Page 36

14 0 0
                                    

TULOY ANG TAKBO ng buhay sa Buendia Residence. Nanghinayang lang si Nanay Benya sa pag-alis ni Anna. "Masipag na bata pa naman," aniya.

Nag-aayos na ako dahil Linggo, at magsisimba dapat kaming tatlo nina Kael at Nora tulad ng dati. Pero may ibang pinuntahan si Kael, at si Nora naman ay natutulog pa. Ako lang mag-isa ang pupunta ngayon. Pero, may karapatan pa ba akong humarap sa Diyos? Matapos ang ginawa namin ni Anna kagabi, magagawa ko pa bang iharap ang mukha ko sa Kanya? Pakiramdam ko ay hubad ako. Gusto kong magtago. Gusto kong mawala.

Gusto ko nang umalis sa bahay ng mga Buendia.

~*~

Mag-aalas dyis ng gabi nang makita ko ang isang mamang hindi halata sa itsura na magsisingkwenta na. Palinga-linga siya, may hinahanap, hanggang sa magtama ang mga mata namin. Ngumiti siya at naglakad papunta sa lamesa ko.

"Ba't naman sa Tagalog mo pa gustong makipagkita?" bati niya sa akin, at naglapag ng isang supot ng kung anu-ano: may toothbrush, may sabon, may flashlight, at iba't ibang necessities pa na kailangang dalhin kung naisipan mong mag-travel.

"Para maraming tao, hindi tayo masyadong obvious." Inabutan ko siya ng isang cup noodle na inihanda ko para sa kanya.

Kumunot ang noo niyang tinanggap 'yun. "Ano 'to, farewell meal mo sa'kin? Buraot mo naman."

"Sorry, 'Tay," sabi ko, "'yan pa lang kaya kong ihanda e."

"Ta's gusto mong umalis nang 'di ka marunong magluto?" pag-iling niya. Binuksan niya ang cup noodles at sinalubong ng mukha niya ang usok na naipon mula doon. "Ano bang trip mo? Kung 'di pa kami umuwi ng Tito Manuel mo, 'di pa kita mapupuntahan dito." Nag-umpisa na siyang kumain. Binuksan ko na rin ang cup noodles ko at kumain na rin. May kinuha siyang dalawang box ng pagkain at ibinigay niya sa akin ang isa. "Ganyan ang luto. Kumain ka."

Pagbukas ko ay naamoy ko ang mabango at bahagyang maanghang na aroma ng sinangag. Sumubo ako ng isang kutsara, at nalasahan ko ang matagal-tagal ko nang hindi natitikman na sinangag: naghahalo ang anghang, alat, at tamis ng bawat piraso ng kanin na pinaiigting ng ilang pirasong green peas, ginayat na carrots, at sinangkutsang karne ng baka. Recipe 'yun ni Mama. Hindi ko na napigilang maluha nang bahagya.

Nagpalatak ng dila si Tatay. "Kumain ka muna." Napansin niya sigurong naiiyak ako. Sinunod ko siya.

Pagkatapos naming kumain, pinagalitan niya ako dahil sa biglaan kong desisyon na bumukod na. Sabi ko e matagal ko naman nang balak bumukod, pero pinitik niya lang noo ko at sinabing, "Tumatakas ka, hindi bumubukod."

Tama si Tatay. Umalis ako dahil sa nasasakal ako ng konsensya. Bukod sa pagsasabay ko kina Wendy at Nora, nagawa ko pang makipagtalik kay Anna. Kung wala akong kayang piliin, wala akong karapatan sa kanila. Kung tatlong babae ang titibukan ng puso ko, parang wala rin akong minahal sa kanila. Mas mabuti kung wala akong piliin sa kanila, at umalis na lang dahil ako lang din naman ang gumugulo sa buhay nila. Tsk, hindi pa pala ako nakakapagpaalam kay Wendy. Winasak ko na kasi SIM ko at bumili na ng bago. Kabisado ko pa rin naman number niya pero...ewan, mas mabuti kung saktan ko na siya ngayon kaysa saktan ko pa siya sa hinaharap. I technically cheated on her, kahit wala pa namang nag-uumpisa sa amin. Marumi na ako. Wala na akong karapatang magmahal sa kanya, o kahit kanino siguro.

"Ano ginawa mo kay Ma'am Nora?" tanong ni Tatay sa akin. Siya ang dahilan kung bakit nasanay si Nora na tawaging "Ma'am".

"Bakit po?"

"Nagmamakaawa s'yang sumama sa'kin para makita ka; naku, lagot ka sa Tito Manuel mo."

"Kaya nga 'ko umalis 'Tay e," sabi ko, "nasaktan ko sila. Wala na 'kong karapatang tumira d'on." Hinintay kong pagalitan ni Tatay sa sinabi ko, pero wala siyang reaksyon. Nagbuntong-hininga lang siya.

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon