NAGING PAGSUBOK ANG unang taon kong maging mag-isa.
Sa unang buwan, bukod sa mag-isa na nga ako, sumabay pa ang isang trangkasong nagpabagsak sa kabuunan ng katauhan ko—katawan, utak, at puso. Nanlata katawan ko sa katapusan ng unang linggo, siguro dahil sa magkakahalong karanasan ng stress, pagkabasa sa ambon sa paghahanap ng apartment, at inis sa sarili. Pumirma ako ng kontrata sa pagrenta nang sinisipon, dala-dala ang mga mabibigat na bag ng damit at gamit sa pagsusulat, at bahagyang naluluha dahil sa kalungkutang mabilis na umusbong sa puso ko.
Sa ikalawang linggo, sumabay na ang lagnat at ubo. Napagtanto kong isa sa pinakamahirap na pangyayari sa buhay ng isang taong mag-isa sa bahay ay kung magkakasakit siya, walang mag-aalalaga sa kanya. Nainis ako sa kahinaan ng katawan ng tao, at hiniling ko na magkaroon na lang sana ako ng superpowers—kahit anong superpowers, basta hindi na ako maging tao.
Nawalan na ng gana mag-isip 'yung utak ko. Isang gabi, lahat ng damit kong binitbit, dinala ko sa labas at pinamigay sa unang pulubing nadaanan ko (maliban na lang sa tatlong t-shirt, tatlong briefs, tatlong short at dalawang maong pants). Pag-uwi ko naligo ako, at napagtanto kong naipamigay ko rin pala 'yung lahat ng tuwalya ko. Naupo na lang ako sa bowl at nagpatuyo. Resulta? Lumala sakit ko. Sa mga ginawa ko nang gabing 'yun, parang gusto ko nang magpakamatay—pinahihina ng mahinang espiritu ang katawan. Pero natakot akong mamatay. Sa kung anong sistema ng buhay e sumipa ang survival instinct ko. Ng gabing 'yun, nagpunta na akong ospital.
Ilang beses na akong pumunta ng ospital (dahil nga kay Mama), pero feeling ko laging bago 'yung experience. Huli kong punta sa ospital noong ma-food poison si Nora. Bago 'yun, n'ong inatake siya ng Dengue. Bago naman 'yun, n'ong magpatuli ako. Bago naman no'n, nang huling beses sinugod si Mama sa ospital. Mga alaalang tumatak na sa puso't isip ko for obvious reasons. Pero may mga alaala ring hindi ko alam kung bakit ko pa naaalala.
Noong pitong taong gulang ako, may isa kaming kapitbahay (na malayo sa amin) na umarkela sa serbisyo ko: Maglibing ng namatay nilang aso. Naghahanap kasi sila ng mapaglilibingan sa alaga nila, e nagkataong naglalaro ako malapit sa kanila kaya nagpresenta ako. Sulit na rin kasi 200 'yung bayad, at malaki-laki na 'yun para sa isang batang katulad kong sampu lang 'yung pinakamalaking nahihingi kina Mama. Noong bumalik ako, 'yung bunsong anak nila 'yung nag-abot sa akin ng bayad, tapos tinanong ako kung saan ko nilibing 'yung aso nila. Sinamahan ko siya, sa isang bakanteng lote lang naman 'yun, hindi kalayuan sa kanila.
Pagdating doon, tumitig lang siya sa pinaglibingan ko ng aso nila. Kaya napatitig din ako doon. Maya-maya lang, narinig ko siyang suminghot. Pagtingin ko, nagulat ako—umiiyak na siya. Tapos tumimpuho siya, tinapik-tapik 'yung lupa, tapos sabi niya, "Pahinga ka na, Rex." Tumayo na rin siya kaagad, nagpasalamat sa akin, bago umalis.
Hindi ko alam magiging reaksyon ko kaya dumiretso ako kay Mama. Sa kanya ako nagtanong, tapos ang sabi niya lang, "Malungkot kasi s'ya, Pete. Umiiyak ang tao 'pag malungkot." Tapos naalala ko, nakita ko siyang umiiyak sa kusina habang nagluluto a week before—birthday ko kasi noon. Kaya tinanong ko siya, "Malungkot din kayo, Mama?" Natawa siyang bahagya—hanggang ngayon naaala ko pa rin 'yung tawa niyang 'yun. "Umiiyak din ang tao 'pag masaya sila." "Ha? Ang gulo naman," sabi ko. Tapos pinisil niya lang pisngi ko.
Ilang araw matapos 'yun, isinugod si Mama sa ospital. Dalawang araw pagkatapos noon, namaalam na siya. Nakita kong umiiyak si Tatay sa labas ng kwarto kung nasaan si Mama. Nilapitan ko siya tapos niyakap niya ako. Bata pa ako noon, kaya wala akong maintindihan. Pero sigurado ako ng time na 'yun na hindi umiiyak si Tatay dahil sa masaya siya. Masakit sa akin na makitang ganoon si Tatay, at nainis ako kay Mama dahil doon. Pero wala akong ibang magawa. Umiyak na lang din ako.
Kaya ayaw ko sa ospital. Isang araw lang itinigil ko sa ospital para magpagaling, tapos pinilit ko nang makaalis. Pinagsabihan ako ng doktor, pero sabi ko nakapagpahinga naman na ako. Sa huli, pinayagan na rin niya ako. Kaya ayon, kinabukasan lang umuwi na ako. At kahit medyo sinisinat pa, pumunta akong palengke para bumili ng ilang gamit, unang-una na ang tuwalya.
Pagakatapos naman noon, nakiayon na 'yung kalusugan ko sa akin. Nag-adjust katawan ko sa pagiging mag-isa—medyo mahirap. Pero sa ibang aspeto pa (gaya ng household chores ('yung 3 C's (Cook, Clean, Care))), mabilis na akong nakapag-adapt. Nakapaghanap din naman ako kaagad ng trabaho—parttime chauffer sa mga nasosobrahan sa paglalasing (in which I witnessed a lot of memorable scenes). Ang mahirap lang talaga sa pag-iisa e 'yung mismong pag-iisa. Pero mismong 'yun e nakakasanayan lang din naman. Lumipas ang isang taon at nakapag-adjust na ako nang maayos. At noon ko rin natapos ang first draft ng Days of Ghost.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.