Page 28

17 0 0
                                    

NOONG MGA UNANG buwan ko ng pagsusulat, sinubukan ko 'yung tinta ko sa sci-fi. Tungkol sa mga robots na kayang kopyahin 'yung itsura ng mga bagay sa paligid nila. Parang mga Transformer, pero imbes na itsura lang, pati 'yung component n'ong bagay e pwede nilang kopyahin. Bale, pwede silang magpalit ng anyo in a cellular level. Pero hindi nagtagal, hindi na ako umubra. Nakita ko na lang isang araw 'yung sarili kong nakatunganga sa rehas na likod ng kama ni Tatay (na pansamantalang tinutulugan ni Anna ngayon) at hindi na maintindihan 'yung nangyayari sa sarili kong sinusulat. Na-stuck ako sa pagkakataong nakopya ng bida 'yung puso ng isang taong pinatay niya—which is his mission—at magkaroon siya ng emosyon ng tao, ng empathy, at naguluhan na siya kung ano ang dapat gawin. Tumingin siya sa akin, hinanapan ako ng sagot. Nag-iwas lang ako ng tingin at sumipol-sipol.

Character development. Isa sa mga element na dapat hasain ng isang gustong magsulat, isa sa mga pinakamakapangyarihang espada. Isa sa mga bagay na wala ako. Sumpa sa aking buuin from the ground up 'yung katauhan ng tauhang binuhay ko. Dapat alam ko muna kung sino sila bago ko isulat ang buhay nila; ang mangyayari, mawawalan na ng room for development ang characters ko. Na-frustrate ako at naisip na hindi para sa akin ang pagsusulat.

Sumuko ako ng isang linggo.

Pero binalikan ko pa rin, kasi kung hindi ako magsusulat magiging ganap na tambay na lang ako. Nauwi ako sa mga short stories. Pero maski doon e kailangan ng character development. Kaya nauwi ako sa mga tula. Na hindi ko naman kayang gawin kasi nga walang tulang pumipili sa akin. Kaya nauwi ako sa...wala. Na-realize kong kung magiging tigang characters ko, magiging tigang 'yung kwento. Kung gusto kong magkwento, wala akong choice kundi alamin kung paano bumuo ng dynamic characters.

Sa pakikipagbuno ko sa sariling katigasan ng ulo, matapos ang ilang araw na deliberation sa utak, naisip ko: Paano kung imbes na i-develop ang characters, e i-undevelop sila? Paano kung, imbes na buuin ko sila from the ground up, e durugin ko sila from the top down? Kumuha ako kaagad ng ballpen at papel, at sumulat ng isang character.

Si Electro, isang lalaking binubuhay na lang ng makinang pumalit na sa kanyang mga organs at kaliwang braso. Matapang siya, matatag ang loob, mabait sa kapwa, at marahas sa kalaban. A typical hero. Madali lang buuin. Ngayon, paano ko siya ia-undevelop? Naisip kong kabaligtaran ng ugali niya ngayon 'yung ugali niya sa umpisa: duwag, balat-sibuyas, makasarili, at hindi man lang makatingin sa mga kalaban. At hindi tulad ngayon, normal siyang taong pinatatakbo ng normal na katawan. Then a clear plot had emerged from that. Sigurado akong nagbago 'yung ugali niya sa parehong panahon nang mapalitan ng makina 'yung malaking bahagi ng katawan niya. At may sumiwang na setting, kung saan ay may mga taong kayang gawing cyborg ang katawan ng mga may buhay.

Na-excite ako. Inumpisahan ko 'yung chapter 1 at nalangisan 'yung pagsusulat ko. Ang daming pumasok sa isip ko kung paano tatakbo 'yung istorya. At doon ko nasolusyunan 'yung sumpa sa akin tungkol sa character development. Simula noon, bahagya nang dumulas 'yung pagsusulat ko. Dumulas, hindi bumilis. Tatlong taon na siguro noong huli kong madaanan 'yung kwento ni Electro. Pero masaya ako. Simula noon, hindi na ako tumigil sa pagsusulat.

Pero iba ang totoong buhay. Sa fiction pwedeng maingat na ilatag 'yung pagbabago sa katauhan ng tauhan, tuwid at malinaw. Pero sa totoong buhay, bako-bako ang pagbabago sa katauhan ng tao. Minsan, akala mo nagbago na hindi pa pala. Minsan, akala mo ganoon pa rin pero iba na pala. At minsan, may mga absurd changes na hindi maaarok kung paanong nangyari.

PA Day 2, kahapon. Walang ipinagbago ang pakikitungo sa akin si Nora. Hindi niya ako pinapansin, pero hindi niya rin ako pinapaalis sa tabi niya. Nawalan ako ng oras at tsansang makausap o makita man lang si Wendy. Pero okay lang daw 'yun, sabi ni Wendy, busy rin naman siya. "Basta, sa Linggo at Lunes ha?" paalala niya sa text. Buti na lang mabait siyang tunay.

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon