Chapter 41: Unknown Effects

1.6K 90 2
                                    

Chapter 41: Unknown Effects

KATULAD nga ng sinabi ni Professor Hale ay mas itinuon ko ang aking pag-eensayo sa natuklasan kong abilidad. Ni minsan sa buhay ko'y hindi ko inisip na abilidad ko pala ang makita ang kagubatan na dinadaanan ng mga buzzard na lumalabas sa Chasma. Ang iniisip ko'y isang masamang panaginip lang ang lahat, ang nakikita ko sa madilim na kagubatan na iyon, ang babae, at ang bata. Hindi ko pa lubos na nauunawaan ang aking masamang panaginip, ngunit unti-unti nang pumapasok sa utak ko kung paano ko magagamit ang aking kakayahan para sa aming Kaharian.

Nalalaman ko kung ano ang nangyayari sa gubat na iyon, at malaking tulong iyon para sa aming paghahanda.

"Clear your mind, focus. Tell me, what do you see now?" Tanong ni Professor Hale sa akin habang nakatapak sa taas ng puno at binabantayan akong nakakrus ang mga paa at nakalagay ang mga kamay sa magkabilang gilid na animo'y nagdadasal o kaya ay nagyo-yoga.

Nasa gilid lamang kami ng bailey habang ang aking mga kapatid at ibang mag-aaral ay naglalaban-laban sa ere. Binabantayan lang ako lagi ni Professor Hale, at talagang nakakatulong iyon dahil unti-unti akong nahahasa. Dahil bukas ang aming pwesto ay marami ang nakakakita sa amin. Malamang ay nagtataka sila dahil hindi katulad nila ang ginagawa ko, malamang ay nagtatanong rin sila kung ano ba ang ginagawa ko.

Katulad nga ng sinabi ni Professor Hale ay bilang lang kaming may natutuklasan na kakaibang abilidad. At wala pa akong nakasalamuha sa bilang na mag-aaral na iyon. Nasisiguro kong may kaniya-kaniyang guro rin sila at nag-eensayong tulad ko sa ganitong oras.

Ikalawang linggo ko na ito, at nakikita ko na nga ang improvements ko. Mas inuna ni Leemar ang aking mga kapatid sa battlefield, kada Sabado at Linggo naman ay pinagtutuunan niya ako ng pansin sa aking paglipad. Mula lunes hanggang Biyernes ay nag-eensayo ako para sa aking abilidad at sa ikalawang linggo nga ng pag-eensayo ko'y hindi na ako lubos na nanghihina dahil nakakaubos talaga ng lakas ang aking pag-ensayo, hindi ko nga nagagamit ang pisikal kong katawan ngunit literal akong nabubugbog dahil nagigisa ang tibay ko.

Iba ang ginagawa at nagagawa koko. Animo'y konektado ako sa kagubatang iyon. Animo'y napapasok ko na ang gubat, tila ba naroroon mismo ako. Noong una kong mga subok ay palagi akong napupuruhan. Bumabalik ako sa aking silid na nilalagnat, masakit ang ulo at dumudugo ang ilong. At dahil din doon ay mas natuto ako, sapagkat walang sinuman ang pwedeng tumulong sa akin sa paggamot ng aking sarili. Kaya naman unti-unti akong nasasanay, gayong mahirap pa rin ngunit paunti-unti ay nakakaya ko na ang lahat.

Hindi nga mali ang pagpunta ko sa Akademos dahil napakarami ko nang natutunan. Dalawang linggo pa lamang kami rito'y marami na ang nagbago sa akin. Akala ko'y makikita ko lamang ang kahinaan ko rito ngunit nagkamali ako, dahil talagang ineensayo rito ang bawat isa. Walang iniiwan.

Saka ko rin napagtanto na hindi ako pinabayaan ni Leemar. Palagi niya akong hinihintay, ako na mismo kasi ang nagsara ng aking sarili sa iba. Hindi na ako lumabas upang makisama sa lahat dahil nilamon na ako ng takot at lungkot. Hanggang sa ikinulong ko ang aking sarili sa aking hawla, inisip kung gaano kasama ang mundo sa akin, ni hindi ko inisip kung ano ang ginawa ko sa sarili ko mismo.

"Ano ang nakikita mo, Esmeralda?" Muling tanong ni Professor Hale.

Nangunot ang noo ko. Nasasanay na akong tawaging Esmeralda. Mabuti na lamang at hindi ako tinatawag ng ganoon ng mga mag-aaral sa Akademos. Hindi rin kami nakikihalubilo sa iba katulad ng inakala ko, dahil nakatuon talaga kami sa pag-eensayo. Wala na rin kaming gaanong koneksyon sa mga Maharlika ng Macedon, maliban kay Ranzo na gumagawa ng paraan upang makasama akong kumain palagi.

Nang magsimula ang ikalawang linggo namin ay nawala ang hiya ni Ranzo, doon ko rin napagtantong hindi siya mahiyain. Dahil kapag magkasama kami ay hindi siya nawawalan ng kwento, hindi na rin ako awkward, unti-unti na akong nasasanay.

Her Wings (PSS, #2) ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon