GANITO PWESTO KO kapag nag-iisip ng isusulat (lalo na't wala akong maisip):
Nakahiga sa kama. Nakatingin sa mga rehas ng likod ng higaan ni Tatay, at sa detalye noon. Iniisip ko kung bakit malinaw pa rin ang mata ko. Hindi ba dapat kapag writer malabo mata? Kasi laging nakatitig sa screen ng computer? May mga studies (o study?) tungkol doon e. Pero, nabasa ko, according to the latest studies (o study), lumalabo raw mata ng mga bata ngayon kasi hindi sila naaarawan masyado. Lagi kasi silang nasa bahay lang. Tapos, dahil tablets at phones lang kaharap nila, doon na-associate ang increasing rate of myopia. Fallacy of affirming the consequent: If A then B; B, therefore A. Parang 'yung matik na sinasabi ng ilan na adik 'yung tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Parang mga tanga. Nasaan na ako?
Ah. Nasa kwarto. Nakahiga. Nakatingin sa mga rehas ng likod ng higaan ni Tatay, at sa detalye noon. Malinaw paningin ko kasi hindi tulad ng mga bata ngayon, batang kalye ako. Uuwi lang para magpapunas ng pawis, libag, at uhog kay Mama. Tapos tatakbo ulit, mambuburot, makikipagsigawan na parang big deal na nasa "Langit" ako nang tayain ako n'ong binuburot namin. Tapos iiyak na siya. Magsusumbong sa nanay tapos papaluin lang kasi nagdungis na naman. Hindi ako pinalo ni Mama kahit kailan. Si Tatay naman e, kahit busy lagi sa trabaho (factory worker siya noon sa isang pabrika ng sardinas), nakakahanap pa rin ng oras para paluin ako, lalo na kapag nagiging suwail ako kay Mama. Hindi ko alam na iniinda na pala ni Mama nang mga panahong 'yon 'yung puso niya. Miss ko na siya. Nasaan na ako?
Ah. Nasa kwarto. Hmm, kung susulatan ko si Wendy (na hindi niya mahahalatang pinilit lang isulat), kailangan e kunwari parang mahal ko siya, na kunwari ako si Kael. Na pinagpapantasyahan ko siya. Sinasamba sa tingin. Joke lang. Siguro naman e hindi pa ganoon kalala sumpong ni Kael kay Wendy—baka mapatay na siya dahil sa pagiging adik. Pero, on a certain degree, alam kong humaling na humaling ang matalik kong kaibigan. To think na grabe pangungulit niya sa akin ngayon. Kaya, kailangan kong pagbutihin ang pagsusulat ng love letter niya. Letter of Intent to Court. Parang irereklamo niya lang si Wendy e 'no? Irereklamo niya kasi ninakaw nito ang puso niya. Ayiiieee.
Haay. Nasaan na ako? Nasa trance na ako ng pag-iisip kung paano ko susulatan si Wendy...susulat ng sulat ni Kael para kay Wendy. Kaso, hindi ko maalala mukha ni Wendy. Naaalala ko pero malabo. Mailap. Kapag hinahawakan ko, lumalagos lang (parang tubig sa gripo (na nakabukas)). Sa tingin ko e kailangan ko muna siyang makita, to refresh my image of her. Mas madaling magsulat para sa isang tao kung iniisip mo ang taong iyon. Parang pagkain. Mas masarap kapag para sa iyo talaga. Hindi tulad sa mga pagkain ng fast food chain. Bilang chef, kinasusuklaman ni Kael ang mga pagkain sa fast food. Masarap daw, oo, pero walang "lasa". Di ko na-gets 'yon. Well, chef things. Kaya, pinagtakahan ko talaga nang malaman kong sa fast food pa niya nakilala si Wendy. Siguro napilitan lang siyang sumama noon sa mga barkada niyang nagustuhang kumain doon. At siguro, ipinagpapasalamat niya na sumama siya kahit ayaw niya. Serendipity.
Tumingin ako sa orasan: nakaturo sa 6 ang mahabang payat, sa gitna naman ng 4 at 5 ang maiksing mataba. Maya-maya ko pa susunduin si Nora. Naisip kong dalawin muna si Wendy sa McDo.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.