Page 4

34 3 0
                                    

MINSAN LANG AKO gumawa ng tula, at justifiable 'yun.

Tunay nga sigurong pinipili ng katha ang kanyang manunulat, at para sa akin, walang tulang pumipili sa isang katulad ko. Wala akong maalalang naisulat na maayos na tula, at pinakamaayos na ang "Bulaklak ng Pag-ibig", na hanggang ngayon ay hindi ko pa makompleto. At may maganda akong dahilan kung bakit hindi ko makompleto 'yon.

Nakilala ko si Anna noong first year high school ako. Well, nakita ko muna siya bago ko siya nakilala-nakita ko siyang may kahalikan, sa likod ng CR ng mga babae kung saan may maliit na taniman ng kamatis ang eskwelahan. Awkward 'yun, kasi parang magkayakap lang sila, nakapikit pareho, tapos walang gumagalaw sa kanila. Magkadikit lang mga labi nila. Pero hindi pa rin ako nakagalaw nang makita ko sila kasi bata pa ako noon at wala akong kamuwang-muwang sa mga ganoong bagay. Hindi rin naman nila ako napansin kaagad. Pero nang dumilat si Anna at napatingin sa akin, mabilis siyang humiwalay sa kahalikan niya. Parehas silang namula noon (at siguro ay ako rin) at mabilis dumipensa ang first year na dalaga. "Boyfriend ko s'ya..."

Hindi ako nagsalita, pero nagsalita ang tinawag niyang boyfriend, "Huh? Anong sinasabi mo Anna? Hindi tayo!" Noon ko nalaman ang pangalan niya. At noon ko lang nalaman na pwede palang maghalikan ang hindi mag-on. Pero hindi rin iyon alam ni Anna. Nagreklamo siya.

"Huh? Hinalikan mo na 'ko ta's hindi mo 'ko pananagutan?"

"Bahala ka sa buhay mo!" Umalis ang lalaki at binangga pa ako sa balikat.

Biglang umiyak si Anna. Nang lalapitan ko siya ay bigla niya akong binulyawan, "Pare-parehas kayong mga lalake!"

Hindi ko alam ang gagawin ko noon, pero hinayaan ko lang siyang umiyak pa. Matapos mahimasmasan, mabilis siyang umalis sa taniman ng kamatis at iniwan akong nakatanga doon. Doon nag-umpisa ang lahat ng sa amin, at inakala kong doon lang din magtatapos. Mali ako. Dahil lingid sa kaalaman ko, may alam akong isang bagay na ikapapahamak ni Anna kung sakaling ipaalam ko sa iba.

Bawal ang PDA sa school. Suspension ang resulta. At kapag malalang PDA ang ginawa niyo (e.g. kissing), expulsion na. Ibig-sabihin, hawak ko ang impormasyong maaaring sumira sa kinabukasan ni Anna. Isang sikretong hindi dapat ipaalam. Buti na lang ay magaling akong magtago ng impormasyon. Kung 'yung katotohanan ngang namatay na si Mama e nagawa kong itago sa lahat ng kaibigan ko sa high school hanngang sa mga time na 'yun, 'yun pa kayang may nakahalikan siya? Walang naging problema sa akin. Pero walang tiwala si Anna sa akin nang mga panahong 'yon. Ang ginawa niya? Lagi siyang sumasama sa akin. Sa tuwing pasukan, sa tuwing breaktime, at sa tuwing uwian. Wala siyang pinamimintis na oras para mabantayan ako. Ilang beses kong sinabi sa kanya na ligtas ang sikreto niya sa akin, pero ayaw pa rin niyang tumigil. Kulang na nga lang ay lumipat na siya sa section namin para mabantayan ako nang buong araw sa eskwelahan.

Nairita ako, hanggang sa puntong sinabi ko sa kanyang sasabihin ko ang sikreto niya kapag nagpatuloy pa siya sa pagbabantay sa akin. Pero, imbes na lumayo dahil sa takot e lalo siyang mas lumapit sa akin, dahil pa rin sa takot. Wala na akong nagawa. Noong una, naiirita pa ako. Pero, kalaunan e natutunan ko nang masanay sa presensya niya. Isang beses e binigay ko sa kanya ang isa sa dalawang buy-1-take-1 na burger na binili ko. Naging magkaibigan na kami simula noon.

Kaso, dahil na rin sa patuloy niyang pagsama sa akin, napagkamalang kami, isang taboo sa mga honor student tulad niya. Syempre, natakot siya, at natakot ako para sa kanya. Buong first year kaming kinuyog. Pero, pagpasok naman ng second year, kinuyog pa rin kami, pero hindi na para takutin siya o ano kundi para na lang tuksuhin (pasimuno ang mga kaibigan namin). At doon na naging personal ang dating asaran lang. Mas napalapit kami sa isa't isa. Na-OP ang lahat ng mga nasa paligid namin. Hanggang sa dumating na sa puntong hindi na namin maipagkailang may nararamdaman na kaming kakaiba. Sobra akong kinabahan noon, dahil na rin yun ang first time kong umibig. First love ko si Anna. Nakakakaba, pero nakaka-excite. At bago matapos ang second year, sa Sophomore Prom, nagtapat ako sa kanya ng pag-ibig. Tinanggap niya iyon nang matiwasay, at naging kami bago pa matapos ang school year na iyon. Masaya na lahat, maganda na ang paligid. At sa loob ng buong third year ay lumalim lang ang relasyon namin, na halos mag-isang kaluluwa na kami. Sabihin na lang nating nasa sistema ko na siya at nasa kanya na rin ako, at hindi mapawi ang uhaw namin sa presenya ng bawat isa. Nangangarap na kami ng hinaharap, ng mundong bubuuin namin sa paglipas ng maraming-maraming panahon. Nang biglang nagunaw ang mundo ko pagpasok ng fourth year.

Unang Linggo ng pasukan, lumabas kami ni Anna. Usual date sa usual na park. Pero, hindi tulad ng dati, matamlay siya at may malalim na iniisip. Hindi ako mapakali kaya nang magpahinga na kami sa isang upuang bato, tinanong ko siya.

"May problema ba?"

Hindi siya sumagot.

"Uy, pwede mong sabihin sa'kin kung may problema ka..."

Pero nakatunghay lang siya sa baba. Hinayaan ko lang muna siya. Ilang sandali pa ay nag-angat na siya ng tingin, at nagwika, "Bigyan mo 'kong bulaklak."

Napangiti ako, dahil sa bakuran ng bahay namin ay may tinanim akong isang rosas na balak kong ibigay sa kanya kapag lumaki na. Gusto ko sana ay bigyan siya ng rosas na pinaghirapan ko, 'yung ako mismo ang nag-alaga para ramdam talaga niya ang pagmamahal ko. Pero, dahil hiniling niya, sinubukan ko na lang sumulat ng tula. Naisulat ko na ang umpisa at katapusan ng tula at ang tentative title na "Bulaklak ng Pag-ibig"; wala pa nga lang akong maisip na nilalaman. Pero, habang nagta-type ako sa phone, bigla niyang sinabi sa akin, "Break na tayo."

"Ha?" Bahagya akong nabingi sa sinabi niya.

"Sorry, Peter, pero break na tayo." Pagkasabi n'on, tumayo siya kaagad, nagpupunas ng luhang lumayo sa akin at iniwan ako sa isang tulang hindi ko makomple-kompleto. Hindi ko na maalala ang sumunod na nangyari, pero umuwi na lang yata ako noon? Tapos, dahil sa trabaho ng tatay ko, kinailangan kong lumipat ng school matapos ang isa pang linggo. Sa loob ng isang linggong 'yon, nalaman kong nakipagbalikan si Anna sa lalaking nakahalikan niya noong first year. Akala ko noon e pwede pa naming maayos ang relasyon namin, pero mabuti na lang at kinailangan ko nang lumipat. Dahil kung hindi, baka hindi ako mabuhay sa eskwelahan na 'yon. O baka may mapatay ako. Joke lang. Pero legit akong nalungkot, at napoot. Buti na lang at iniwan na namin ang lugar na 'yon, pati na ang rosas na pinagbutihan kong palakihin sa loob ng isang linggo. Pero, kumapit pa rin sa akin ang lahat ng matatamis kong alaala sa Trinidad, na wala nang ginawa kundi magpapait sa akin.

'Yung relasyon namin e parang 'yung Bulaklak ng Pag-ibig. Naumpisahan at natapos nang hindi nakukumpleto. First love ko si Anna. At siya rin ang first heartbreak ko. Simula noon ay wala na akong inibig pang muli. Napatawad ko naman na si Anna, at kahit hindi ko maintindihan alam kong may mabigat siyang rason kung bakit niya ako sinaktan nang ganoon. Pero sana...sana e maintindihan ko na kasi masakit pa rin.

Hindi ko alam kung bakit bigla ko na lang naaalala ang mga ito. Dahil kaya wala nang gumagambala sa akin? Si Kael siguro e nasa McDo, at pilit nang hinuhugot ang tapang na nagpapabara sa lalamunan niya para maibigay yung love letter na pinagawa niya sa akin. Si Nora, nasa school ngayon kahit Sabado dahil sa isang requirement sa kanila, at maya-maya ko pa susunduin. Mag-isa lang ako sa kwarto, at sa tuwing nag-iisa ako e nararamdaman ko lang na masakit palang mabuhay sa sapatos ko. Isang sumpa na naman sa akin bilang manunulat: Kailangan kong mag-isa para makapagsulat, pero nasasaktan lang ako kapag nag-iisa ako. Passion nga naman.

~*~

Hamong ialay ng pusong nagagalak

Ang bulaklak ng pag-ibig

Na inigiban pa upang diligan

Sa 'sang dilag lang ipapabatid

At ihahatid ng pusong nagagalak

Ang bulaklak ng pag-ibig.

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon