SA ISANG CAFE sa Cubao, suot ang bagong checkered na polo shirt at lumang maong pants, ang lalaki ay nangangatog na sa lamig ng aircon at kaba kaya umiinom na ng isang tasa ng mainit na kape para maibsan ang lamig—ngunit hindi mapawi-pawi ang kaba. Nakaupo siya sa isang mahabang sofa na nakadikit sa pader, sa kaliwa niya ay may ilang customer na at sa kanan niya ay may ilang customer na rin—kung ilan ay hindi na niya nabilang dahil sa paglabo ng isip. Sa paglapit ng alas kwatro, mas tumitindi ang kabog sa dibdib niya. Pero saglit lang... Kaba ba talaga ang nararamdaman niya? O excitement?
Pagpatak ng alas kwatro singko, dumating ang isang maliit na babaeng kulot, na parang galing lang sa bahay at naisipan lang maglakad-lakad—naka-shorts at puting T-shirt na pinatungan lang ng grey na jacket. Akala niya ay uupo ang babae sa ibang table, pero dumiretso ito sa tabi niya—napaiwas siya nang bahagya nang umupo ito at dumikit ang balikat nito sa braso niya. Sumilip ito sa ibabaw ng makapal na lense ng salamin, pinagmasdan ang mukha niya, at nginitian siya. "Pogi ka nga, Pare Ho," sabi ng babae sa akin—este, sa lalaki. Hindi siya nakasagot dahil natuon lang siya sa amoy ng hininga nito—amoy shawarma. Umayos ito ng upo pero hindi umalis sa tabi niya.
"I'm Sutla," abot nito ng kamay, na tinanggap niya. "Ako 'yung LadyinSilk." Si LadyinSilk ang agent ng Lakan-Lakam Publishers, ang ikalawang publishing house na c-um-ontact sa kanya. Sa Wattpad siya P-ni-M nito.
"Peter," aniya, "si Pare Ho."
"Sorry late, kumain pa kasi ako," sabi nito pagbitiw sa kamay niya.
"Halata nga," sabi niya. Tumawa lang si Sutla at halatang sinasadyang isabog sa kanya ang hininga nito. Ipinatong nito ang phone sa lamesa kung saan siya um-order ng isang frappe. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ang lalaki sa hi-tech na mga lamesa ng mga cafe ngayon—touch screen at pwede ka nang diretsong um-order at magbayad (kung may credit account na naka-sync sa phone mo). Habang hinihintay ni Sutla ang order, hindi na ito nagpaligoy-ligoy pa at inilahad na sa kanya ang mga plano tungkol sa kagustuhan ng publishing house na pag-imprenta sa Days of Ghost.
May mga gusto rin silang baguhin sa kwento—typo, unnecessary words, redundancies—pero hindi nila ginalaw 'yung tema, kosepto, at konteksto. At dahil editor pala si Sutla, maayos nitong naipaliwanag ang mga totoong "edit" na gusto nilang gawin.
~*~
Ilang araw lang, nagkasundo kami ng Lakan-Lakam Publishers sa mga inaasahan nila sa akin at naipaliwanag ko kung ano ang mga inaasahan ko sa kanila. Sa madaling sabi, naluto na ang planong i-publish ang Days of Ghost in printed form. Naging pinakamasaya ako sa Pasko ng taong 2020 dahil nakita ko na ang kwento ko in book form, bagama't sa susunod na taon pa ito ipa-publish at idi-distribute sa mga bookstore. Hindi ako makapaniwala sa nangyari: natupad ang pangarap ko—euphoria! Euphoria ang kasiyahang ayaw mong paniwalaan pero ayaw mo ring bitawan. Napaka-out-of-this-world. Kaya feeling ko e kwento ng iba 'yung nangyari sa akin. Kaya, nasabi ko, kung ikukwento ko man 'yung pagkaka-publish ng Days of Ghost, gagamitin ko ang third person limited na POV sa paglalahad.
BINABASA MO ANG
Pages
General FictionHindi naman masyadong romance itong kwento ko. More on a big chunk of a writer's life, na karamihan e may kinalaman sa pag-ibig na nagpaikot sa buhay ko (both in a dizzy and functional way). O baka hopeless romantic lang talaga ako. Ewan.