TAPOS KO NANG kausapin sina Tito Manuel...well, si Tita Karen pa lang talaga nakakausap ko nang maayos. At sa sinabi niya sa akin, napagtanto kong wala akong ibang dapat gawin kundi suyuin nang mas maigi ang anak nila, kahit ano pang sabihin ng kahit na sino. May mga ayaw? Okay lang. Hindi naman sila ang masasawi kung sakaling hindi kami magkatuluyan. Pag-aari ko ang puso ko—ako ang may responsibilidad kung kanino man ito tumibok. Hindi ito tungkulin ninuman.
Ngayon, kakausapin ko muna si Nora, at aalukin siyang lumabas sa mga darating na araw, basta bago siguro mag-Pasko. Ito ang araw niya, kaya ang tangi kong pwedeng gawin ay hayaan muna siyang enjoy-in ang kaarawan niya. Bumalik ako sa Kucina, at nagwawala pa rin ang mga tao sa saliw ng mga tunog na gawa na sa kuryente at hindi sa mga totoong instrumento. Mabilis ko namang nakita si Nora—nasa gitna siya ng isang grupo ng mga tao at sumasayaw doon, habang parang mistulan siyang pinagtatawanan ng mga nasa paligid. At maski siya ay natatawa sa sarili. Agad din naman siyang sinabayan ng mga kaibigan niya at nagwala. Hindi ko mapigilang matawa sa itsura nila. Nakainom na kaya siya? Hatakin ko na ba siya?
Hintayin ko na lang siguro siya.
Umupo ako sa isang bakanteng lamesa malapit sa pasukan ng Kucina. Maya-maya pa, natapos ang tugtugan at nagpalakpakan ang mga tao (hindi ko alam na natatapos pala ang sayawan sa disco). Nagbalikan ang karamihan ng nasa dance floor sa kanikanilang mga upuan, at may iilan na lang na naiwan doon, kasama na si Nora. Naghihintay sila sa susunod na musika, nang biglang ang tumunog ay piano imbes na kuryente, na soft ang tono imbes na rave. Nagliwanag nang maigi sa Kucina; nakita ang kabuaan ng malaking restaurant. At mula sa stage kung saan ginawa ang interview kay Nora at kung saan siya kumanta, may isang lalaking nakaporma nang maayos na parang may prom date, may hawak na isang bungkos ng pulang rosas, at kumakanta sa saliw ng piano.
Hindi ko na napansin ang kanta. Nagselos na lang ako.
Naghiyawan ang mga naroon, gumawa ng espasyo para sa dadaanan ng lalaki na pababa na sa pagkakataong 'yon, patungo kay Nora na naiwan sa gitna ng dance floor. Sino ang lalaki? Bakit niya ginagawa 'yon? Ano ang mayroon sa kanila? Napakaraming tanong na tumatabon sa isip ko, hindi ko na alam kung ano ang dapat unang sagutin. Kaya hindi ako makatayo. Hindi ako makakilos. Hindi ako makahinga. Naghihintay lang ako. At unti-unti kong nararamdamang nabibiyak ang puso ko.
At si Nora, mataimtim ding nakikinig sa lalaki, nakatingin nang diretso dito, naka-side view mula sa pwesto ko. Tumigil ang lalaki sa isang maingat na distansya mula sa kanya, at saktong kinanta siguro 'yung chorus. Halos nagwawala ang mga tao sa kilig, at tuluyan nang nag-alisan sa dance floor ang mga naroon. Silang dalawa na lang ang naiwan.
Natapos ang chorus, patuloy pa rin sa pagtugtog ang piano. At naglitanya na ang lalaki:
"For all the years I've been living, the moment I saw you was the very first day I felt alive. Sa unang pagkakataon naramdaman ko ang pagtibok ng puso ko, at lumiwanag ang paningin ko as if a veil was lifted. Unang beses dumaloy ang dugo ko nang makabili ako ng gawa mong cakes. At unang beses nagising ang diwa ko nang uminom ako ng kape mula sa café mo."
Mataimtim na nakikinig ang lahat. Maski ako. At oo, maski si Nora.
"Nagtataka ako. This surreal feeling is something new to me, but somehow it's what I've desired the most—without even knowing it. After a few times na pagtingin sa'yo, nasabi ko sa sarili ko, 'Ah, she's the one for me.' Simula noon, wala na akong ibang ginawa kundi ipakita sa'yo 'yung nararamdaman ko. Na mahal kita."
Naghiyawan ang mga tao sa confession ng lalaki. Napatungo ito at nahiya dahil sa sigawan. Si Nora, nakikinig pa rin. Ngunit walang ngiting lumitaw sa bibig niya. Bagkus ay nagpalinga-linga siya, lumilingon pakaliwa at pakanan, suot ang nag-aalalang mukha. Hindi siya tumitingin sa mga tao sa paligid, hindi siya nahihiya, hindi siya umiiwas—may hinahanap siya.
At alam kong ang hinahanap niya ay ako.
Kasabay ng paglakas ng tibok ng puso ko, tumayo ang mga binti ko. Hawak-hawak ang nag-iisang puting rosas na matagal na niyang hinihintay, naglakad ako patungo sa kinaroroonan nila. Susunduin ko na siya mula sa sitwasyong iyon, na alam kong hindi niya gusto.
BINABASA MO ANG
Pages
Ficção GeralHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.