TIK. TIK. TIK. Tik. Lumalagpas na naman ang oras sa ibabaw ng ulo ko nang wala akong nagagawa. Kahit pilit kong pigain ang utak ko sa mga pwede ko pang isulat, wala akong mailabas.
Isa na namang sumpa sa mga manunulat: Writer's Block.
Ang katotohanang nakakapagsulat ka at ang hindi ka nakakapagsulat ay parehas matinding psychological burdens. Nakakapagod pareho, pero mas maayos naman kung napapagod ka nang may nagagawa ka, 'di ba? Ano ba, pagod lang ba ako? E umaga pa lang ah? Dahil ba sa araw-araw akong nagsusulat? Minabuti kong tumigil muna at pumunta sa kusina nang makainom ng tubig.
Matingkad ang sikat ng araw na tumatagos sa malaking sliding window ng kusina kung saan masisilayan ang likod-bahay, kahit wala pang ala' siete; parang nagbibigay ng liwanag sa mga kaluluwa ngayong Undas. Hindi ako naniniwala sa mga multo, pero masarap himasin ang ideya ng espirituwal na mundo ng mga naliligaw, ng mga may naiwang tungkulin, mga kaluluwang walang kapahingahan. Paano nga kaya kung may mga kaluluwang nakatingin sa lahat ng ginagawa natin? Na hindi tayo iniiwan? Gugustuhin pa kaya nating maramdaman na hindi tayo nag-iisa? O masasabi mo lang na may kasama ka kapag nakikita mo na? Out of sight, out of mind? E paano naman 'yung mga character ko? Hindi ko naman sila nakikita pero hindi ko naman sila malimutan. Ah, baka kasi ang "sight" na sinasabi e not strictly sa pisikal na larangan? May mas matindi tayong kakayahang "makita" ang ilang bagay. Hmm...'yun ba konsepto ng third eye? So, in art's sense, may third eye ang mga writer? O, siguro lahat ng artist e may ganoon?
I shake my head-lumipad na naman utak ko. Ininom ko na ang tubig na kanina ko pa isinalin, at bumalik na kaagad sa kwarto, humarap ulit sa laptop. Pinapanood ko lang na kindatan ako ng I-cursor, pilit nagpapapansin at parang multong nagsasabing, "Magsulat ka na, na'ndito lang ako..." Naaawawa ako sa kanya. Kahit gusto kong sundin sinasabi niya, wala akong magawa. Hinawakan ko muna ang lapis at binuklat ang notebook. Doon ko sinusulat ang mga notes na naiisip ko na wala sa kasalukuyan kong sinusulat. Mga biglaang ideya na kung hindi ko huhuliin ay pawang maiilap na mga hayop na magpapatalon-talon palayo at magda-dive sa dagat ng pagkalimot. Sinulat ko 'yung tungkol sa "artist's third eye," pero mabilis lang kasi feeling ko e may bagong kwentong kumakatok sa akin. Gusto ko sana munang tapusin 'yung Plague. Hindi healthful sa mga kwento ko 'yung bigla ko na lang silang tinitigilang isulat. Lagi nang nangyayari sa akin 'yun; gusto ko man lang sanang makatapos ng isang kwento, at gusto kong Plague 'yung tumupad sa kagustuhan kong 'yun.
Kaso wala pa rin akong maisulat.
So, ang ginawa ko na lang ay i-edit ang ilang aspeto ng kwento. May mga salita akong idinagdag, inayos na mga typo. Ginawa kong double-space yung dating naka-single space lang. Ginawa kong bold yung mga chapter titles, tapos nilagyan ko ng underline. Tapos tinanggal ko rin yung underline kasi ang pangit tignan. Masyadong nae-emphasize yung title samantalang wala namang nilalaman yung chapter. At nang wala na akong maayos (wala namang magulo sa umpisa pa lang), ginawa ko na lang ulit single space ang double space at inalis ang pagka-bold ng mga naka-bold, at umupo na lang sa higaan. Tinignan ko muna ang laptop bago humiga nang tuluyan. Nakatitig lang ako sa likod ng rehas na likod ng higaan sa ibabaw.
Pinatakbo ko sa isip ang City of Spice. Parang sceneries ng flashback ang nakita ko...
May dalawang punong magkatabing tumubo na nagkaisa habang lumalaki. May mga taong umakyat at kumain ng magkaibang bunga ng puno-namatay silang lahat. Sinunog ang puno, naglagas ang mga dahon, at pinagbawalan ang paglapit doon. Sa isang himala, muling nabuhay at nagbunga ng dalawang magkaibang bunga ang puno. Nagtalo-talo ang mga native sa kung ano bang dapat gawin doon. Lumipas ang panahon. Ang mga native na tao ay naging mga sibilisado, nag-aangatan ng mga hawak na scroll, nagtatalo-talo pa rin tungkol sa puno. Hanggang sa pumasok na sa eksena si Sir Galabach. Ang puno ay isa nang napakatanda at napakalaking puno. Hinawakan niya ito at ngumiti siya. "Dito ko itatatag ang aking nasyon," aniya sa kanyang sarili. Ngunit may mga native pa na nakatira doon, at pilit silang pinalayas. Nagkaroon ng gera, at ang imahe ni Sir Galabach na may hawak na sulo ang huli kong naisip.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.