I HOPE YOU ENJOY READING THIS CHAPTER ヾ(^-^)ノ
"Psst."
"Pssst."
"Oyy pogi!!! Notice us~"
Kanina ko pa 'yan naririnig habang ako'y naglalakad dito sa tabing kalsada, mainit pa rin ang sikat ng araw kahit lampas alas dose na ng hapon.
"Pssst!"
"Pssssssttt!!!"
"Gwapo!!! Pogi !!!"
Naririnig ko pa rin ang pagsitsit na nanggagaling sa may 'di kalayuan, hindi ko naman iyon magawang lingonin sapagkat siguradong hindi naman ako ang kanilang tinatawag. Unang-una na, wala sa itsura ko ang pagiging gwapo sapagkat hamak na probinsyano lamang ako na napadpad dito sa maynila upang maghanap ng trabaho.
Ngunit sa isang iglap ay mabilis na nagbago ang aking iniisip nang bigla na lamang may kumapit at humigit sa aking braso.
"Ui~ kuyang pogi, hindi mo ba kami naririnig?" nakasimangot na ani ng isang bakla.
"Ah pasensya na, akala ko kasi ay hindi ako ang tinatawag n'yo."
"Naku ha, pa-humple ka pa e, gwapo ka naman talaga. Hindi ba girls?" ani muli niya sabay tanong sa ibang kasamahan.
'May iba pala siyang kasama?' naguguluhan ko namang tanong sa aking isipan.
Dahil siguro sa gutom at pagod ay hindi ko na magawa pang mapansin ang ilang bagay sa aking paligid. Kahapon pa kasi akong hindi kumakain dahil ubos na ang kakaunti 'kong pera na dala mula sa probinsya. Kaya puro tubig na lamang ang laman ng aking sikmura mula kahapon nang tanghali.
"Oh ano pogi, tara na?"
'Teka ano daw?' Dahil sa lalim ng aking iniisip ay hindi ko na narinig ang kanilang mga sinabi.
"Teka lang ha, saan tayo pupunta? Pasensya na hindi ko kasi narinig ang sinabi n'yo," napapakamot sa ulong turan ko pa.
"Eh?" maarteng pagkakasabi ng isa sa mga bakla, sabay tingin sa mga kasamahan niya.
"S'ya mula sa simula pala tayo. Iyon nga pogi, sabi namin baka naghahanap ka ng trabaho, kanina pa kasi ka namin nakikita dito na pabalik-balik at saka... taga-probinsya ka ba?" walang pasintabi na tanong pa ng isa sa kanila.
"Oo, tama kayo at nagtungo lamang ako rito para makahanap ng trabaho."
"Kung gano'n, it's your lucky day kuyang pogi!" masayang anunsyo pa nila.
Hindi na ako nakasagot at hinintay na lang ang kanila pang sasabihin.
"Nakikita ko sa mukha mo ang pagtataka kung bakit ka naging ma-swerte, isa lang naman ang sagot. Dahil bibigyan ka namin ng trabaho!!!" masiglang saad nila na sinamahan pa nang malakas na palakpak.
Para namang tumigil ang pag ikot ng aking mundo nang marinig ang kanilang sinambit. 'Trabaho daw? Tama ba ang rinig ko?'
Pero, kahit siguro desperado na ako na magkatrabaho ay parang hindi nawawala sa akin ang maghinala at magduda sa kanila. Lalo pa't hindi ko pa alam ang trabahong ibibigay nila sa'kin.
"Talaga, bibigyan n'yo ako ng trabaho?"
"Oo nga, paulit-ulit pogi," saad nila habang nagpapalitan nang tingin na tila ba ay may kakaibang kahulugan.
"Alam mo naman na mahirap talaga makahanap ng trabaho dito sa maynila lalo na kung wala kang pinag-aralan."
Napaisip naman ako sa kanyang sinabi, pero kahit paano naman ay may pinag aralan ako. Nakapag tapos din naman ako ng high school, at dahil sa hirap ng buhay ay hindi ko ninais na ipagpatuloy pa ang pag aaral sapagkat alam kong mas kailangan ng aking mga magulang ang tulong ko upang mapag aral pa namin ang iba ko pang nakababatang kapatid, kaya nga nakipagsapalaran na ako dito sa maynila upang makahanap ng trabahong may maayos na sahod.
BINABASA MO ANG
🌈THE KASAMBAHAY ✔
Humor[UNEDITED VERSION] [TYPOGRAPHICAL ERRORS AHEAD] Dahil sa kahirapan ng buhay ay napag desisyonan ni Rylan na lumuwas papuntang maynila upang magtrabaho. Pero tulad na lang nang paniniwala ng mga taga-probinsya, ang maynila ay di basta bastang lugar l...