ISANG SUMPA ANG kakayahang magtahi ng mga pangyayari. Sa paggawa ng takbo ng buhay ay masisilayan ang komplikasyon ng mga linyang nagkakadaupang-palad, hanggang sa magkabuhol-buhol, hanggang sa maging nakakaligaw—kung mahina ang iyong utak. Pero bilang isang manunulat, kailangan ang matikas na isip na handang tignan ang kabuuan ng isang kaganapan at ng detalye niyon. Sa takbo ng nakaraan, sa pivot ng kasalukuyan, matatantya na kung saan patungo ang isang tao.
Pero hindi laging ganoon 'yung nangyayari. Kahit ilang beses ko kasing isipin, hindi ko akalaing mag-uumpisa ang pagkambyo ng buhay ko sa pagkakatanggap ko ng text mula kay Tito Manuel: pete, magPA ka muna kay nora
PA = Personal Alalay. Nangyari na ito isang beses last year, at talagang inalila ako ni Nora sa loob ng isang linggo. Sa bagay, kailangan talaga niya ng tulong noon—may malaking project kasi sila sa Theater Arts noon (stage play lang naman 'yung midterm exam nila kung saan siya 'yung bida, tapos musical pa, sobrang dali lang naman n'on) at kinailangan niya ng extrang kamay. Kaso ngayon, wala naman siyang major project—normal classes lang naman sila ngayong November, at busy lang sa mga completion ng requirements para sa katapusan ng sem nila sa December. Meaning, normal na takbuhin lang ng buhay estudyante.
Pero eto ako ngayon, nakaupo lang sa isang monoblock sa loob ng malaking hall, lumalanghap ng matatamis na pagkain, nanonood sa abalang mga patissier-wannabes. At si Nora ang tumatayong leader ng isang grupo doon. Turo lang siya nang turo, utos nang utos, at kapag may nagtatanong e sagot lang nang sagot; gaya ng ginagawa ng tatlo pang tulad niya. Nakakapanibago, but it was so natural too see her like that, kahit na sa bahay e lagi namin siyang binu-bully ni Kael.
Maya-maya pa, may isang chef na pumasok sa loob, at sinabihan silang lahat: "Be ready in 15 minutes!" Nagkagulo lalo, though organized chaos naman 'yung nangyari. Lahat may pinatutunguhan kahit sobrang gulo—a graceful dynamics, I would say. After 20 minutes, may limang chefs na pumasok sa kwarto, at pansin kong nanlamig 'yung hangin sa loob, na parang may naglakas ng aircon. Tapos, isa-isang nag-present 'yung mga tumayong leader sa harap ng limang chefs, pinakilala nila 'yung mga ginawa nilang matatamis na pagkain (na hindi ko maintindihan ang mga pangalan), pinaliwanag kung paano nila ginawa (na hindi ko nasundan), at pinatikim sa mga chef.
'Yung unang nag-present, bagsak. Ang daming reklamo ng mga hurado, kesyo nasobrahan sa yeast kaya pumait, natagalan masyado sa oven kaya naglasang sunog, masyadong matamis, etc. Pangalawang nag-present si Nora, pasado naman sila, at sinabihan pang may future siya at mga kagrupo niya sa pagiging patissiers. Lahat ng kagrupo niya, halos sambahin siya sa pasasalamat. Good mood 'yung mga hurado, kaya good mood nag-present 'yung pangatlo. Pumait 'yung mukha n'ong mga hurado pagkatikim sa ginawa nila, at itinapon pa ng isa sa basurahan 'yung tinikman niya. Walang ibang sinabi sa kanila kundi, "This is blasphemy." Napa-whoa ako habang nag-iyakan naman 'yung pangatlong grupo. Kabado 'yung pang-apat, pero pasado naman, kaso nga lang bad mood na 'yung mga chef. Nag-alisan na 'yung mga hurado, at nag-iyakan na ang mga estudyante, for different reasons.
Si Nora, pagod na lumapit sa akin at inutusan akong bigyan siya ng tubig. Agad ko namang siyang inabutan at ininom naman niya 'yon. Nakatayo siya sa harap ko at naharangan niya ang mga ilaw sa likod niya—noon ko lang napagtantong may katangkaran pala talaga siya, hindi ko lang siguro napapansin at matangkad kasi ako. Nagsilapitan sa kanya 'yung ilan niyang mga kagrupo, at payukod na nagpasalamat sa kanya. Nginitian niya lang ang mga ito, at nag-alisang pawang mga kinikilig.
"Nakaka-culture shock dito," sabi ko. Tumingin lang siya sa akin, walang ekspresyon ang mukha, at nagpatuloy sa pag-inom.
Pinasunod niya ako at lumabas na kami sa hall. Hindi ko maiwasang mapansin na matalim siyang sinusundan ng tingin ng ilan sa mga nasa loob ng kwarto, especially 'yung mga bumagsak. May reputation ba si Nora na hindi ko alam? O puno lang ba ng mapapait 'yung mundo ng paggawa ng matatamis?
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.