PARANG LIBRO ANG buhay ng isang tao. At sa librong 'yun, siya lang ang may karapatang magsulat. Sulat lang nang sulat. Hanggang sa matigilan siya, dahil mamamalayan na niyang may isa pang panulat na nakasingit sa pagitan ng mga pahina ng libro. Para kanino 'yun? Siya ang bahalang pumili. Bibigyan niya ng panulat ang isang taong pagkakatiwalaan niyang magsulat din sa buhay niya. At kailangan niyang matanggap ang magiging resulta noon.
Parang ako. Five years ago, ipinagkatiwala ko kay Anna 'yung pangalawang panulat ko. Five years ago, naranasan kong mabasa ang buhay ko sa dalawang kulay ng tinta, sa dalawang perspektibo. Five years ago, nalaman kong hindi laging maganda ang mababasa ko dahil dalawa na kaming nagsusulat; may mga pasadang medyo weird kasi hindi ko inaasahang makakabasa ng ganoon sa sarili kong libro. Pero kahit magulo na at nagsasabit-sabit ang mga salita, gusto ko pa ring magtuloy-tuloy ang pagsusulat naming dalawa dahil mas masaya ang makulay na libro. Kaso, five years ago, bigla na lang siyang tumigil sa pagsusulat. Para niyang tinuldukan na lang basta ang hindi niya matapos na pangungusap. Ibinalik niya sa akin 'yung panulat, pero feeling ko wala nang ibang makakagamit noon bukod sa kanya.
Gusto ko nang itigil ang feeling na 'yun. Not the feeling of not being in love with anyone else, pero 'yung feeling na parang wala na akong pag-asang magmahal ulit. Alam kong hindi ko 'yun mapipigil kung mananatili lang akong walang gagawin.
Ang naisip kong first step: Huwag dapat akong manatili sa bahay. Kaya paghatid ko kay Nora sa Doña, naisipan kong maglaboy sa kung saan. Dumaan muna ako sa McDo kung saan nagtatrabaho si Wendy para mag-brunch, at nakita ko siya doon. At tulad ng nakaraan, hindi niya ako kaagad napansin. At napaporma ulit ng "Uy!" ang labi niya nang mapansin na niya ako. Um-order lang ako at kumain na rin.
Nang patapos na akong kumain, nabigla ako nang umupo sa pwesto ko si Wendy. "Paalis ka na?"
Paalis na ako noon, pero sinabi ko, "Hindi pa naman. Bakit?"
"May ipapaabot ba na sulat si Kael?" tanong niya.
Ah. Tungkol pala kay Kael. Sa bagay, ano ba inaasahan ko? Tinanong ko siya, "Tapos na shift mo?"
"Hindi pa," tugon niya. "So, may ipapaabot ba s'ya?"
Considering 'yung nangyari sa palpak na pag-aalok ni Kael, nakakapagtakang interesado pa rin siya sa sulat ni Kael ngayon. Ano kayang pinag-usapan nila kahapon? Mukhang naayos ni Kael ah? Kaso, paano kaya kung malaman na niyang 'yung mga sulat ni Kael sa kanya e sa akin galing? Awts, baka mag-away sila.
"Huy," tinapik ako ni Wendy. "May dumi ba sa mukha ko?" natatawa niyang tanong. Hindi ko napansing nakatitig pala ako sa kanya.
"Wala," sagot ko sa tanong niya kung may ipapaabot ba si Kael sa kanya.
"Ha?"
Mukhang hindi niya na-gets. Nilinaw ko, "Walang ipapaabot si Kael. Tsaka ano'ng ginagawa mo? Papagalitan ka ng manager mo."
"Actually..." napalingon siya patalikod, sa may counter, kung saan napatingin din ako, at nakita ko roon ang babae nilang manager na nakasilip, na bigla ring nagtago. "S'ya 'yung nagpapunta sa'kin dito."
"Ba't daw?"
Nagkibit-balikat lang siya. "Anyway...ang totoo, hindi ko rin alam sasabihin ko, pinapunta lang talaga ako dito kaya...eto ako."
"Dapat ba umakto tayong parang nag-uusap?"
"Ha?"
Tumingin ako sa counter, at nakita ko ang manager nila na may inaayos doon pero tumitingin-tingin sa amin. "Dapat ba ipakita natin sa manager mo na nag-uusap tayo?"
"Nakatingin ba s'ya?"
"Sumisilip-silip," sabi ko.
"Hmm, sige, umakto kang kinakausap ako, ta's tatawa ako nang kaunti," aniya, pero napapangiti na siya kahit wala pa akong sinasabi, natatawa siguro sa sarili niyang ideya.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.