MAY NABASA AKONG quote dati: Bad decisions make good stories. Considering na ang pangit na mga decision e magdudulot ng conflict sa mga interes natin sa buhay, pwedeng sabihing totoo ang quote na 'yan. Kasi ang importante sa isang kwento ay 'yung conflict at kung paano masosolusyunan ng character 'yung conflict na 'yun.
May isa pang quote akong nabasa: Either write something worth reading or do something worth writing about. Ibig-sabihin, kung wala kang mabuting gagawin, magsulat ka na lang.
Kung pagsasamahin natin ang dalawang quote na 'yan, ito ang kalalabasan: Kung writer ka, ang pwede mo lang iambag sa lipunan e ang sulat mo; all other aspects of your life, pwede nang paghugutan ng magagandang kwento dahil sa namumutiktik na bad decisions.
Hindi naman ako masyadong napasama sa pambubugbog nina Tony. Nakatulog pa nga ako ng ilang oras din; paggising ko kasi e gabi na. Si Nora 'yung tumambad sa akin, nagbabasa siya ng kung ano sa phone niya. Niyaya ko na siyang umiwi. "Dumaan muna tayong ospital," aniya.
"Hindi na," pabulong kong sagot.
"Sure ka?" Tumango ako bilang tugon. "Tara," pagpayag niya. Sinabihan ako ng nurse na dumaan muna sa ospital para makapagpa-check up. Tumango na lang ako para makaalis na.
"Ako na magda-drive," sabi sa akin ni Nora nang malapit na kami sa kotse.
"Marunong ka ba?"
"You can teach me...along the way."
"Timang, mamaya maaksidente pa tayo."
"E kaya mo ba?"
Binuksan ko na ang passenger seat. "Gusto mo tawagin natin kuya mo?"
Inirapan niya lang ako at sumakay na. Napailing na lang ako at sumakay na rin. Nagkunwari akong sumakit ang tagiliran, wala lang, para lang asarin siya. Pero mabilis niya akong dinaluhan. "Ano, masakit ba? Tawag na ba akong ambulansya?"
Napatingin ako sa kanya at kita ko sa mukha niya ang pag-aalala. Ginulo ko ang buhok niya. "Ang cute mo," sabi ko.
Mabilis niyang tinabig ang kamay ko at inayos ang nagulong buhok. "Napuruhan ba ulo mo?" tanong niya.
"Hindi naman. I feel fine."
"Nahihilo ka pa ba sa gamot na 'sinaksak sa'yo?"
"Wala namang gamot na 'sinaksak sa'kin."
"E ba't naku-cute-an ka sa'kin?"
"Huh? Kailan?" patay malisya ko.
Nagpalatak siya ng dila. "Mag-drive ka na."
Ngayon, hindi ko alam kung dahil sa nakapagpahinga na ako at nakakapag-isip na ako nang malinaw kaya parang gusto ko siyang sabay na suyuin at asarin. Sa nagdaang apat na araw kong nagtuon ng pansin sa kanya, may kakaiba na akong nararamdaman. "May gusto ka ba sa'kin?" malakas na loob kong tanong.
Tumingin siya sa akin at inirapan ako.
"Ano nga?" pamimilit ko.
"Ano ba? Tumigil ka nga," pag-iwas niya, na lalo lang namang nagpagana sa aking tanungin siya. Pero napaisip ako: paano kung gusto niya nga ako? Magugustuhan ko na rin ba siya? Paano naman 'yung nararamdaman ko kay Wendy? At paano si Wendy? Bibitawan ko ba siya? Biglang gumulo ang isip ko. Gusto kong subukang mag-umpisa ang sa amin ni Nora, pero hindi ko gustong matapos 'yung amin ni Wendy. I was being a jerk, alam ko. Itinigil ko na ang pang-aasar sa kanya.
"Sorry," sabi ko, at pinagana na ang makina ng sasakyan.
"Kung..." biglang nagsalita si Nora, nakatingin pa rin sa bintana. "Kung gusto nga kita, mahalaga pa ba 'yun?" Tumingin siya sa akin. "May Wendy ka na. Magtino ka."
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.