SUMPA SA MGA writer na kaya naming gawing sining ang hinanakit ng sarili at ng iba. Hindi mo kasi alam kung matutuwa ka ba o malulungkot sa mga masasamang pangyayari sa paligid. Mga biktima ng War on Drugs. Natatabunan ng landslide. Namamatay sa hazing. You name it, we turn it to art. There's such a compelling force in painful things that turns them into inspiration. Mas personal, mas malakas ang impact, mas maganda.
Pero minsan hindi ko alam kung negatibo ba 'yung isang pangyayari, o karapat-dapat lang mangyari. Katulad kanina. Hindi ko alam kung masamang pangyayari ang pagtanggi ni Wendy sa panliligaw ni Kael.
Yup, busted ang kawawa kong kaibigan. Masisisi ko ba si Wendy? Hmm, isa-isahin natin ang facts:
Una, alam ni Wendy na mayaman si Kael, pero hindi ganoong kayaman (obvious sa mukha niya, at inamin din naman niya).
Pangalawa, kami ni Nora nag-asikaso sa kanya, kasi hindi makakilos si Kael; kami nag-aalok ng pagkain, kami kumukuha ng tubig, kami kumukuha ng ulam.
Pangatlo, kami lang din nakipag-usap sa kanya, kahit ano pang gawin naming pilit kay Kael, to the point na maski si Wendy e tinanong na siya kung okay lang ba siya.
Pang-apat, kahit kompleto ang preparation, kulang na kulang ang set-up hanggang sa big question ni Kael.
Panglima, 'yung big question mismo, mali; tanungin mo ba naman kahit sinong babae ng, "Gusto mo naman akong maging boyfriend, 'no?", may matatanggap ka kayang maayos na "Oo"?
Pang-anim, nalaman naming sa group of friends pala ni Wendy sumasama si Kael, hindi lang sa kanya—ibig-sabihin, hindi pa sila nagkakasama nang sila lang.
Pangpito, nagsinungaling si Kael; akala ni Wendy e 'yung buong group of friends niya inimbitahan nito, siya lang pala.
Ayun. Palpak. Umalis si Wendy nang puro paghingi ng tawad ibinibigay niya kay Kael. Masisisi ko ba si Wendy? Medyo hindi. At biased pa ako kay Kael sa lagay na 'yan.
Nagkaroon ako ng pagkakataong makausap si Wendy nang mapapayag naming siyang ihatid ko maski hangang sa sakayan ng jeep. Tumanggi pa siya nang una, "Nakakahiya po kuya" pa sinasabi niya. Nang sabihin kong ka-edad lang nila ako ni Kael (nalaman ko edad niya dahil sa pagtatanong ni Nora), hingi naman siya nang hingi ng tawad sa akin. Anyway, napilit pa rin namin (ni Nora) siyang magpahatid sa akin. Ilang minuto lang magiging byahe namin, kaya nilubos ko na ang oras para makausap siya tungkol kay Kael.
"Mabait naman si Kael," sagot niya nang tanungin ko siya kung bakit hindi siya pumayag na magpaligaw kay Kael (bukod sa pitong facts na nilahad ko na), "pero, may vibe ako na...para s'yang babaero?"
Sharp girl. "Pa'no mo naman nasabi?"
"E lahat kasi ng babae kong kabarkada, dinidikitan n'ya; mas malapit pa nga s'ya d'on sa isa kong kaibigan," natatawa niyang tugon, "kaya nagulat ako na ako pa gusto n'yang ligawan. Kaya medyo 'di rin ako naniwala d'on sa huling sulat n'ya—actually, maski 'yung mga nauna n'yang sulat parang nawalan ng value dahil d'on sa nakikita ko sa kanya; feeling ko tuloy hindi naman s'ya nagsulat n'ong mga 'yun." Bigla akong kinabahan sa sinabi niya. A sharp girl, indeed. Pero bawal akong bumigay; kapag nalaman niyang ako nagsulat ng love letters ni Kael, mawawalan na talaga siya ng credibility. "Ano lang, action speaks louder than words?" Babatukan ko siguro si Kael; akala ko naman e seryoso na siya kay Wendy, lalo na't nakita ko pagkabalisa niya kanina. O baka naman, misunderstanding lang? Baka talagang hindi lang makausap ni Kael si Wendy kasi TL siya sa kanya? Pero sa pag-ibig, mas pinahahalagahan talaga opinyon ng iniibig, at sumusunod lang ang umiibig. Sa pagkakataong 'yon, si Wendy ang iniibig, at opinyon niya ang mas mabigat.
"Pagpasenyahan mo na lang kung nabigla ka sa kanya," paumanhin ko on behalf of Kael. "Okay ka lang ba?"
"Okay lang, medyo nalulungkot lang ako; 'yung uri n'ya kasing may pagkababaero 'yung hindi ko tipo, ta's ako pa nagustuhan n'ya," sagot niya. "Nakaka-guilty tuloy."
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.