"SHIT, 'TOL?" ANG bati sa akin ni Kael nang makita niya ako. Sa Makati na siya nakatira, na halos tatlong oras na motor ang layo mula sa Consolacion. Sinalubong niya ako ng yakap at ng mainit na pagtanggap sa kanyang condominium.
Kabaligtaran ng inaasahan ko, walang humpay sa pagkukwento si Kael sa lahat ng nangyari, na parang nangibang-bansa lang ako. Sa dami ng naikwento niya, ito lang ang mga tumatak sa akin:
1. Pag-aari na niya ang isang branch ng Kucina nang Familia, ang kanilang family business na maraming nang nangingialam (i.e. stockholders). Wala siyang interes sa pag-aari, gusto niya lang magluto, kaya balak niyang magtayo ng sarili niyang kainan kapag nakaipon na siya.
2. Mag-iipon siya pagkatapos ng kasal nila ni Wendy.
3. Kung paano naging sila; inamin niya sa akin na minahal talaga niya si Wendy nang mga panahong nagpapasulat siya ng love letter sa akin at gawa-gawa niya lang ang pagiging match-maker niya. At ikinuwento niya sa akin ang napakasensitibong impormasyong 'yun na para lang siyang nagkwento tungkol sa dalawang pusang nag-away sa kalsada—interesting pero hindi naman masyadong mahalaga. At siguro, dahil sa paraang iyon ng pagkukwento niya at dahil sa matagal na, tinanggap ko na lang 'yung paglalahad niya na parang nakinig lang ako sa kwento ng isang matalik na kaibigan tungkol sa dalawang pusang nag-away sa kalsada;
4. At pinapatawad na niya ako sa kung anumang mga naging kasalanan ko sa kanila, lalo na kay Nora; hindi niya nga lang masasabi kung ganoon din gagawin ng kapatid niya.
"Oo nga pala, ano'ng nangyari sa mukha mo?" tanong niya nang mapansin niya (sa wakas) 'yung mga pasa ko sa mukha.
"'Yung kapatid mo," sagot ko, at doon pa lang e napangiwi na siya.
"Notorious 'yung batang 'yun na nambubugbog ng manliligaw," aniya. "Kaya wala nang lumalapit do'n e."
"Hindi ko naman s'ya nililigawan ah?" sabi ko, pero pabiro lang. Alam ko namang higit sa mga manliligaw niya e mas deserve kong mabugbog.
"Talaga? Sayang naman, ikaw lang hinihintay n'on e."
"Nye, e may syota na 'yun."
"Ano naman?"
"Tanga."
"Ulol."
"Gusto mong ligawan ko pa rin s'ya?"
"Bakit hindi?"
"Ewan, kasi may mahal na s'yang iba?"
Imbes na sumagot, may kinuha siyang isang maliit na notebook sa may maliit na drawer sa patungan ng lampshade sa tabi ng inuupuan niyang sofa. May binasa siya saglit doon kasabay ng pagbibilang, at nag-angat ng tingin pabalik sa akin. "These last four years, sa doseng nanligaw sa kanya, sampu 'yung naipadala n'ya sa ospital—kasi loko 'yung mga 'yun, akala nila biro-biro lang si Nora. 'Yung dalawa pa, nagpursige talaga. Kaso, wala rin. Kahit ga'no sila kabuti, kung ayaw sa kanila, ayaw sa kanila."
"So...'yung pan-thirteen 'yung sinagot n'ya?"
"Wala pang pan-thirteen," sagot ni Kael pagkasara sa notebook. Ipinagtaka ko 'yun.
"E sino syota n'on?"
"Wala," aniya, and added a disclaimer, "unless 'di n'ya sinasabi sa'kin na may boyfriend na s'ya—which is close to impossible if you ask me."
"E ba't naman n'ya sasabihin sa'king may syota na s'ya?"
"Ewan ko, 'Tol. Pero sigurado ako, kahit sinabi n'yang may boyfriend s'ya, alam kong sasabihin pa rin n'ya – in her own way – na wala naman talaga."
Inalala ko ang mga sinabi ni Nora tungkol sa nobyo niya—wala akong masyadong maalala; bukod sa kauna-unahang beses niyang banggitin kung sinuman 'yun. "Sabi n'ya sa'kin, n'ong umangkas s'ya sa motor ko, 'di naman magagalit nobyo n'ya."
Napaisip saglit si Kael. At sabay nagliwanag mukha namin, pero siya ang unang nagsalita, "Pa'no nga naman magagalit boyfriend n'on e wala naman s'ya n'on?"
"Oo nga naman, sino bang 'di magagalit sa gan'on, bukod sa 'di totoong tao?" tugon ko.
"Makes sense, right?"
"Yeah, makes sense..." So, mukhang walang boyfriend si Nora (improbable pero paniniwalaan ko yata kahit ang maging argument e alien nobyo niya, para lang magkaroon ng pag-asa). Malaya na akong ligawan siya, kung sakali. Pero, "Sabi n'ya, 'wag na 'kong magpakita sa kanya."
"Ano sa tingin mo ibig-sabihin n'on?"
Nag-isip ako saglit. "Galit s'ya sa'kin?"
"Exactly!" aniya. "But not necessarily ayaw ka n'yang makita. Alam mo naman 'yun, mahilig itago nararamdaman kahit obvious naman madalas; I mean, she loved you for four years thinking na naitago n'ya 'yun, pero ang totoo e manhid ka lang."
Nagtaka ako. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"See?" mapagmataas niyang sabi. "N'ong time na 'di ka pa maka-move on kay Anna, nahuhumaling na sa'yo si Nora."
"Seryoso?"
"Oo! Kaya sinubukan kitang ilakad sa ibang babae, para 'di ka magkagusto sa kanya, para tumino s'ya."
"Ano'ng ibig mong sabihin?" Mukhang ilang libong beses ko na yata naitatanong 'yung tanong na 'yun.
"Iniingatan ko lang kapatid ko 'Tol," sagot niya. "Kung mamahalin ka n'ya sa sitwasyong basag ka pa, siguradong masasaktan lang s'ya. Ayun, nasaktan nga ang tanga."
"May gan'on ka pa lang iniisip?"
"Syempre, kapatid ko 'yun e. Sorry nga pala d'on 'Tol, alam ko namang matino ka pero wala ka pang kakayahang mahalin si Nora n'on."
"E ba't inireto mo 'ko sa iba?"
"Okay lang na masaktan 'yung iba, 'wag lang 'yung batang 'yun," sagot niya, diretso at walang paligoy-ligoy at walang pinagsisisihan. Napatango na lang ako. Sa tingin ko dapat magalit ako, pero napatango na lang ako. Naiintindihan ko kasi siya—maski ako poprotektahan ko si Nora mula sa akin sa ganoong sitwasyon.
Ibinalik na ni Kael ang maliit na notebook sa pinagkuhaan niya nito. "Ano na'ng balak mo n'yan?" tanong niya.
Napangisi ako. "Lahat kayo tinatanong kung ano na'ng balak ko."
"Malamang," aniya, "para naman mapaghandaan namin kung aalis ka ba ulit o ano. 'Di 'yung binibigla mo lang kami."
"Sorry ulit, 'Tol," sabi ko.
"'Di makukuha 'yan sa sorry," aniya. "Kung gusto mong bumawi, dito ka muna magtanghalian."
Napangiti ako. "Sige," pagpayag ko, "nami-miss ko na luto mo e."
Tumawa siya nang bahagya. "Humanda ka nang malimutan pangalan mo." Natawa lang ako sa kayabangan niya.
Patayo na kami nang bumukas ang pinto ng unit niya. At pumasok ang isang babaeng pamilyar sa ulirat ko, bahagyang tumaba pero lalo lang gumanda. Si Wendy. Hindi ko napigilang mapangiti nang kumunot ang noo niya at mapangisi.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.