BAHAGYANG UMANGAT ANG tingin ko sa sarili sa sumunod na taon.
Siguro dahil sa pag-iisa, walang naging hadlang sa schedule ko ng pagsusulat. Fixed na 6 AM ako gigising, magluluto, kakain, maliligo; 7 ako haharap sa laptop kahit walang maisulat, basta nakaharap na ako sa laptop, hanggang 11 (with occassional breaks in-between). Titigil ako magsulat may naisulat man ako o wala. Hapon, magsusulat ulit ako, pero mas madalas e kung anu-ano lang ginagawa ko. Bago lumubog ang araw, pupunta akong gym para panatilihing dumadaloy nang maayos 'yung dugo ko sa katawan. Gabi, 'yung chauffer service ko naman. Kapag makapaghatid ako ng tatlong parokyano, pwede na akong mabuhay sa buong linggo. Minsan wala, minsan sobra, kaya nababalanse lang. Pero alam kong walang stability 'yung ganoong trabaho kaya unti-unti rin akong tumingin ng iba pang mapagkakakitaan.
Madalas ang hapon ko e nagagastos ko sa paglalaboy, kinikilala ang paligid ng Sta. Monika, ang bagong bayang kumakanlong sa akin. Hindi kasing ganda ng Consolacion 'yung Sta. Monika, pero okay na rin dahil sa dami ng mapupuntahan. Nahilig ako sa pagbabasa, pili lang talaga siguro 'yung binabasa ko kaya madalang dati. At totoong nakakatulong 'yung pagbabasa sa pagsusulat.
Sabi sa ilang nabasa ko (na hindi ko na maalala), makakatulong 'yung pagbabasa para malaman mo kung paano ba isinusulat ang isang kwento partikular sa genre na napili mong isulat. I begged to disagree. Kung wala kang style sa pagsusulat sa umpisa pa lang, huli na ang lahat para sa iyo. Lagi mo lang matatagpuan 'yung sarili mong kinokopya 'yung boses ng ibang tao. At doon, wala ka nang kinabukasan pa. Pero huwag kang makikinig sa akin kasi sa pagpupumilit kong gamitin 'yung boses na sa tingin ko mayroon ako, wala akong narating. Well, at least kung hindi dumating itong ikalawang taon.
Last year, sa bilang na 55,184 na salita, 32 na chapter, isang prologue, at isang epilogue, natapos ko ang Days of Ghost, ang kauna-unahan kong natapos na nobela. Rough draft pa lang 'yun, pero nang isulat ko 'yung huling salita para tapusin 'yung kwento, naiyak na ako. Hindi ko maipalawang 'yung kasiyahan na dulot ng makatapos ng isang nobela; pakiramdam ko naabot ko na pangarap ko. Pero ilang buwan ng pagbabasa at pagre-revise, biglang pumasok sa isip ko: "Ano na?" Ano na ang mangyayari sa kwentong natapos ko? Itatambak ko na lang ba sa computer? Aagiwan paminsan-minsan? Sa kalagitnaan ng pagtitipa sa laptop, naisip kong lumabas at maglakad-lakad muna. Hulyo noon, at nagbabadya ang Bagyong Estoy kaya maulan. Nagdala akong payong at cellphone at naglakad na sa kalsadang basa na ng ulan.
May mga naumpisahan na akong ibang mga kwento pagkatapos ko sa Days of Ghost, pero laging bumabalik sa nobelang 'yun 'yung isip ko. Pakiramdam ko may kulang pa. Hindi pa ganap na kwento 'yung kwento ko. Kung ano 'yun, naging mailap pa sa akin noong una. Pero nang may nakasalubong akong mag-inang naglalakad sa kalsada, nakakapoteng asul ang bata at nakapayong ang nanay bitbit sa harap ang isang itim na bag, at nakita kong nagkukwento ang anak habang tinitignan ang pagtalsik ng tubig sa bawat hakbang niya, napagtanto ko na kung ano ang kulang sa Days of Ghost: isang tagapakinig. Hindi sapat na akong nagkwento ang makinig sa sarili kong nobela-dapat may kahit isang taong kahit hindi ko nakikita e alam kong nakikinig pa rin sa akin.
Agad akong umuwi, at naisip ang isang bagay na matagal-tagal ko nang gustong gawin: ang gumawa ng Wattpad account. Kinapa ko muna nang ilang oras 'yung dashboard ng Wattpad, bago unti-unting isinalpak sa internet ang Days of Ghost. Isang araw lang ang lumipas, ang kwentong ilang buwan nang nakatambak sa laptop ko, naihain na sa publiko para pagpiyestahan.
Kaso nga lang, walang nakipiyesta. Unang araw, walang nagbasa. Ikalawang araw, wala pa rin. Ikatlo, nainis na ako sa mga mambabasa sa Wattpad kasi wala man lang nagbabasa ng kwento ko. Ikaapat, wala pa rin. Hindi na ako nagbukas ng Wattpad ulit. Naisalang ko na sa masa ang kwento ko, nasa sa kanila na lang kung tatanggapin nila o hindi. Pero masakit pa rin na parang walang may ganang magbasa ng kwento ko. Naisip ko, wala bang epekto pagsusulat ko? Hindi ba ako marunong magkwento?
Isang buwan din akong tumigil sa pagsusulat ng mga kwento. Parang walang kwenta e. Nag-journal na lang ako, inilabas lahat ng frustrations ko sa papel. Hanggang sa bumangga ako sa konkretong katotohanang mahal ko ang pagsusulat. Kaya bumalik ako sa Wattpad.
At bumulaga sa akin ang napakaraming notification.
Sa Days of Ghost:
Reads: 11.8K
Votes: 753
Comments: 52
Sa Profile:
Followers: 267
Inbox: 12
Masaya ako, syempre, pero na-weird-uhan ako. Ano nangyari? I dug deep kung ano ang mayroon at biglang sumabog nang ganoon 'yung Days of Ghost, at nalaman kong ang dahilan ng pagsikat n'on e dahil naisama 'yun sa listahan ni Chess_Nut (isang sikat na Wattpad writer) ng mga kwentong nagandahan siya. Bale nadamay lang ako sa kasikatan niya. At salamat doon, nabuksan 'yung kwento ko sa maraming mata. Sa mga comments at PM, madalas na sinasabi sa akin na maggawa ako ng mga social media accounts para malaman nila 'yung susunod ko pang ipa-publish na kwento. At sinunod ko ang pang-uuto nila. Inilagay ko sa Wattpad 'yung freshly-made social media accounts ko, at inilagay ko naman sa accounts 'yung link ng Days of Ghost. At doon na nag-umpisa 'yung mas magandang takbo ng una kong nobela.
Lumakas loob ko bilang writer, at bilang tao na rin. Ngayon alam ko nang may nakikinig sa akin. Kahit pala loner ang isang writer (e.g. ako), hindi pa rin mawawala 'yung pagiging social animal niya-kakailangani't kakailanganin pa rin niya ng makakausap, though not in conventional ways nga lang. Grabe epekto ng social media, feeling ko ang lapit-lapit ko sa mga hindi ko naman kilala. Kaya siguro maraming naa-adik sa mga phone nila-hindi naman kasi dahil sa phone 'yun, kundi sa interaction na naibibigay noon sa kanila.
At oo, ilang libong beses kong pinagtangkaang hanapin at i-add ang mga mahal ko sa buhay. Pero ayaw ko nang makagulo pa sa kanila. Nagkasya na lang ako sa pakikipagkwentuhan sa mga taong hindi ako personal na kilala.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.