Page 20

24 0 0
                                    

KAILANGAN KONG KALIMUTAN 'yung nararamdaman ko kay Wendy. Medyo hassle kasi, 'di ba? I mean, mahal siya n'ong kumag kong kaibigan, tapos hindi pa naman sure kung kaya ko na ba talagang umibig ulit. Baka masaktan ko lang si Wendy. Tsaka, budding feeling pa rin naman itong nasa puso ko e, madali pang pigilan. Kaysa hintayin ko pang lumala at makasakit nang iba, ititigil ko na lang, 'di ba? Tama. Napakadaling gawin noon.

Pero ngayon, itutuloy ko na muna 'yung Days of Ghost:

May isang ginang na tahimik na nakatingin sa bintana, sa labas, sa mga dahong mistulang sumasabay ang galaw sa huni ng mga ibon. Matagal nang namaalam ang kanyang asawa; ang kanyang mga kapatid ay may kanya-kanya nang pamilya; ang kanyang anak naman, may sarili nang buhay, kaya wala nang nakakadalaw sa kanya. Ang totoo, walang alam ang kahit sino sa kanyang pinagdaraanan; nang makaramdam siya nang masama ay kinaladkad niya ang sariling mga paa patungo sa ospital, siya ang gumagastos sa lahat ng kanyang gastusin, at dinadala niya ang sarili sa lahat ng kailangan niyang patunguhan. Siya ay nag-iisa na. At siya ang susunod kong hahatiran ng Kamatayan.

Isang linggo na rin nang simulan ko siyang sundan, matapos kong ihatid sa huling-hantungan ang sanggol na pinanggalingan ng unang piraso ng Agape. Isang linggo ko na siyang binantayan, isang linggong pinakinggan sa mga kwento niya sa mga nag-aalaga sa kanyang nurse, at isang linggo na rin nakitawa. Magiliw si Nanay, aakalain ninuman na wala siyang malubhang sakit. Ang totoo, maraming nagsasabing gagaling pa siya, maraming umaasang mawawala ang bukol sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan. Pero, alam kong unti-unti na siyang ginagapo ng kanyang sakit. Sa paligid niya ay unti-unti nang dumarami ang gintong mga sanga, at sinusundan siya nito kahit saan siya magpunta. At nararamdaman kong kaunti na lang ang oras na nalalabi sa kanya.

At ramdam din niya iyon. Madalas, kapag siya lang mag-isa, lagi siyang bumubulong sa hangin, "Ngayon na ba?", at mapapaluha siya habang walang nakatingin, malayo sa palatawa niyang ugali sa harap ng marami. Mas nakilala ko siya. At hindi ko na rin gustong makita pa siyang nahihirapan, kaya sa loob ng isang linggo, kapag nakahiga siya sa kama, hinawakan ko ang mga gintong sanga sa kanyang paligid. Pero walang nangyayari. Siguro nga ay may oras para sa lahat ng tao. Kailan kaya ang oras niya? Hmm... kailan kaya ang oras ko?

Ngayon, nakatingin siya sa bintana, pinapanood ang pagsuray-suray ng mga dahon sa labas, pinakikinggan ang huni ng mga mayang dumarapo roon. Hinawakan ko siya sa balikat, at sinabi, "Hindi na po kayo mahihirapan, Nay." Dahan-dahan siyang lumingon patungo sa kamay ko sa kanyang balikat, at bumulong, "Ngayon na ba?"

Umupo ako sa tabi niya at sumagot, kahit alam kong hindi niya ako maririnig, "Malapit na po, Nay."

Bigla siyang tumingin sa akin, at napuno ng pangamba ang kanyang mga mata. At bumulong, "Anak?" Nagtaka ako sa kanyang turing sa akin—at lubos akong nagtaka kung nakikita ba niya ako. Pero unti-unting gumalaw ang kanyang mga mata, palihis sa akin, na parang may sinusundan ang mga ito na papalapit sa amin. At, gayun nga, dahil may isang lalaking tumayo sa harap ni Nanay.

"Anong ginagawa mo dito?" May daplis ng galit sa tono ng lalaki.

Hindi nagpatinag ang ginang at ginaya ang lalaki, "Anong ginagawa mo dito?"

Tumimpuho ang lalaki sa harap nito, bumuntong-hininga, at nagsalita sa mas mahinahong boses, "Nandito na 'ko, Ma, sorry ngayon lang umuwi."

"Umuwi ka pang kumag ka. Magbanda ka lang! 'Wag ka nang mag-aral! Sirain mo buhay mo sa mga barkada mo!" bulyaw sa kanya ng kanyang nanay, na halatang pinilit nitong lakasan ngunit hindi na kaya.

"Ma naman, alam mo namang sa paggigitara lang ako magaling—"

"Alam ko," putol ng kanyang ina. "Hindi ka magaling na anak,"

PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon