SI KAEL, APAT na araw matapos kong sumulat ng love letter para kay Wendy sa kanyang pangalan, iniistorbo na naman ako.
"Hindi s'ya nag-reply. Ilang beses na 'kong nagpunta sa McDo pero wala namang nagbago sa pakikitungo n'ya sa'kin! Ang corny kasi ng letter mo!"
"Maayos pagkakasulat ko—ipinasok ko pa nga sa katauhan mo 'yung style ko ng pagsusulat, tinanggalan ko pa ng apostrophe 'yung mga dapat meron para maging medyo pang love letter mo talaga. Kung hindi s'ya nag-respond, ibig-sabihin n'on wala s'yang paki sa'yo."
Kinotongan niya ako. "Ang awkard kasi ng letter mo! Walang angas, kaya hindi n'ya 'ko pinansin!" Inayos ko lang ang nagulo kong buhok at hinayaan siyang mag-alburoto. Nang naramdaman niyang hindi ko siya pinapansin, minura niya ako nang malakas. "'Tado mo!"
"Oops, sampung piso 'yan sa Swear Jar, Kuya!" Hindi ko napansing pumasok sa kwarto ang isip-batang—este, nakababatang kapatid ni Kael, si Nora.
"Umalis ka dito, bawal bata dito," asar ni Kael sa kapatid na isang taon lang naman ang bata sa amin, saglit nawala sa isip ang malaking dagok sa buhay niya.
"Nauunahan mo pang mag-ulyanin si Papa." Tulad ng kuya niya, walang paapaalam siyang umupo sa kama ko.
"O? Tapos suot mo pa rin 'yang Winnie-da-Pooh mong T-shirt. Para kang hindi nineteen."
"Whatever," sabi nito. "Ano bang pinag-aawayan n'yo't nagmumura ka pa?"
Nalugmok ulit si Kael sa pagkabalisa. "Pa'no kung wala ngang paki si Wendy sa'kin?"
"Wendy?" tanong ni Nora. Minabuti kong sagutin siya.
"Bagong nililiwagan ng kuya mo."
"Huh? Bago?"— "Wag mong kakausapin 'to, 'Tol."—
Sabay pa silang nagsalita. Hinampas ni Nora sa balikat ang kuya niya. Si Kael naman, binatukan ang kapatid. Quits.
"Baka may boyfriend na 'yun!" pananakot ni Nora habang hinihimas ang batok.
"Wala! Mag-isa lang s'yang umuuwi!"
"Stalker ka?"
"Secret admirer."
Bumalik na lang ako sa pagsusulat habang nagbubugbugan ang magkapatid. Talo nga lang sa asaran si Kael dahil magaling manlait si Nora. Kaso, dahil sa sobrang ingay nila, hindi na ako nakapagsulat nang maayos. Tumayo ako at hinatak sila palabas.
Malapit na kami sa pintuan nang may itanong si Nora na umukit nang pagkadismiya sa mukha ni Kael: "Teka, kay Wendy mo ba 'binigay 'yung sulat?"
Napatigil sa pagpupumiglas si Kael at nahihiyang tumingin sa amin. "H-hindi."
"Anak ng...!"
Parehas kami ni Nora na naglagay ng sampung piso sa Swear Jar. Pagkatapos noon, nadamay na ako sa napakagandang idea ni Nora: kakain kaming merienda sa McDo at pormal na magpapakita si Kael kay Wendy, dahil ang magaling kong kaibigan ay nawalan ng tapang at basta na lang isiningit sa mga pinagkainan ang sulat na dapat ay ibibigay niya nang personal. Anak ng!
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.