NAGPUNTA KAMI SA isang hotel, malapit sa Kucina. Naroon daw sina Tito Manuel at Tita Karen, may mga kinakausap na mga koneksyon sa trabaho. Pinaupo lang ako ni Tatay dito sa may lounge, maghintay lang daw ako na matapos sila.
Ano bang sasabihin ko sa kanila? Gusto kong maging kabati si Nora? O 'yung totoo, na gusto ko siyang ligawan? Pero siguro kailangan ko munang humingi ng tawad sa kanila sa ginawa kong pananakit sa bunso nila. Paano kung hindi nila ako tanggapin? Malamang, 'yun 'yung mangyari. E ano kayang gagawin ko kung sakali?
Nakuha ng isang babaeng nanggaling sa likod ang atensyon ko, may bitbit siyang isang libro. Napalingon ako sa likod ng kinauupuan ko, at noon ko lang napansin na may rack pala ng mga libro doon na hanggang baywang ko. Pinuntahan ko ang mga 'yun, tumimpuho para makita silang maigi. Mga magazine 'yung nasa kaliwa, tapos mga nobela naman sa kanan. Dumampot ako ng isang paperback na kopya ng Si ni Sir Bob—mukhang bago pa. Siguro bagong installation ng hotel 'yung mini-library na 'yun. Ipinahid ko pa ang paningin ko sa mga sumunod na mga libro—at noon ko napagtantong puro Pinoy ang author ng mga naroon (well, wala akong napansing foreign author so...yeah).
Mabilis kong sinipat ang buong rack, inisa-isa ang mga title na naroon...umaasa na baka makita ko 'yung Days. Pero wala. Sigurado rin akong hindi ko libro 'yung hawak ni ate na nakita ko—malalaman ko kaagad na kwento ko hawak niya sa cover pa lang. Tumayo ako at napabuntong-hininga; marami-rami pa akong bubunuin para maisama sa mga flagship literature 'yung magiging kwento ko. Well, dapat siguro e unahin ko munang makapag-publish ng higit sa isang kwento bago ko hangarin na maisingit sa mga mini-library 'yung mga 'yun.
"'Nak!" Napalingon ako sa tawag ni Tatay. "Halika na." Sumunod ako sa kanya.
~*~
Nagmano ako kina Tito Manuel at Tita Karen. Tinanggap pa rin naman nila ako nang nakangiti, malayo sa inaasahan ko. Ngayon, kung papayag sila o hindi sa balak kong panliligaw kay Nora, bahala na. Pinaupo nila ako sa sala ng tinutuluyan nilang hotel. Nagdala si Tatay ng apat na tasa ng tsaa.
Nagkumustahan kami, at nabanggit kong isa na akong published writer; binati nila ako. Nang sinabi ko ang title ng nobela ko, tumango lang sila—well, ano bang inaasahan ko? Ang audience ko e mga young adults (ayon na rin sa statistics). Still, masaya silang naabot ko ang pangarap ko.
"So, what do you want to talk about?" tanong ni Tito, at uminom ng tsaa. Hinintay ko munang mailapag niya ang tasa at baka maibuhos niya sa akin ang laman o maibato 'yung mismong tasa (hindi naman ganoon kabrutal si Tito, pero mas mabuti nang nag-iingat).
Pagkalapag niya, lumunok ako ng laway. "Hinihingi ko po 'yung permiso n'yo po na ligawan po si Nora."
"O, ba't sa'min ka humihingi n'yan?" pagtataka ni Tito. "Ask Nora herself." Tumayo siya at nag-ayos ng damit. At sa tonong may kaunting diin, "If she accepts you, then we will talk." At agad na ring umalis. Tumayo na rin si Tatay at sumunod kay Tito pagkatapos magpaalam sa amin. Patay. Bad trip na si Tito. Well, I expected worse, pero masama pa rin sa pakiramdam.
Naiwan kami ni Tita Karen sa sala, naka-dekwatro siya at nakahalukipkip, nakangiting nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung ilang taon na si Tita, pero mapagkakamalang ate lang siya ni Nora sa bata ng itsura niya; she has this timeless beauty. Mukha lang siyang mas mature na version ni Nora.
"So, gusto mong ligawan si Nora?"
"O-opo." Kinailangan ko pang tumikhim dahil may bumara sa lalamunan ko. Nakakakaba.
"Balita ko notorious s'ya sa pamba-busted," sabi niya. Tumango ako. "Alam mo bang nag-martial arts s'ya to protect herself from some of her suitors?" Umiling ako. "Pero alam mo sigurong may ilan s'yang tinanggap na manliligaw." Napatingin ako sa tasa ng tsaa na para sa akin; tumango ako. "Pero wala pa rin s'yang sinagot sa kanila." Tumango ako. "Hindi ka pa ba magsasalita?"
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.