ILANG MINUTO NA akong nakatingin sa harapan ng isang bahay na mukhang hinugot sa mga pahina ng nobela ni Rizal; dalawang palapag ng lumang arkitektura, gawa sa bato ang ibaba, sa kahoy ang ikalawang palapag, at sa tisa ang bubong; may mga halamang bahagyang hinayaang kumalat sa mga pader na panaka-nakang namumulaklak ng pula; ang moderno lang ay ang pintuan at mga bintana na gawa na sa salamin; nakadagdag pa sa imahe nito ng kalumaan ang kulay sepia na langit dahil sa papalubog nang araw. Pero hindi ito isang "bahay", kundi isang restaurant. Isa ito sa maraming branches ng Kucina nang Familia, dito sa may Bulacan. Dito ise-celebrate ang 24th birthday ni Nora.
Hindi ko alam kung paano na nila sine-celebrate ang birthday ni Nora ngayon, pero kung pagbabasihan ko ang alaala e sigurado akong magarbo ang handaan at maraming mga taong mararamdaman mong nanliliit ka. Ibang-iba ang mundo nila kumpara sa aming mahihirap. Ah, well, hindi naman na ako mahirap sa katotohanan. Kaso, sa nakikita kong mga nagdadatingang bisita (may ilang artista pa nga), alam kong manliliit pa rin ako. Pero, hindi ko naman ito araw—araw ito ni Nora. At para kay Nora ako nagpunta, bitbit ang isang paper bag na naglalaman ng regalong sana ay magustuhan niya.
Bumaba na ako mula sa motor at nagpunta sa CR ng isang malapit na gasolinahan. Nagbihis ako at nag-ayos ng sarili, bitbit-bitbit ang kahandaan sa kahit anumang maging turing niya sa akin. Siguro e ibibigay ko lang sa kanya itong regalo tapos aalis na rin.
Pagpasok ko, maliwanag ang loob ng establisyimento at napagtanto kong isang palapag lang pala 'yun, talagang mataas lang 'yung kisame. At kita ko kung gaano kaengrande ang mga tao—parang nasa isang formal party. OP ang isang tulad kong naka-polo shirt lang at maong pants...dala ang isang malaking paper bag ng kung ano. Pinagtitinginan ako ng mga tao, pero alam kong dahil lang sa hindi fit kong itsura. Walang pinagkaiba dati, bukod sa katotohanang hindi ko na masyadong nararamdaman ang kaliitan ko. Isa na akong tagumpay na tao, may narating na kahit papaano—hindi na ako dapat mahiya sa kanila.
Isa pa, hindi lang naman ako ang OP.
May isang babaeng mukhang napupuno ng teen angst at rebellious spirit na isa-isang kumukuha ng mga nakahandang pagkain, na parang may free taste lang sa mall. Bob cut ang buhok niyang kulay violet, kinakwadro ang maputi niyang mukha. May suot din siyang eyeliner (o mascara ba tawag doon?), at itim ang lips. May dalawang malaking hikaw na nakasabit sa magkabilang tainga, na parang sumasayaw na mga chandelier. Nakasando blouse siya na kulay lumot, tapos malaking maluwag na pants na itim, at sandals na itim. Kakaiba ang itsura niya kumpara sa mga naroon, at dahil doon e madali siyang i-describe. Gusto ko sana siyang lapitan, tanungin kung paano siya napunta roon, pero mas pinili kong umupo na lang sa isang lamesa, naghihintay ng kung ano ang mga mangyayari.
Pinaaalala ng mga nakikita ko sa paligid kung gaano kayaman ang Buendia Family. Tinignan ko ang pipitsugin kong regalo na nakalapag sa harapan ko. Napabuntong-hininga na lang ako.
"Hi." Tumabi sa akin ang babaeng mukhang napupuno ng teen angst at rebellious spirit.
Ilang saglit akong napatitig sa kanya bago nakasagot, "Hi." She's more beautiful up close, kaso hindi ko gusto 'yung violet niyang contact lenses na nakatingin sa akin. Napatingin ako sa dala niyang platitong puno ng mga kung anu-anong diced fruits, bago magbalik ng tingin sa mga tao.
"So, pa'no napunta ang isang tulad mo dito?" tanong niya.
"Inimbitahan ako ni Nora," sagot ko.
"Don't lie to me." Napatingin ako sa kanya sa sinabi niya; busy siya sa pagkain ng mga prutas. "Lahat tayo inimbitahan ni Nora; ang tanong e, ba't ka n'ya inimbitahan?"
She had this condescending tone, and it irked me. "Ewan ko," sagot ko na lang.
Hindi ako nakatingin sa kanya pero ramdam ko 'yung mga mata niyang nakadampi sa mukha ko. At napalatak siya ng dila, "Masungit ka pala sa personal, Pare Ho."
Mabilis niyang nahatak ang pansin ko; nakangiti na siya sa akin habang ngumunguya. "Pa'no mo nalamang...?"
Nilahad niya ang maputi niyang kamay, "I'm Kim, isa sa mga avid fans ng Days of Ghost."
Bahagya akong nahiya dahil sinungitan ko siya. Inabot ko ang kamay niya, "Hi. Sorry."
"It's okay," kindat niya sa akin. Tumusok siya ng isang diced na mansanas at kinain 'yon.
"I appreciate you like Days," sabi ko, "but it doesn't explain how you know me. I mean, how do you know my face?"
Tumingin siya sa mga bilog na lampara sa isang haligi. "I think I've seen you twice."
"Talaga? Kailan?"
"N'ong magpunta kang practice ng banda." Nakatingin lang ako sa kanya kaya nagpaliwanag pa siya. "Ako 'yung rhythm guitarist sa band ni Nora, way back our college days."
Inalala ko ang mga nakita kong kabanda ni Nora sa Doña, at hindi ko maalala ang mukha niya. Pero naalala ko 'yung rhythm guitarist nila, pero chubby 'yun at kulot na mahaba ang buhok, malayong-malayo sa babaeng kaharap ko ngayon.
At mukhang nabasa niya ang nasa isip ko. "I've changed, I know." Ngumiti siya at muling kumain ng prutas.
More than a change, she transformed. Pero hindi ko pa rin malaman kung paano niya nalamang ako si Pare Ho. Ah, siguro naikwento na ni Nora sa kanya?
Nagtanong siya, "How's Bread Corp.?"
"It's cozy, saktong-sakto sa panlasa ko," sabi ko. "Buti may nakapag-tweet tungkol d'on, kundi e kung saan-saan pa 'ko nagsusulat ngayon."
"Buti na lang pala nag-tweet ako. Bihira ko pa namang gawin 'yun."
"Oh, so you're that person?" Ngumiti siya nang hindi lumalabas ang mga ngipin at tumango. Basically, siya ang naging dahilan ng muli naming pagkikita ni Nora. "So, alam mo nang ako si Pare Ho umpisa pa lang?"
"No," tanggi niya. "Ang totoo e 'di ko rin expected na ikaw pala si Pare Ho." Sumubo siya ng isang cherry. "Nora just liked your story so much, and you did tweet na gusto mong magsulat sa mga café, kaya naisipan kong i-suggest sa'yo 'yung café n'ya."
Okay, medyo nakukuha ko na kung paano niya ako nakilala.
"Tinanong kita kanina kung bakit ka inimbitahan ni Nora. Well, the reason we are here might be the same."
"And that's...?"
Tinuro niya ng tangkay ng cherry ang mga tao sa paligid. "These people, they're here to get on the good side of Tito Manuel, not for Nora. I bet you, some don't even know who she is. So, hindi talaga sila bisita ng celebrant; tayo 'yun. The reason we're here is because of her."
Well, that should have been obvious. "Yeah," tugon ko.
"But..."
Napalingon ako sa kanya; nakatingin siya sa akin—wala na ang ngiti sa labi.
"I don't think you deserved to be here." Inilapag niya ang platitong may ilan pang laman sa lamesa. "Sinaktan mo ulit s'ya; I think you've done enough. You shouldn't have returned. So please, give yourself a favor: umalis ka na bago ka pa n'ya makita dito." Tumayo na siya at naglakad palayo.
Well, that's...unexpected. Akala ko e masaya siyang makita akong naroon. Gusto kong magalit sa mga sinabi niya, pero totoo naman ang mga 'yun. Parang wala na akong ibang nagawa kundi saktan si Nora. Tumingin ulit ako sa regalo ko. Naramdaman ko ulit ang pagiging pipitsugin—pero hindi na dahil sa regalo ko kundi dahil na sa sarili ko. Siguro e iiwan ko na lang sa kung saan itong...hmm, well, siguro e dapat wala na akong maging bakas na pwede niyang makita. May point kasi si Kim.
Nakatayo na ako nang biglang may umakbay sa akin.
"Kanina ka pa, 'Tol?" tanong sa akin ni Kael, na naka-T-shirt na puti, maong shorts, at tsinelas lang. Nasa likod niya si Wendy na para lang nagpunta sa mall. Pero, kahit ganoon, mukhang mas bagay sila sa restaurant kaysa sa mga yayamaning naka-formal. Nakatagpo na ako ng kabibilangang umpukan, kaya pinili kong manatili.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.