Page 19

27 1 0
                                    

MAG-AALA' SINGKO, NAG-TEXT sa akin si Wendy: wer n u?

Natawa ako sa text niya—dapat itatama ko siya, pero natawa ako. Alam ko kasing sadya niya lang talagang gawin 'yon.

Nag-reply ako.

Ako: alis n me

Wendy: blis, inip n me

Ako: w8 lng

Wendy: Hahahaha. Sumasakit mata ko.

Ako: Ako rin. Alis na 'ko. Hintayin mo na lang ako d'yan.

Pagdating ko sa McDo, nakapwesto na siya sa isang bakanteng lamesa malapit sa salaming pader, nakatingin sa kalsada. Pagbaba ko ng kotse, nakita naman niya ako kaagad, at nakangiting lumabas. "Akala ko maiinis ka sa text ko," aniya.

"Alam ko namang joke time ka lang e," sabi ko. "Tara na."

Sumakay na kami sa kotse, at inihatid na siya sa Doña. Tahimik lang kami sa byahe—kinakabahan kasi ako, hindi ko alam kung bakit. Joke lang, alam ko naman talaga kung bakit ako kinakabahan. Pero hindi ko alam kung bakit tahimik lang si Wendy. Sa bagay, hindi naman siya madaldal sa una pa lang. Hinayaan ko na lang siya, mukha kasing inihahanda na niya sarili niya sa pagpasok.

Pagdating namin ng school, nagpresenta akong ihatid siya sa kung saan siya nagbabasa. Pumayag naman siya, pero nagbanta siya, "Basta 'wag mong pagsisisihan."

At hindi ko inasahang sa isang nagngangalang Sunset Hill siya magbabasa, isa sa mga burol na sakop ng Doña (yes, may mga burol na pag-aari ang eskwelahang 'yon). Well, hindi naman mahirap akyatin 'yun, kasi sementado na 'yung daan paakyat, at sampung minuto lang 'yung kailangan para marating 'yung tuktok mula sa parking lot. Pero dahil accessible na, pag-akyat namin doon e puro couples nakita namin (may nasaksihan pa akong nagki-kissing scene). Naging dating spot na ang malawak na tuktok ng burol na 'yun. "Dito ka nagbabasa?" Hindi ako makapaniwala.

Natawa siya nang bahagya, "Nagsisisi ka na ba?"

"Pa'no ka nakakapagbasa dito?" tumingin ako sa paligid—hindi ko inaasahang may ganoon akong masaksihan...sa isang pampublikong lugar. O baka naman, dahil sa tagal kong walang romansa sa katawan hindi ko na alam na ganoon na pala itsura ng romansa ngayon?

"Hindi ko sila tinitingnan," bulong niya sa akin, at hinatak na ako sa isang damuhan na wala masyadong tao. "Ngayon naman, ipapakita ko sa'yo kung ano'ng binabasa ko dito." Hinihintay kong maglabas siya ng libro sa bag niya, pero nakatitig lang siya sa malayo. At sabi niya, habang pinagmamasdan ang langit, "Ito 'yung binabasa ko."

Tumingin ako sa kung saan siya nakatingin:

Papalubog na ang araw na sa mga oras na 'yon ay hindi na masakit titigan, sumasabog na ang iba't ibang kulay ng sikat nito sa mga ulap na mistulang kumakalat palayo—may orange, may pink, may blue, at may kaunting bakas ng green sa gilid-gilid ng mga ulap. May mga naglilitawan ding panaka-nakang bituwin sa langit kung saan bahagya nang dumidilim. Naiipon naman ang liwanag ng araw sa Manila Bay, na sa malayo ay mukhang malapad na metal sheet lang, kumikinang sa liwanag ng araw. Hindi ko tuloy napigilang magandahan sa "nababasa" namin.

"Akin na cp mo," utos niya. Sinunod ko siya. Kinunan niya ng litrato 'yung sunset, at ibinalik naman kaagad 'yung phone sa akin. "Ayan, may laman na 'yan." Hinayaan ko lang siya, kasi gusto ko rin naman ginawa niya. Ganoon lang talaga siguro kapag gusto mo na 'yung tao—ipapagamit mo gamit mo. "Tuwing Lunes lang ako nakakaakyat dito," aniya, "kaya kahit maraming ayaw sa Lunes, gustong-gusto ko 'yung araw na 'to. Well, at least ngayong sem." Tumingin siya sa akin, "Maganda ba?"

"Oo," tango ko.

"Nagsisisi ka pa bang sinamahan mo 'ko?"

Napatingin ako sa paligid—halos lahat ay nakatingin na sa papalubog na araw. "Hindi na."

"Buti naman," aniya. "Ako, medyo nagsisisi na."

Tumingin ako sa kanya—nakatingin siya sa papalubog na araw. "Ba't naman?"

"Mag-isa ako laging pumupunta dito—nailang din ako n'ong una sa mga nakita ko," tukoy niya sa mga magkakasintahang nasa paligid, "pero simula n'ong makita ko 'yung sunset, nahumaling na 'ko. Binabalikan ko na lagi." Tumingin siya sa akin, at kumurot bahagya ang puso ko nang magtama ang tingin namin. "Pero ngayong may kasama na 'ko – kasama na kita – parang lalong gumanda 'yung binabasa ko. Gusto tuloy kitang isama lagi dito." Hindi ako makapagsalita—hindi ko rin maiiwas 'yung tingin ko sa kanya. At nakikita ko na naman siys nang higit sa isang tao, tulad kanina. Pero nagbalik na siya ng tingin sa papalubog nang araw, sa dumidilim nang langit, sa naglilitawan nang mga bituwin. "Gan'on talaga siguro 'pag kagandahan ng kalikasan tinitingnan mo—mas marami kayo, mas maganda." Tumingin na ako sa sunset—hindi ko maalalang ganoong kaganda ang paglubog ng araw. Siguro ay tama si Wendy sa sinabi niya.

Sa buong maghapon hindi mapapansin ang pag-inog ng mundo, pero sa paglubog ng araw, malalamang tunay nga ang paggalaw niyon. Patuloy na umaandar ang lahat, at humahantong rin sa katapusan sa takdang oras. At, minsan, mas maganda pa ang pagtatapos ng isang bagay kaysa sa pag-uumpisa nito—hindi dahil sa 'yon na ang katapusan, kundi dahil sa 'yun ay nagbibigay ng pag-asa ng pagbangong muli. Napabuntong-hininga ako, kasabay ng tuluyan nang paglalaho ng araw sa likod ng tubig. 

"Ang ganda ng binabasa mo," sabi ko.

"Buti nagustuhan mo," tugon niya. Nag-unat siya. "Tara na," bulong niya sa akin, "pagsapit ng gabi dito, medyo may milagro nang nagaganap." Tumayo na kami, nagpagpag ng mga damit, at umalis na rin—pilit kong iniiwasang tignan 'yung mga nasa paligid.

Inihatid ko na si Wendy malapit sa building kung saan ang klase niya. "Salamat sa pagsama," aniya. Bumaba na siya at sumilip sa bintana ng kotse upang magpaalam. Napansin ko lang na nakatitig ako sa kanya nang makapasok na siya sa building; napailing ako para linawin ang utak ko. Umalis na ako at pumunta na malapit sa kung saan ko susunduin si Nora.

Mag-aala' sais pa lang, at ala' siete ko pa siya susunduin. Naisip ko na lang maglakad-lakad sa paligid. May nangyayari na kasing kakaiba sa damdamin ko. Unti-unti ko nang nagugustuhan si Wendy hindi dahil sa tatlong factors na naisip ko kanina, kundi dahil siya si Wendy. Haay. Hindi ko mapigilang magandahan na sa kanya. 'Yun kaya 'yung sinasabi ni Kael na parang pinaka-peak si Wendy sa pagiging babae? Mali itong nararamdaman ko. Pero bakit naman kasi ganoon siya sa akin? Hmm, sa bagay, baka mabait lang talaga siya. Ilang beses din naman niyang binuksan si Kael sa mga usapan namin, kaya malamang e walang ibig-sabihin higit sa pagkakaibigan mga pinaggagagawa namin. Gusto niya lang siguro akong makilala dahil sa best friend ako ni Kael. Tama, siguro nga 'yun lang 'yun.

Lumipas ang isang oras na nakatingin lang ako sa mga kinunang picture ni Wendy. Oo, pati 'yung mukha niyang malawak na nakangiti. Hindi ko pa mapapansing nakangiti ako kung hindi nag-text sa akin si Nora na pauwi na siya.

Sa byahe, hindi ako tinigilan ni Nora sa tanong na, "May nangyari ba sa'yo? Ba't ang tahimik mo?" Malakas talagang maka-pick up mga babae. Haay. Pag-uwi, nagkulong kaagad akong kwarto—hindi ko kayang harapin si Kael sa mga oras na 'yon, kasi feeling ko I'm cheating with her girlfriend, kahit hindi naman niya girlfriend si Wendy kaya technically walang cheating na nagaganap. Pero nagi-guilty pa rin ako. Nahiga lang ako, at binalak nang matulog, pero hindi ko magawa. Tinignan ko ulit 'yung mga kinunang picture ni Wendy, at talagang maganda nga...ang sunset, at siya. Hindi ko na mapigilang "basahin" ang mukha niya.

At bigla akong nakaramdam na parang sa pagkakataong 'yon, natagpuan ko na ang isang bagay na matagal ko nang hinahanap kahit hindi ko alam kung ano 'yun. Sinubukan kong usisain ang damdamin ko, at mukhang kaya kong isulat ang damdaming 'yon. Kaya kinuha ko ang notebook ko at sinulat doon, sa isang napakagaang paraan, ang damdaming na hindi ko alam kung kailan nagsimula ni kung kailan man matatapos. Pero may sumisingit sa damdamin ko. Naisip ko si Kael. Kaya sinundan ko ang sinulat ko ng isang paalala, na hindi ko akalaing mahihirapan akong isulat. Napakabigat ng dalawang salitang 'yon, na hindi ko alam kung isusulat ko pa ba. Pero naisulat ko na. Binasa ko ulit ang sinulat ko, at pinakiramdaman ko ang sarili. May nagbago ba? 

Hmm. Wala. Walang nagbago.

Patay na.

~*~

Gusto ko na si Wendy. Pero bawal.    

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon