Chapter 27: Taming Him
HINDI kaagad ako nakagalaw at nakapagsalita. Kaya naman humakbang na siya palapit sa akin na mas lalo kong ikinagulat. Kumakalabog ng malakas ang puso ko, naghahabol na rin ako ng hininga. Nanginginig na rin ang mga kamay ko at pakiramdam ko'y muli akong namumula.
Ang puso ko! Grabe. Ano'ng ginagawa ng mokong na 'to sa'kin? Ano'ng pakiramdam ito? Bakit ganito ang bitbit ng presensya ni Ezekiel sa akin?
"Tara na," Anito at inabot ang kamay ko.
Nagpaubaya na lamang ako at hinayaan siyang sakupin ang aking mga palad. Ikinulong niya ang aking palad sa kaniyang palad at sabay naming tinahak ang daan patungo sa lungsod.
"Bakit ka natahimik?"
Sino'ng hindi? Paanong hindi? Inaatake mo ako... George Ezekiel. 'Wag ka namang mangbibigla, hindi ako handa.
"W-wala. Bawal ba?" Pabalang kong tanong, pilit na inaalis ang hiya na aking nararamdaman.
Ngunit umurong ang lakas ng loob ko nang pisilin niya ang aking palad, "Hindi lang ako sanay."
"Wow, parang matagal na tayong magkasama ah?"
Lumingon siya sa akin at tinaasan ako ng kilay, "Bakit? Masasanay ka lang ba kapag matagal na kayong magkasama?"
Napaiwas ako ng tingin dahil sa atake ng kaniyang salita.
"Edi magsama tayo ng matagal, problema ba yun," agad niyang bawi at mabilis na humakbang patungo sa lungsod.
Pinakiramdaman ko ang aking puso. Hindi ko alam kung bakit ganito na lamang nagkakagulo ang aking lamang loob, pakiramdam ko'y nagsusuntukan ang mga intestine at atay ko. Hindi ako gutom, ngunit may kung anong lumilipad sa aking tiyan na pinapahina ako. Sumasabay pa ang aking puso, hindi ko na talaga alam kung ano ang nangyayari sa akin.
Hindi na ako nagreklamo kung saan siya tumutungo. Marahan akong sumusunod at nagpapatianod sa lugar na kaniyang pinupuntahan, hindi na rin ako nag-atubiling bawiin ang aking kamay. Maganda rin kasi sa pakiramdam ang init ng kaniyang palad, nagpapakalma sa aking nararamdaman.
"Ito ang Niol, mabibili mo lahat ng kailangan mo rito. Sa mga gusaling iyan, nariyan ang iba't-ibang gamit. Pwedeng damit, pagkain at iba pa..." saad niya habang itinuturo ang mga naglalakihang gusali sa lungsod.
Hindi maalis sa akin ang paghanga. Lahat ng naroroon ay bagong bago sa aking paningin, bigla ay nalungkot ako dahil baka ito na ang una at huli kong punta sa lungsod. Baka hindi na ako muling makalabas, kaya naman susulitin ko na ang pagkakataon. Dahil ang pakiramdam na ito'y ngayon lamang, hindi ko na muli pang mararamdaman o mararanasan ang ganitong pangyayari. Iba na sa susunod, at baka sa susunod ay hindi na maganda o kung maganda man ay hindi na siya ang aking kasama.
"Tara doon," saad niya atsaka pumunta sa isang tingi-tinging tindahan. Mayroon doong ipit sa ulo, headband and kung ano-ano pang pambatang gamit.
Napapayuko ako kapag napapalingon sa amin ang mga naroroon, natatakot akong makilala ng iba at magkagulo. Kahit na na sinuotan akong pag-aari ni Ezekiel, palabas lang ang lahat ng ito. Kinakailangan ko paring mag-ingat, dahil hindi ako sigurado sa maaaring mangyari.
Binitiwan ni Ezekiel ang kamay ko at pinulot ang isang puting ipit sa ulo na may puting pakpak. Ngunit nahinto siya nang tumabi sa kaniya ang bata at pilit na inabot ang ipit na mayroong paru-paro. Pinagmasdan ni Ezekiel ang bata, ganoon rin ang ginawa ko. Ngunit napalingon ako sa kamay ni Ezekiel na kinakapa ang kaniyang bulsa.
Bigla ay nilakasan ko ang aking pakiramdam upang pakiramdaman ang perang dala ni Ezekiel, at talagang nanlambot ang aking puso nang maramdamang hindi iyon ganoon karami. Ngunit tuluyang natunaw ang aking puso nang bilhin niya ang sipit na iyon at marahang isinuot sa batang babaeng hindi mahinto sa pagpapasalamat sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Her Wings (PSS, #2) ✔️
FantasySince her independence had been taken away from her, Emerald believed she would never be able to touch the outside earth of their palace. Not until one day, when a handsome stranger appeared at her window, blowing and mucking up her head and heart. ...
