Page 16

32 0 0
                                    

SABI SA AKIN ni Nay Benya kanina, kung mahal mo raw ang isang tao, mapapalaya mo siya. So, basically, kung hindi mo mapalaya ang isang tao, hindi mo pa siya talaga mahal. Ang labo.

Gusto ko munang mag-focus para mapalis sa isip ko 'yung mukha ni Anna.

Anna.

Hindi ko siya mahanap sa Fb, sa Tweeter, sa Instagram, o sa kahit anong social media platforms na alam kong pwede niyang ibalandra ang mukha niya...kasi hindi naman ako nagso-social media. Bakit ako walang mga gan'on? Wala lang. Wala naman akong kailangang malaman higit sa napapanood ko sa T.V. o nababasa sa mga libro at dyaryo. Alam mo bang may information overload na ngayong digital age? At alam mo bang dapat nangangalay na ang lahat dahil sa information overload na 'yun? At alam mo bang hindi nila nararamdaman 'yon kasi sanay na sila? Kaya sabihan man ako nina Nora at Kael na old school na ang pagte-text, wala akong paki. Ang mahalaga protektado ko utak ko.

Sa ngayon, maihahalintulad ko ang social media sa pagtingin ko sa pag-ibig—hindi ko maintindihan.

Ano ba ang pag-ibig? Ano ba ang pagmamahal? Ano ang romansa? Noong minahal ko si Anna, akala ko naiintindihan ko ang tatlong 'yan. Akala ko iisa lang sila—na para silang tatlong magkakasanggang pader na bumubuo ng isang tirahan, handa kaming protektahan mula sa kahit anong magpapabagsak sa amin. Akala ko e magkakaparehas lang 'yang mga 'yan—perpekto, masaya. Nawasak ang pagtingin ko sa tatlong 'yan nang saktan na niya ako; nagiba ang tatlong pader at nagkapirapiraso at nagkahalo-halo. Hindi ko na alam kung anong piraso ang para saan.

Nasabi ko na bang hindi ako makapagsulat ng love story? Bukod sa mga tula, waterloo ko rin ang mga love story. Sinubukan ko ng ilang beses na—pero lahat matabang. Kumpara sa mga korning love story na nabasa o napanood ko, walang panama 'yung akin. Maski ako aantukin sa sarili kong sinusulat na romance-themed stories. Pero, gusto ko pa ring magsulat ng tungkol sa pag-ibig. Sa tingin ko kasi (I'm sharing Sir Bob Ong's view here), maski isang beses lang, tungkulin ng isang manunulat na magsulat ng tungkol sa sagradong sangkap na iyon ng buhay—ang pag-ibig...o pagmamahal...o romansa. Ewan.

At bakit ba nakikita ko na naman sa isip ko si Anna? Hindi ko naman siya nakita sa labas, o nakasalubong sa kung saan. Ni hindi ko nga siya iniisip! Pero ngayon, umuukit mukha niya sa utak ko.

Ah, ewan! Kailangan ko munang mag-concentrate sa pinapagawa sa akin ni Tito Manuel: Leaflet na may title na "URGENT HIRING! MAID!" Yup, pumayag si Tito (thru chat) sa request namin ni Nora. Ako lang naman ang magpi-print tsaka magkakabit sa mga poste sa lugar namin, at 'yung qualifications e si Nay Benya pa rin ang gumawa. Malakas pa naman si Nanay kumpara sa edad niyang sixty-three, pero hindi kasi biro ang laki ng Buendia Residence kahit pa sabihing magkatuwang na kami, susmaryosep. Kailangan na talaga ng dagdag pang kasambahay, kahit isa lang.

Habang nagta-type, may kumatok sa pintuan ko. "Merienda muna, Pete." Si Nora. Siya ang tagagawa ng merienda tuwing weekends kung wala siyang pasok. S-in-ave ko lang ang file ng leaflet tsaka sumunod sa kanya.

Pagdating namin sa kusina, nakita ko si Kael na hindi mapakali habang naglalagay ng home-made cookies ni Nora sa isang mangkok.

"Bukas pa kayo magkikita, ganyan ka na? Pa'no 'pag dumating na ang bukas?" asar ko sa kanya.

"Kumain ka na lang," sagot niya sa akin. Parang walang pagtatalong nangyari sa amin kagabi kung sumagot siya. At gusto ko 'yun. Umalis na rin siya agad pagkakuha ng ilang pirasong cookies.

"Nasa'n si Nay Benya?" tanong ko.

"Sa garden, tinitingnan 'yung mga bulaklak," sagot ni Nora. Tumango na lang ako bago nagmerienda. Habang kumakain, kinumusta ni Nora ang ginagawa ko, "Tapos na 'yung leaflet?"

"Yup. Print na lang at pwede nang idikit sa mga poste."

"Samahan kitang magdikit?"

"Hindi na."

Habang nag-uusap kami, nag-vibrate ang phone ko. Nag-text si Tito.

Tito Manuel: peter, tapos mo na ung leaflet? send mo sakin ung file, ako na bhala.

"O, send ko na lang daw 'yung file n'ong leaflet," sabi ko, at pinakita kay Nora ang text.

"Ba't daw?"

"S'ya na raw bahala." Mamaya ko na lang ise-send pagkatapos kong kumain.

Ilang saglit na katahimikan ang lumipas, nagtanong si Nora kahit may bahagyang pag-aalinlangan sa tono niya, "Hindi ka pa rin maka-move on kay Anna?"

Napailing ako. Malamang nagtsismisan ang magkapatid tungkol sa akin. "Ang daldal talaga ng kuya mo."

"Oo, wala kaming mapagkwentuhan n'ong sinundo n'ya 'ko, e." Diniin pa niya na ang kuya niya ang sumundo sa kanya kagabi at hindi ako. Napailing na lang ulit ako. "Wala kang balak bumawi?"

"Bumawi saan?"

"Sa'kin, kasi pinabayaan mo 'yung duty mo."

Nag-isip ako saglit. "Susunduin kita lagi?" tanong ko.

"'Yun lang? Dapat may extra."

"Extra? Ano, susunduin kita na may bulaklak akong dala?" Pinipilosopo ko lang si Nora, pero imbes na maasar ay ngumiti siya.

"Gawin mo 'yan," sabi niya.

"Arte," asar ko.

"'Pag hindi, pababawasan ko kay Papa sweldo mo," banta niya sa akin.

"Parang magagawa mo," sabi ko na lang, at tinapos na ang merienda ko. Tapos na rin naman siya kaya inayos ko na sa lababo mga pinagkainan namin.

"May bulaklak ha?" huling hirit ni Nora bago umalis, nang nakangisi. Ligayang-ligaya ang timang. Pagkatapos mag-urong, bumalik na ako sa kwarto para ma-send na kay Tito 'yung file ng leaflet. Pagka-send, nag-reply na ako sa kanya.

Joel: Tito, na-send ko na po sa gmail n'yo.

Hindi siya nag-reply. Pinatay ko na lang ulit ang laptop at humiga sa kama. Nakatingin lang ako sa ilalim ng second deck. Habang tumatagal, lalo akong naguguluhan sa nararamdaman ko. Bakit ako nagkakaganito? May emotional milestone ba akong natatapakan?

Pag-ibig. Inspirasyon daw ang pag-ibig sa pagsusulat. Pero bakit wala akong gana? Bakit wala ako sa mood isipin ang City of Spice at Days of Ghost?

~*~

URGENT HIRING! MAID!

Qualifications:

1. Male or Female, 18 to 30 Years old

2. At least a High School Graduate

3. Knows how to 3C (cook, clean, care)    

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon