"FOUR YEARS AGO po n'ong malaman kong gusto n'yo rin po palang maging writer." Hinawakan ko ang puntod ng isang babaeng nagnangalang Ashley G. Villamayor, nagpaalam sa mundo sa batang edad na 33. Malinis ang gilid ng puntod—manipis at pantay ang mga damo, makinis ang mismong lapida at mukhang bagong pinta ang mga engravings. Hindi aakalaing labimpitong taon nang nakalibing si Mama. At 'yun ang unang beses kong binisita ang puntod niya.
Siguro dahil hindi ko siya masyadong maalala, o dahil na rin sa tampo ko sa kanya, kaya iniiwasan kong puntahan ang libingan niya. Nagtampo ako kasi iniwan niya kami. Napakaengot na dahilan. Kaya ngayon, para akong nakikipag-usap sa isang estranghero. Napaka-awkward sa feeling na hindi ko alam ang sasabihin sa kanya, kahit alam kong hindi naman siya nakikinig sa akin. Hindi ko mapigilang makaramdam ng hiya sa harapan niya. "May—" pumutok ang plema sa lalamunan ko, kaya tumikhim ako, pero kasabay noon ang pag-iyak ko naman. "May anak na 'ko, Ma."
Katahimikan. Pinagdiskitahan kong bunut-bunutin ang mangilan-ngilang damong hindi natabas nang maayos habang nagpupunas ng luha. Tumikhim ulit ako. "Andrea po pangalan n'ya. Napakadandang bata, kamukha ko kasi." Natawa ako sa sariling pagyayabang. "'Di ko na po masyadong maalala mukha n'yo, pero siguro magkamukha ho kayo. Hindi ko naman kasi masyadong kahawig si Tatay."
Katahimikan. Bahagyang makulimlim ang langit pero walang pagbabadya ng ulan. 'Yun ang paborito kong panahon—mukhang uulan pero hindi. Kinuha ko mula sa dalang bag ang isang stuffed toy na mukhang pusa. "Si Ms. Pats, Ma," sabi ko, "bigay ni Andrea sa'kin. Napaka-cute ng apo n'yo." Napabuntong-hininga ako nang may mapagtanto ako. "Hindi ko pala mabibigyan ng regalo si Andrea." Ibinalik ko si Ms. Pats sa bag.
At muling umiral ang katahimikan. Nakakatawang ang iniisip kong ibig-sabihin ng katahimikan sa paligid ay mataimtim niyang pakikinig sa mga sinasabi ko. "Binabalikan ko po 'yung mga taong sinaktan ko dati," pagpapatuloy ko, "pero 'di ko po kayo ka'gad naisip. N'ong makita ko lang si Andrea tsaka ko po kayo naalala. Sorry Ma, sorry po sa lahat ng pagkukulang ko." Huminga akong malalim. Naiiyak na naman ako; feeling ko e masyado na akong nagiging sensitive.
"Oo nga po pala!" binago ko 'yung tono ko. "Writer na po ako! See?" Iniangat ko ang dala kong kopya ng "Days of Ghost". "Ah—! Hindi ko po laging dala 'to," sabi ko, dahil baka isipin niyang masyado akong narcissistic para magdala ng sariling libro sa kahit saan (balak ko sanang ibigay kay Anna 'yun para makita ulit si Andrea, kaso naalala ko 'yung sinabi sa akin ni Louis na huwag na akong babalik doon). Napagtanto kong wala nga palang nakikinig sa akin. Napangiti ako dahil sa sariling kaabnormalan. O siguro, sa pakikipag-usap sa namayapa mong mahal sa buhay e nararanasan mo rin ang suspension of disbelief? Siguro. Masarap lang sigurong makipagkwentuhan kay Mama—kung pakikipagkwentuhan pang matatawag 'yun.
Ang pagiging writer ko bilang focal point, nagkwento ako kay Mama nang masaya at magana, detalyado depende sa naaalala ko, kasama na ang mga napulot kong mga karunungan at itinapong mga opinyon. Natapos ang pakikipag-usap ko kay Mama nang magaan ang loob ko. At nasabi ko sa sarili ko na dadalasan ko ang dalaw sa puntod niya.
Tumayo na ako sa damuhan at nagpagpag ng puwitan. Masaya akong muli kong naisulat sa mga pahina ng libro ng buhay ko ang pangalang "Ashley", at ang tawag ko sa kanyang "Mama". Nailabas ko na sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin, iniyak ko na ang lahat ng luhang gustong tumulo, at nainggit ko na siya kung gaano kasarap at kahirap maging isang writer.
Isa na lang ang kulang sa libro ng buhay ko: ang hahawak sa ikalawang panulat at siyang magbibigay ng bagong kulay sa mga pahina n'on. Pero matagal ko nang napagtanto kung sino ang gusto kong alayan ng panulat na 'yon. At susuyuin ko siya nang walang tigil hanggang sa tanggapin niya ako ulit.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.