SABI NI WENDY sa akin kahapon, "magbabasa" ulit kami ngayon. Kaya heto ako, inaantay siyang matapos magtrabaho. Nagpaalam naman ako kay "Ma'am" Nora, at pinayagan naman niya ako; natutuwa pa nga siyang lumalabas na ako ng bahay kahit papaano (though hindi ko sinabing makakasama ko si Wendy, at hindi ko sinabing manonood kami ng sunset).
Ilang minuto ng paghihintay, lumabas na si Wendy. Naka-white T-shirt siya at slacks pants na uniform niya sa McDo, naka-pony tail nang maayos, at naka-lipstick. Ibig-sabihin, normal lang na ayos niya tulad ng dati. Pero, hindi ko alam kung bakit, mas gumanda siya sa paningin ko ngayon. Hindi ko alam kung ano ang bago sa kanya pero may bago—at gumanda siya lalo dahil doon. Ewan ko. Baka adik lang talaga ako.
May dala-dala siyang supot. "Ano 'yan?"
Inangat niya 'yun. "Mga pwede nating ngatain mamaya."
"Ano, parang date lang?" tukso ko sa kanya.
"Oo," seryoso niyang tugon. Natawa na lang ako na medyo kinabahan.
Sumakay na kami sa kotse at pinaandar na papunta sa Sunset Hill. Tulad ng dati, marami pa ring nagde-date, pero hindi tulad dati e hindi ko na sila pinansin masyado. Naghanap kami ng pwestong wala masyadong tao, at sabay nang pinanood ang sunset. Pretzel stick 'yung dinala niya, dalawang box.
"Dalawang box lang?" tanong ko. "Ilang minuto ba tayo dito, ten minutes?"
"Sorry! Sige, sa susunod aapatin ko na," aniya.
"Ako na lang bibili sa susunod," sabi ko naman.
"Wait, seryoso ka ba?" Biglang nagbago 'yung tono niya.
Nagtaka ako, "Seryoso sa...?"
"Kulang sa'yo 'yung dalawang box ng pretzel?"
"Ha? Akala mo ba nagjo-joke ako?"
Natawa siya at hinampas pa ako sa balikat. "Mahilig ka pala sa matamis? Okay, alam ko na ngayon."
Pilit ko mang hindi pansinin, napangiti ako sa pagpaparamdam niyang may susunod pa kaming pagkikita. Mabilis kong binawi ang pag-asang 'yun, kasi alam kong dapat ko nang tapusin kung anumang nararamdaman ko sa kanya. Sa tingin ko kasi okay nang makaramdam ulit ako ng ganito, lalo na ngayong kasama ko pa sa bahay si Anna. Ibig-sabihin, naka-move on na ako. Or, at least, papunta na talaga ako doon. Susulatan ko na lang siguro siya, magpapasalamat sa bata niyang mukha na nagturo sa aking lumaki na sa wakas.
Pero hindi ko napigilang makaramdam ng kalungkutan, na lumabas sa isang buntong-hininga.
"Para kanino 'yan? Para kay Anna?" tanong ni Wendy. Ilang saglit pa bago ko na-gets na tinutukoy niya 'yung pagbuntong-hininga ko.
"Para sa'yo," sabi ko. "Ang ganda mo kasi ngayon."
"Nakakalungkot ba kagandahan ko?" Mukhang hindi nakalusot 'yung nararamdaman ko. She's a sharp girl, indeed. Pinili ko na lang manahimik at kumain ng pretzel sticks; hindi na rin naman siya nangulit. Tahimik na lang naming pinanood ang sunset.
Hindi tulad last week, wala masyadong ulap—malayang isinasaboy ng araw ang huli niyang liwanag sa langit at sa tubig. Malungkot at maganda ang paglubog ng araw. Pero hindi tulad last week, ngayon e mas nakikita ko 'yung lungkot.
Paglubog ng araw, patayo na sana ako; pero hindi tumatayo si Wendy. Kaya nanatili lang akong nakaupo at hinintay lang siya. Kaso, medyo nailang ako na wala man lang siyang sinasabi. "Hindi ka pa ba—" Pinigil ko pagsasalita ko nang sumandal siya sa balikat ko. Sinilip ko mukha niya, at nakitang natutulog siya. Kaya pala tahimik siya kanina pa. Hinayaan ko na lang muna siyang makaidlip, kahit hanggang six o'clock.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.