Page 15

27 0 0
                                    

MEDYO MATAGAL NA rin noong mag-dinner si Wendy sa amin (halos mag-iisang linggo na) pero hanggang ngayon walang ikinukwento si Kael. Pero gusto ko pa ring isiping gumagawa pa rin siya ng paraan para ayusin ang kaunting gusot sa pagitan nila. Kawawang bata. Pero nakapag-aalala pa rin kahit papaano. Bukod kasi sa hindi siya nagkukwento, hindi na rin siya nakikigulo sa amin ni Nora. Minsan e tinatanong ko si Nora tungkol sa kuya niya, pero wala siyang maibigay na sagot. Kaya iniisip ko, mamayang pag-uwi niya e kakausapin ko na siya.

Pero sa ngayon, magsusulat muna ako.

At ang katotohanang ito ang sumalpok sa'kin nang mabangga ako ng isang 18-wheeler truck: Hindi ka mamamatay kung gusto kang iligtas ng Diyos. Ngayon, bakit ako namatay...er, naging multo? May misyon kasi Siyang ibinigay sa'kin: Kailangan kong hanapin ang tinatawag Niyang "Agape", na isang espirituwal na hiyas, at ilagay iyon sa "Kunsyerto", na isang espirituwal na espada. Kung para saan iyon ay hindi na nabanggit sa akin; bagkus, ang anghel na naghatid ng mensaheng iyon ng Diyos ay itinuro ako sa unang lugar kung saan ako maaaring mag-umpisa sa paghahanap sa Agape: sa ospital kung saan ako ipinanganak.

Kaya doon ako pumunta.

Nagkataon na sa parehas na ospital ako nakahimlay—kasalukuyan akong comatose, putol ang mga binti, namamaga ang kaliwang bahagi ng mukha, may semento sa parehong braso, may brace sa leeg, at may benda sa ulo. Malayo ang itsura ko kumpara dati, kung saan ay nakakasali pa ako sa mga beauty pageant—at nananalo. Malayo sa maganda kong mukha. Malayo sa maganda kong katawan. At ang pighati sa mukha ni Mama na nagbabantay sa akin ay malayo sa palangiti niyang ugali. Gayunpaman, wala akong naramdaman na kalungkutan nang makita ko ang sitwasyon ko. Ang naisip ko lang ay, "Nasagasaan ako ng 18-wheeler truck—ano'ng aasahan kong magiging itsura ko? Anong aasahan kong magiging reaksyon ni Mama?" Tinanong ko 'yung anghel kung bakit wala akong maramdamang kabalisahan, pero walang sumagot sa akin. Wala na siya; ibig-sabihin, umpisa na ng misyon ko. Saan ba ako mag-uumpisa? Sa nursery?

Pagpunta ako sa nursery room, may mga linya ng liwanag na parang mga tangkay ng puno, nakakalat sa mga pader at kisame na parang nakaangat; mistulang hindi kabilang ang mga linya ng liwanag na iyon sa lugar. Pumasok ako sa nursery—hindi ko na kinailangang buksan ang pinto dahil sa pagiging multo ko, kaya ko nang lumagpas sa mga pisikal na bagay. Napatingin ako sa isang sanggol sa may bukana, at sa kakaibang pagkakataon ay tumingin din ito sa akin—alam ko, dahil sinusundan niya ako ng tingin. Pumunta ako sa pinakalikod, kung saan nag-iipon ang pinakamalaking tipak ng liwanag. Hinawakan ko ito. Singkinis ng bubog, sinlambot ng putik, at sinlamig ng yelo ang liwanag na iyon. Maya-maya, unti-unting nag-ipon-ipon ang bawat sangay ng liwanag sa palad ko, hanggang sa maging bilog, hanggang sa mawala. Pagkaalis ko ng kamay ko sa kung saan ako nakahawak, may nakita akong nakalutang na anino...

Na unti-unting naging patayong linya...

Na unti-unti kumalat...

Na unti-unting bumukas...

At mula sa nakabukas na anino na iyon ay may lumabas na isang malaking kamay na halos buto't balat na lang, kulay abo, at nabubulok na mga kuko. Napatakbo ako sa likod at nagtago sa isa sa mga baby crib, at nasilip sa bumukas na anino ang lumabas ditong halimaw: isang payat na higanteng tao, na kulubot ang kulay abong balat at basa ang buong katawan, walang saplot pero nababalot ng puting buhok ang ulo at maselan nitong bahagi, at flat ang mahaba nitong mukha. Ang mga mata nito ay hindi makita sa likod ng talukap nito, pero kapansin-pansing sinisipat nito ang bawat sanggol na naroon. Pinapanood ko kung anong gagawin niya, nang bigla itong napatingin sa akin. Agad niya akong inabot, pero nakaiwas ako. Ngunit humawak lang siya sa crib ng sanggol kung saan ako nagtago, at parang inaamoy ang sanggol. Ilang saglit lang, may mga linya ng liwanag na lumabas mula sa sanggol, at nag-umpisa na itong umiyak. Nakatitig lang ako sa kanya, habang nakatitig lang siya sa sanggol at ang liwanag mula sa sanggol ay patuloy lang na lumalabas papunta sa halimaw.

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon