong n'ya sa mga 'yun."

Bahagyang lumubog ang puso ko sa sinabi ni Nanay. "Talagang nasaktan ko po si Nora, 'no?"

"Lumipas na 'yun kaya 'wag mo nang alalahanin."

Naalala ko bigla kung paano isinigaw ni Nora na mahal niya ako noong gusto niya akong pigilan; napabuntong-hininga ako. "Marami po talagang nangyari, 'no?"

"Oo, 'Nak. Ang daming gumalaw, ang daming nawala," sabi ni Nanay. "Mahalagang parte ka kasi ng pamilyang 'to e, kaya n'ong mawala ka nagkulang 'yung parang pundasyon. Ang daming nagiba, parang nawasak kami." Nakangiti siya habang sinasabi 'yon, halatang inaasar lang ako.

"Nay naman e," palatak ko ng dila.

"Biro lang," aniya. "Inumpisahan mo lang, pero gaya mo pinili rin nila kung ano'ng tatakbuhin ng buhay nila."

"Nakabuti rin po talaga pag-alis ko, 'no?" Hindi ko napigilang makaramdam ng self-pity.

"Hindi naman," aniya, "talagang mature lang mag-isip 'yung magkapatid at napagtantong may mga pangarap din sila sa buhay."

"Edi mas nakabuti po talaga pag-alis ko."

"Umalis ka man o hindi, gagawin pa rin nila 'yung mga ginawa nila. Kung may nagawa ka man, 'yun e 'yung sinaktan mo sila." Natahimik ako sa sinabi ni Nanay. Oo nga naman. Bakit ko ba iniisip na pagkawala ko dahilan ng paglakad nila sa gusto naman nilang tahaking daan sa umpisa pa lang? Sa sinabing 'yon ni Nanay, sabay niyang pinawi ang self-pity at kayabangang nararamdaman ko sa pag-iisip na may mabuting naidulot ang pag-alis ko.

Nang tahimik lang ako, kinumusta na niya ako. Naikwento ko na writer na ako, at... "'Yun lang po." Sobrang boring ng buhay ko, pero ramdam kong masaya pa rin si Nanay para sa akin.

Pagkatapos noon e nagkwentuhan na lang kami ng iba't ibang bagay, nagtanong ako tungkol kina Tatay at Tito Manuel, at kay Tita Karen na rin (ang nanay nina Kael at Nora) na parang apat na beses ko pa lang yata nakikita; nabanggit niya ang pag-uwi nito noong taong umalis ako—takang-taka kung bakit ako lumayas. At kung anu-ano pang tinanong ko, mga bagay na hindi ko naitanong kay Nora. Para lang akong nagkukwento at nagpapakwento sa lola ko—lalo na't hindi ko na naabutan ang totoong mga lola ko sa parehong side nina Mama at Tatay. At sa lahat ng tanong ko, may detalyadong sagot si Nanay, bukod sa tanong kong, "E kayo po, kumusta?" na ang sagot niya lang e okay lang siya, ganoon pa rin naman; nang mawala ako, nag-alala siyang lubos sa akin. Sa tingin ko e lahat ng affection ko sa isang lola e sa kanya ko naibibigay.

Nang paalis na ako sa bahay (matapos ang halos apat na oras na kwentuhan), tinanong ako ni Nanay Benya, "Ano na'ng balak mo?"

"Balak po saan?" paghingi ko ng linaw.

"Babalik ka na ba?" Nabanggit na rin ni Nora ang kaparehong tanong na 'yun. Pero imbes na sa kaparehong sagot, ito ang sinabi ko:

"Opo. Susubukan ko po munang ayusin 'yung mga ginawa ko, pero, opo, babalik po ako."

"Mag-iingat ka, 'Nak," pagpapaalam ni Nanay. At umalis na rin ako kaagad.

At ang sunod kong destinasyon: ang kumag kong utol, si Kael.

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon