Page 17

26 1 0
                                    

HINDI AKO MAKA-DIYOS. Hindi ako relihiyoso. Hindi ako "banal". Pero katulad ng maraming tao, marami na akong binunong oras ng pag-iisip sa Kanya.

Unang pumasok ang konsepto ng Diyos sa mura kong edad nang mamatay si Mama. Sabi n'ong doktor sa amin, ginawa nila ang lahat ngunit binawian na nang buhay si Mama. Binawian? natanong ko noon sa sarili ko. Pinahiram lang ang buhay ni Mama? Sino'ng nagpahiram? Siya rin ba ang bumawi? Masyado pa akong bata noon para makwestyon ang Diyos kung bakit Niya binawi na ang buhay ni Mama, bakit Niya hinayaang masaktan si Tatay nang matindi, at kung totoo ba Siya. Nagkaroon lang ng pagkakataon ang utak kong kwestyunin ang existence ng Diyos noong high school ako. At mali ka sa iniisip mo—hindi dahil sa paghihiwalay namin ni Anna kaya ko naitanong ang taboo na kung totoo ba talagang may Diyos.

Nangyari 'yun noong may isang Christian (Born Again?) na pumunta sa klase namin at namahagi ng libreng maliliit na Bible, 'yung may Proverbs, Psalms, at New Testaments. Before lang mag-lunch break 'yun, kaya pagkatapos niyang mamahagi e pinabasa na lang kami ng teacher namin ng Bible hanggang mag-break (tinamaad na yata si Ma'am magturo noon). At sa gitna ng katahimikan, may isa akong kaklaseng nagtanong, "Nasa'n 'yung Genesis?" It was not a question na para sa isang tao, o maski para sa lahat, nadulas lang talaga siya sa pagtatanong na 'yun. Pero dahil sa curiosity at sa kamangmangan ko sa Bible noon (kahit ngayon naman), hindi ko alam na 'yun pala ang pinakaunang libro ng Old Testament; hinanap ko pa sa Table of Contents kung nasaan 'yung Genesis, pero wala akong nakita.

It was not a question na para sa isang tao or for anyone else, pero may isang sumagot sa mga kaklase ko, "Kasi taliwas sa science 'yung Creation sa Genesis, kaya tinatanggal nila."

Sa pagkakarinig pa lang ng mga salitang "taliwas", "science", "Creation", at "tinatanggal", alam ko nang may kakaiba sa sagot na 'yun—kahit hindi ko kaagad naintindihan. At ang masayang lunch break na hinihintay ng lahat ng estudyante ay naging mainit na oras ng talakayan sa klase namin. Nagpalitan ng kuro-kuro ang nagtanong at ang sumagot, at ang mga kakampi ng bawat side. Marami rin namang nakikinig lang tulad ko, naipit sa kung saan ba dapat kumampi tulad ko. Pero hindi tulad ko, mukhang nakakasunod naman ang lahat ng mga kaklase ko. Naipit ako sa realization na pwede palang kwestyunin ang katotohanang inilalahad ng Bibliya, na pwede palang kwestyunin kung totoo ang Diyos, na pwede palang magkaroon ng magkasalungat ng ideolohiya ang mga bata.

Sa umpisa nang diskusyon, repulsive sa akin 'yung kaisipang "mali" ang Bible dahil sa mga natagpuang ebidensya ng siyensya, o dahil sa kakulangan noon. Sa kalagitnaan, nakikita ko ang sariling tumatango sa mga sagot ng mga kaklase kong pumapanig sa science. Sa katapusan...walang naging katapusan. Humarang na kasi 'yung Ma'am namin at sinabi sa amin na masyado pa raw kaming bata para pag-usapan ang mga malalalim na bagay na ganoon. Doon ako nainis. Sa lahat ng kuro-kurong pinagbatuhan sa loob ng klase na 'yun, sa sinabi ni Ma'am na masyado pa kaming bata para sa ganoong usapan ang tangi kong hindi tinanggap. Tinanggi ko, ibinalot sa plastic, tinali nang maayos, at tinapon sa basurahan ng utak ko ang kaisipang masyado pa kaming bata para mag-isip para sa sarili naming paniniwala.

Pero...sa bagay. Noon lang din nabuksan isip ko na may iba palang ideolohiya tungkol sa Diyos. Na pwede palang kwestyunin Siya. Na, kung totoo mang ginawa Niya tayong lahat, binigyan Niya rin tayo ng utak para pagdudahan Siya, ng bibig para magsabi ng mga pilosopiyang taliwas sa Kanya, at ng mga taingang pwedeng piliing hindi makinig sa Kanya. Hindi nagtagal, nalaman ko ring may iba pa palang Diyos bukod sa nasa Bible. May iba pa palang pinaniniwalaan ang mga tao. May iba't ibang pananampalataya. Suddenly, nakita ko ang mga tao bilang isang complex organism na pilit iniintindi ang sarili at ang paligid niya. Nabuksan ako sa isang bagay na napakalaki ng epekto sa akin—sa aking paniniwala. At sa tingin ko ay 'yon ang naging pinakamasayang yugto ng buhay ko sa high school.

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon