Page 44

7 0 0
                                    

MATATAPOS LANG ANG isang kwento kung sumaya na ang bida o mamatay na siya. Dalawang choice lang 'yan. At kung hindi siya sasaya sa bandang dulo, mas pipiliin niyang mamatay na lang. Ganoon din naman sa totoong buhay. At ganoon din naman ako.

Sabihin na lang nating isang nobela ang kwento ko, at syempre ako ang bida. Ngayon, hindi ako sigurado kung katanggap-tanggap ako bilang isang bida dahil sa dami ng karuwagan kong nagawa, pero may isa akong katangian na katangian ng lahat ng mga bida: ako ang magtatapos sa sarili kong kwento. Ngayon, masaya na ba ako? Hindi pa. Patay na ba ako? Kayang-kaya kong gawin 'yun kung gugustuhin ko, pero hindi ako ganoong uri ng bida.

Kung may nagsusulat ng kwento ko, pasensyahan na lang, pero hindi ko hahayaang matapos 'yung kwento ko nang nakatiwangwang sa ere 'yung mga resulta ng problemang nilayasan ko. Oo, siguro gusto ko pa ring takasan 'yung mga naiwan kong kalat, pero ngayong alam ko nang may nagkasipon dahil sa itinagong alikabok, hindi na ako papayag na gan'on-gan'on na lang 'yun. Haharapin ko na siya—hindi ko man mawalis 'yung mga duming winalis na siguro ng iba, bibigyan ko na lang siya ng gamot. Kung hindi siya gumaling, maski man lang sana tubig maibigay ko.

Gawa na rin siguro ng katigasan ng ulo, nilakasan ko ang loob ko para harapin ulit si Nora, wala pang isang linggo pagkatapos niya akong bugbugin. Sapat na siguro ang apat na araw na pahinga para lumamig siya. Hopefully.

Tulad ng nakasanayan ko nitong nagdaang isang linggo, ala' siete pa lang nasa Bread Corp. na ako. Pero sarado ang café. Paalis na sana ako nang dumating ang motor ni Nora. Bumaba siyang nakasimangot. "Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong niya nang makalapit siya.

"Ah..." naghanap muna ako ng palusot, "komportable kasi ako dito—I mean, magsulat... dito."

"Sabi ko sa'yo 'wag ka nang magpapakita, 'di ba? Medyo makapal din mukha mo, 'no?" pagtataray niya.

"Well, it shows na cozy talaga 'yung café mo," sabi ko na lang, para man lang pakinisin 'yung mood niya sa akin.

Inismiran niya lang ako at itinuro ang nakasabit na poster sa glass door:


BREAD CORP.

Is OPEN!

MONDAY to FRIDAY - 7 AM to 11 PM

SATURDAY - 7 AM to 3 PM

SUNDAY - CLOSED


"Sarado 'tong cafe ngayon. Magbasa ka ha?" sabi pa niya. Nagtaas lang ako ng dalawang kamay bilang pagsuko. Inirapan niya lang ako.

Binuksan niya ang café at sumunod ako sa kanya. Pero pinigilan niya ako.

"Sa'n ka pupunta?" pagtataka niya.

"Ah, papasok?" tanong ko.

"Umalis ka na, marami akong gagawin ngayon," pagtataboy niya.

"Sorry sa istorbo," paumanhin ko, "kahit ilang oras lang, gusto ko lang mag—"

"Ano ba?!" tinaasan na niya ako ng boses. "Umalis ka na."

Hindi ako nagpatinag. "Ayoko lang matapos 'yung tayo sa gan'ong paraan."

"Ha!" ngisi niya. "Walang 'tayo'. Matagal mo nang tinapos 'yun."

Napabuntong-hininga na lang ako. Mainit pa ang ulo niya, at sa tingin ko e matatagalan pa bago niya ako kausapin nang maayos. Kinuha ko na lang 'yung nakatuping papel sa bulsa ko at iniabot sa kanya.

Tinanggap niya 'yon. "Ano 'to?"

"Letter of apology," sabi ko. "Basahin mo na lang 'pag—" Naputol ang sinasabi ko nang bigla niyang punitin 'yung sulat. It was an outright act of rejection, again. At napunit din ang puso ko sa ginawa niya. Gusto ko sanang mainis, pagalitan siya, pero mas karapat-dapat ang galit niya sa akin.

"Umalis ka na," aniya, "and for the last time, Peter, please, don't ever show your face to me again." Doon lang at isinara na niya ang pintuan ng café. Dumiretso na siya ng counter nang walang lingon.

Ilang saglit pa akong tumingin sa mapanglaw na reflection ko sa pintuan bago ako umalis. Well, I tried to make it up for her, pero mukhang ayaw na talaga niya. Wala na akong magagawa roon.

Kumirot ang puso ko nang higit sa inaasahan, isinisigaw ang paumanhing hindi man lang niya binasa.

~*~

Nora,

Masaya akong makita ka ulit, and in such a successful life (congrats ulit sa pagtatayo ng Bread Corp.!). Though we parted ways in pain, masaya akong makasama ka nang halos kalahating araw. I never enjoyed my time that much, and I know I did it because of you.

Still, I want to give my overdue apology. Sorry for all the pain I caused you. Your love waited for me for so long and I just brushed it off when you showed it, partly because I was confused, partly because I was a moron. At sorry sa sakit na dulot ng katangahan ko.

Hindi ko alam kung matatanggap mo pa ako ulit sa buhay mo, but I want to make it up for you. At least, kahit magkaibigan lang. Syempre, aayusin ko rin 'yung gusot ko kina Kael, gusto kong maayos lahat ng loose ends ko sa mga mahal ko sa buhay.

Again, I'm really, really sorry, Nora. In your absence I realized how much you mean to me; I longed for you. At nang makita kita, naramdaman ko kaagad 'yung hinahanap-hanap ng puso ko for the past four years.

I missed you.

-Peter    

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon