Page 21

15 1 1
                                    

UMUWI AKO PARA magpahinga, napagod na rin kasi ako sa paglalakad kanina, tsaka gusto ko rin kasing magsulat (daming stimulation kanina e). "Pete! Nand'yan na 'yung bagong yaya," bati sa akin ni Nay Benya pag-uwi ko. Buti naman, para hindi na siya masyadong mahirapan.

"Nasa'n po?" tanong ko. Iginiya ako ni Nay Benya sa may kusina, kung saan nakita ko ang isang babaeng nakapang-yaya na naghuhugas ng pinggan.

"Ne," tawag ni Nay Benya rito, na nakangiting lumingon sa amin. Paglingon niya, pagkakita ko sa mukha niya, nalaglag lahat ng hawak ko—buti na lang wala akong hawak. Nang magtama paningin namin, nawala ang ngiti sa mukha niya at bahagya siyang namutla.

"Peter?" tanong niya sa tonong lubos na nagtataka, sa boses na bahagyang nanginig, sa matang bahagyang namula at naluha...sa boses na sobrang pamilyar sa akin kahit ilang taon na ang lumipas.

"Anna...?"

Nabitawan niya ang hawak niyang platito, at umalingawngaw sa kawalan ang tunog ng pagkabasag noon. Nag-init ang pakiramdam ko. O nanlamig. Hindi ko alam. Parang naiinitan ako pero parang may malamig na ihip ng hangin na wala naman. Gusto kong umiyak sa mga oras na 'yun, tanungin siya kung bakit siya naroon ngayon, at kung bakit siya nawala dati. May sinabi si Nay Benya pero hindi ko na naintindihan. Nang biglang tumungo si Anna, at sinubukang damputin ang mga basag na piraso ng platito. Pinigilan ko siya, "Tumayo ka d'yan."

Napatingin siya sa akin, at dahan-dahan siyang tumayo. "Sorry," aniya. Sorry saan? Sorry saan?! Gusto kong sumigaw, pero hindi kasing lakas ng damdamin ko ang lakas ng loob ko.

"Umalis ka d'yan," sabi ko.

"Ha?" tanong niya.

"Ako na bahala d'yan," tukoy ko sa nabasag na platito. "Baka masugatan ka pa."

Tatlong beses na sunod-sunod siyang kumurap—nag-aalangan siya. Oo, alam ko pa rin ang mannerism niyang 'yon, dahil 'yun ang hinihintay kong makita nang mga panahong sinasabi niyang break na kami. Umalis na siya sa kinatatayuan niya, at pinasunod muna siya ni Nay Benya sa kung saan (na lihim kong ipinagpasalamat). Kumuha ako ng gloves, nilinis ang nabasag na pinggan, at tinapos ang hinuhugasan ni Anna. Na siyang bagong kasambahay namin. Na lagi kong makakasama sa bahay. Hindi ko mapigilang maiyak sa kung anumang emosyong nararamdaman ko. Pero isa lang ang totoo: may nararamdaman pa rin ako sa kanya, sa ayaw ko man o sa gusto. Pagkatapos kong maghugas, naligo ulit ako, pantanggal lang ng init sa katawan. Pagka-ayos, nagpaalam ako kay Nay Benya, na kasama pa rin si Anna, na sa pagkakataong 'yon ay nagwawalis naman sa sala.

"Alis muna po 'ko," sabi ko.

"Ingat," sabi ni Nay Benya. Hindi na niya ako tinanong kung bakit ako aalis at kung saan ako pupunta. Tinignan ko si Anna, na nakatingin din sa akin—pilit siyang ngumingiti pero walang lumalabas sa labi niya. Umalis na ako matapos ang ilang segundong pagtitig sa kanya. Tae. Na-miss ko siya. Pagpasok ko sa kotse, hindi muna ako umalis. Nagtagal pa ako sa harap ng manibela, sinubukan kong ayusin ang damdamin ko, ipunin ang nakakalat na isip. Delikado kasing mag-drive sa ganoong mental state. Pero hindi ko na hinintay na umayos nang lubos isip ko, at umalis na rin ako kaagad. Sa mall ako dumiretso, naglakad-lakad hanggang sa mapagod, nagpahinga, at naglakad-lakad ulit kapag nakapagpahinga na. Nasa mall ako, pero nasa bahay pa rin ang utak ko. Na kay Anna. Wala na akong ibang maisip na iba.

~*~

Alas otso, sinundo ko na si Nora sa school. Unang tanong niya sa akin: "Nasa'n bulaklak ko?"

Nag-sorry lang ako. "Nalimutan ko," sabi ko pa.

Pangalawa niyang tanong: "May problema ba?"

Hindi ko kaagad sinagot 'yun. Pinilit ko pang itago kung ano ang nararamdaman ko, kung ano ang gumugulo sa akin. Pero, naisip ko, uuwi na rin naman siya, makikita na rin naman niya si Anna. Kaya, sinabi ko na rin, "May bagong kasambahay na."

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon