MAAYOS NA ANG bahay, nilinis na namin ni Nay Benya. Bagong palit ang punda ng mga throw pillow, sofa, at unan na nakapatong sa mga upuan sa may dining area. Na-vacuum na ang lahat ng pwedeng i-vacuum. Napunasan na ang mga pwedeng punasan. Kumikinang na ang mga pwedeng kuminang. Sa dining area, naka-ayos ang mga kubyertos na semi-fine dining style. May iba't ibang uri ng putahe, kanin, prutas, at desserts sa lamesa, na sapat lang sa dami para sa isang hapunan. Si Nora, kung saan-saang anggulo tinitignan ang mga nasa kusina, inaayos ng pwesto ang mga pwede pang ayusin.
"Okay lang ba na dito 'yung cupcakes?" tanong niya sa akin.
"Wala akong alam sa ganyan," pag-amin ko.
"Opinyon mo lang, Pete."
Hindi ko alam kung may halaga opinyon ko pagdating sa mga pag-aayos ng pagkain, pero sinabi ko pa rin, "Hindi ko alam. Medyo off?"
"Hmm..." nag-isip siya. "Parang nga." Agad niyang inalis 'yung mga cupcake sa lamesa, at ipinasok na lang sa ref.
Biglang pumasok sa kusina si Kael, naka-business attire at maayos na nakasuklay ang buhok. "Ano'ng nangyari sa'yo?" sabay naming tanong ni Nora.
"O-okay lang ba itsura ko?" nanginginig nitong tanong sa amin.
Lumapit si Nora sa kanya't pilit siyang pinaghubad. "Magfi-fine dining ba kayo ni Wendy?" tanong niya.
"Masyado bang pormal itsura ko?" tanong ni Kael.
"Oo tanga!" sagot ni Nora. "Kakain lang kayong hapunan dito! Magbihis ka na!" Makapagsabi naman, pero siya nga itong aligaga sa pag-aayos ng lamesa. Magkapatid nga naman.
Natatarantang umalis si Kael. Si Nora naman hindi mapakali. "Wait, tutulungan ko muna si Kuya," sabi niya, at agad umalis.
Pagkalipas ng ilang minuto, bumalik sa kusina si Nora na tawang-tawa.
"Anyare?" tanong ko.
"Mukhang natatae lang si Kuya."
Kabadong-kabado talaga. Maya-maya pa ay pumasok ulit si Kael sa kusina, maayos na ang damit (hindi na masyadong pang-fine dining), pero hindi pa rin mapakali.
Para matanggal kaba niya, tinanong ko siya sa mga preparasyon niya:
"Okay na ba 'yung dinner?"
"Oo," mabilis niyang sagot. "Masarap 'yan." Kung may isang bagay na may buong kumpiyansa si Kael e 'yon ang pagluluto niya at mga bagay na tungkol sa presentation ng pagkain. And rightfully so.
"'Yung kusina?"
"Oo, salamat sa pag-aayos."
"'Yung roses?"
Kumunot noo ni Kael, "May roses?"
"Wala," natatawa kong tugon. Umismid lang siya sa akin. "'Yung sulat?"
"Oo. Salamat nga pala." Ngumiti siya, pero halata pa rin ang nerbyos.
"Alam mo, medyo OA ka na," hindi ko mapigilang sabihin. Kinuha niya kamay ko tapos nilagay sa dibdib niya, at hindi ko mapigilang magkomento, "Puso pa ba 'yan? Parang may drumset ka na d'yan."
"Ewan ko ba 'Tol, nahihirapan akong huminga," aniya. Napailing na lang ako. Hindi naman siya ganoon sa mga nauna niyang ligawan—mukhang iba talaga si Wendy.
Maya-maya pa, tumunog na ang doorbell.
Malutong na mura ang naging reaksyon ni Kael. "Ano'ng gagawin ko?"
"Baka hindi pa si Wendy 'yun?" pampalubag-loob ni Nora na sa panahong 'yun ay abala pa rin sa pagtingin sa kabuuan ng lamesa. Bahagyang kumalma si Kael.
Pero biglang tumawag si Nay Benya nang malakas, "Kael! May bisita ka!"
Bumulong lang ng mga mura si Kael na parang nagdadasal. Sa dami ng mura niya siguradong mapupuno na niya 'yung Swear Jar ngayong gabi.
"Tara na! Salubungin na natin s'ya!" Tinulak na ni Nora ang nangangatog niyang kuya. Sumunod ako. Ang tungkulin naming dalawa ni Nora ay suportahan si Kael sa kanyang balak na paghingi ng pagkakataong manligaw sa iniirog niyang babae (kaya kasama kami sa table kasi kakabahan daw siya kung sila lang ni Wendy 'yung maghahapunan).
Paglabas namin sa kusina, sumalubong sa amin ang isang simpleng babaeng naka-pony tail, nakasuot ng white t-shirt, slacks na pants, at doll shoes. Bakas sa mukha niya na hindi niya inaasahan ang nakikita niya—sa mga ngiting hindi sigurado, paglibot ng mga mata sa paligid, pagyakap sa isang jacket, at pagtungo-tungo sa amin nang mas malalim kaysa sa normal. Tinitigan ko lang siya, noon ko lang kasi siya makikita nang ganoon, at nagtaka ako kung bakit humaling na humaling si Kael sa kanya. Si Wendy, ang babaeng sanhi ng kaba ni Kael, na sinulatan ko na ng tatlong love letters...
Ano man ang mangyari ngayong gabi, siguradong magbabago ang buhay nilang dalawa. At sana naman. Ayaw ko na kasing magsulat ng love letter sa babaeng hindi ko naman minamahal.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.