"BABAERO KA, 'DI ba? Ba't natorpe ka kay Wendy?" Sa mga katanungan lang na 'yon umikot ang pag-uusap-usap namin sa loob ng sampung minutong byahe hanggang sa makarating kami ng McDo-hindi kasi normal para kay Kael na mawalan ng lakas ng loob na makipag-flirt.
"Nasa'n si Wendy?" naiinip na tanong ni Nora sa kapatid. O sa akin. O kahit kanino, dahil kanina pa kami walang nakukuhang sagot kay Kael, ngayon ay tahimik lang na nakatungo. "Nasa'n si Wendy, Kuya?"
Sa pang-ilang tanong ni Nora ay sumagot na si Kael sa wakas. "Cashier. Kaliwa." Sabay kaming tumingin ni Nora sa itinuro niya. Kumunot ang noo ni Nora, ako naman ay nagtaka.
"Tol," pukaw ko sa atensyon ni Kael, "para namang an'tanda ng natipuhan mo ngayon?"
"Ilang taon na si Wendy, Kuya? Thirty?" tanong ni Nora. Nagtatakang tumingin sa amin si Kael at sinundan ang tinitignan namin.
"Hindi kaliwa natin! Kaliwa n'ong counter! 'Yung kabilang dulo!" Sabay naming inilipat ni Nora ang tingin sa kabilang dako ng counter at tinignang maigi ang itinuro ni Kael-si Nora, may kunot na noo; ako, may nagtatakang mukha.
"Tol, parang am'bata naman ng natipuhan mo ngayon?"
"Ilang taon na s'ya, Kuya? Fourteen?"
"Huh? Hindi ko alam! Wala pa 'kong alam sa kanya!" Nayayamot na si Kael, pero hindi pa rin siya tinigilan ni Nora sa pang-aasar. Tinignan ko ulit si Wendy, ang panibagong babaeng kumikiliti sa puso ng kaibigan ko. At, sa kahit anong titig ko sa kanya ay nagsusumigaw sa bata niyang mukha ang mga salitang "FOURTEEN AKO." Pero pwede bang mag-part time ang mga fourteen years old?
Naisip kong oras na para tignan nang malapitan si Wendy-baka kasi mukhang bata lang siya sa malayo. "Order na tayo?" Suhestyon ko, at tumayo kami kaagad ni Nora na hinahatak naman ang kapatid niyang wala pa ring lakas ng loob.
Pumila kami sa counter ni Wendy. Wala masyadong tao, kaso dalawang cashier lang 'yung naroon (si Wendy at siyang inakala naming si Wendy) kaya medyo mahaba pa rin. Ilang minuto ang lumipas, kami na ang o-order.
"Good afternoon, sir. Ano pong order n'yo?" magalang at cheerful na bati sa akin ng cashier na may nametag na "WENDY" sa itaas ng kanan niyang dibdib. Ako ang humarap sa kanya at nagkunwaring nag-isip pa upang magtagal kami nang bahagya para makilatis ko siya nang mas matagal. Pero ilang beses ko man siyang tignan, normal na babae siya sa kilos man o sa itsura: singkit, kayumanggi, at lumulutang ang cheekbones kapag ngumingiti. Napatunayan kong hindi naman siya mukhang fourteen sa malapitan (mukha siyang fifteen (joke lang)). Maganda ang ngiti niya gaya ng pagkakabanggit ni Kael. Pero, yung pagiging "pinaka-peak" ng pagiging babae...hindi ko alam kung paano niya 'yun nasabi.
Nauwi kami sa BFF Fries na may tatlong float dahil hindi magbigay ng input si Kael sa akin. Nang tanungin kami ni Wendy kung ang float ba namin ay Coke o Green Apple, nagkaroon ako ng pagkakataong isingit ang pagpapakilala sa torpe kong kaibigan, sa pag-asang nabasa ni Wendy ang sulat nito sa kanya. "'Yung Apple," sagot ko. "Sa'yo, Nora?"
"Green Apple din sa'kin, Pete."
"Sa'yo, Kael?" Idiniin ko ang tawag ko sa kanya at saglit siyang napatitig sa akin; nagtataka siguro dahil tinawag ko siya sa pangalan niya, bagay na hindi ko naman madalas ginagawa. Tumango lang siya na parang sumasagot lang ng "oo o hindi" na tanong. Nilinaw ko, "Kael, Green Apple o Coke?"
"Apple," mabilis niyang sagot.
Pagkatapos noon ay inulit ni Wendy ang in-order namin para sure na walang mali. "Dito na lang po kayo sa tabi ng counter, sir," magalang na sabi ni Wendy matapos niyang check-an ang resibo namin. Doon namin hinintay ang order na dumating makalipas ang ilang sandali.
Nakaupo na kami nang magsalita si Kael. "Hindi n'ya nabasa 'yung sulat."
Sumipsip muna ako sa float bago tumugon, "Baka wala lang talaga s'yang pakialam sa'yo."
"Hindi naman siguro ga'nong kasama si Wendy para ignorahin 'yung sulat," pagtatanggol ni Kael sa dalaga.
"Pa'no kung masama nga ugali n'ya? E 'di ayos lang na 'di mo na s'ya makilala, iwas disappointment pa," sabi ni Nora.
"Tama kapatid mo, 'Tol. Wag mo nang pilitin," gatong ko.
"E pa'no kung hindi lang talaga n'ya nabasa 'yung sulat?" ani Kael, humahawak pa rin sa pag-asang siya lang ang nakakakita. Dinedepensahan na niya si Wendy, nakakatuwa, pero ganoon naman talaga kapag ningas-kugon.
"Ikaw kasi e," sisi sa kanya ni Nora. "Inabot mo na dapat nang personal sa kanya. Nagkakaganyan ka tuloy." Bumaling siya sa akin, "Inistorbo ka lang nito e, 'no?"
"Oo," sang-ayon ko sa kanya, "tsaka ikaw, iniistorbo mo rin ako."
"Ipabasa mo na kasi mga sulat mo sa'kin," walang emosyon niyang sabi. Somehow, sa amin na nalipat ang usapan.
"Iistorbohin mo 'ko lalo 'pag nabasa mo mga sulat ko, parang kuya mo."
"Kapal mo," sabi niya.
"Timang ka," sabi ko.
"Kung magde-date kayo, 'wag sa harap ko, okay?" pakiusap ni Kael. It earned him two pieces of French fries na sabay naming ibinato ni Nora sa kanya. Nagbuntong-hininga lang siya at sumubo ng tatlong piraso.
"Ang ganda ni Wendy, 'no?" tanong ni Kael sa French fries.
"Hindi naman, cute lang," tugon ni Nora. Hindi ako humindi sa opinyong 'yon.
"Talaga? Ba't nagagandahan ako sa kanya?"
"Well," Nora cleared her throat, "baka special na ang pagtingin mo sa kanya."
"Oo nga," I second the notion. "Hindi man s'ya particularly special, pero special na ang pagtingin mo sa kanya."
"Inulit mo lang sinabi ko," ani Nora. Binato ko siya ng isang maliit na French fries...er, French fry(?) na nasalag naman niya.
"Hindi s'ya special, pero special s'ya sa paningin ko...magandang i-expound sa love letter 'yun, ah?" realization ni Kael.
"Susulatan mo s'ya?"
"Hindi, 'Tol..." Tumingin siya sa akin nang may ibig-sabihin. At nalaman ko kaagad kung ano 'yon.
"Ayoko na nga sabing magsulat ng love letter mo. Tapos ngayon, dalawang beses pa sa iisang babae? Swerte ka, ah?"
"Sige na 'Tol, ngayon na lang ulit," pakiusap niya sa tonong nag-uutos.
Si Nora ang sumalo sa sinabi ng kapatid. "Alam mo Kuya, kung gusto mo s'yang bigyan ng love letter, ikaw dapat sumulat. Mas maa-appreciate naming girls kung sa nagsulat talaga nanggaling 'yung love letter."
"'Wag kang mangialam; wala kang alam sa romance."
"Marami akong alam," depensa ni Nora.
"Talaga? Ano, may crush ka na? Ang bata mo pa ah?"
"May crush na 'ko! Manhid nga lang s'ya..." Lumungkot ang mga mata ni Nora at bahagyang sumimangot, "at gugustuhin kong sulatan n'ya rin ako ng love letter. Pero, kung malalaman kong hindi naman pala s'ya 'yung nagsusulat ng love letter n'ya sa'kin, nakaka-turn off 'yun!"
"Wala ka talagang alam. Umuwi ka na nga, ang gulo mo." Naiirita na si Kael. Tumahimik lang si Nora, iniisip siguro 'yung "crush" niya. "Ano 'Tol, ayaw mo talaga?" baling sa akin ni Kael.
Umiling lang ako. Kinuha ko ang resibo at naisipan itong punit-punitin. Pero, bago pa man ako magsimula, may napansin akong nakasulat sa likod ng resibo. At napangiti ako.
"Tol, sige na, isang love letter na lang. Sisiguraduhin ko nang matatanggap n'ya 'yun."
Nginitian ko siya. "Hindi na kailangan." Iniabot ko ang resibo kung saan ay may nakasulat na mensahe sa pulang tinta ng ballpen, sa magulo at mabilog na penmanship na halatang minadali.
Hawak-hawak ang resibo, napatingin si Kael sa counter kung nasaan si Wendy. Napatingin din ako, at nakita kong tumingin si Wendy sa pwesto namin, bagamat may mga inaasikaso siya. Hindi makapaniwala si Kael, at naramdaman kong tuwang-tuwa ang kaibigan kong namumula ang tainga at nakangiting parang tanga.
~*~
Kael? :)
- Wendy -
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.