Lumipat sa boxes ng pizza ang paningin ko bago bumalik sa kanya. "Sino ka nga?"
"I'm one of your bodyguards."
Napalingon ako kay manang nakakalabas lang galing dirty kitchen. "Manang, para sa inyo po." Masigla kong sabi at tinaas ang dalawang box ng pizza.
"Nag-abala ka pa. Upo na dyan at ipaghahain kita." Lumipat ang tingin niya sa lalaking nakaupo sa dining table. "Ikaw din, hijo. Magsalo na kayo ni Cecelia."
Nakita kong tumango lang ito. Nagkibit-balikat ako at umupo sa salungat ng inuupuan niya kaya nagkatinginan kami.
"Anong pangalan mo?" Tanong ko habang binubuksan ang box ng pizza. Nahuli ko itong nakatingin sa akin. "Gusto mo ba?"
"Manang Lita said that she will serve us food then why are you eating that?"
Napanguso ako dahil sa sinabi niya. "Bakit ba ang sungit mo? 'Yung ibang bodyguard nga dito ang babait sa'kin, hindi ka ba pinapagalitan ng asa— ng boss mo?"
Umiwas ito ng tingin. "Sorry, ma'am."
"Hindi, ayos lang naman." Sagot ko at sinara ang box. "So, ano ngang pangalan mo?"
Nakita kong nagdadalawang isip ito. "I'm..
Tumuktok ako sa lamesa na ikinatingin niya sa akin. "Bawal ba sabihin? Ayos lang, naiintindihan ko naman. Gano'n din kasi 'yung iba, bawal daw sabihin." Ngumiti ako sa kanya. "Kaya kung ayaw mo sabihin, ayos lang."
Matagal siyang tumingin sa akin bago tumungo. "My name is Nico."
Umawang ang labi ko dahil sa pagkabigla. Sinabi niya ang pangalan niya! "A-ah.. ako naman si Cecelia puwede ding Celi, depende sayo kung anong itatawag mo."
Tumango lang siya at pareho kaming napatingin kay manang na naglalagay ng pagkain sa lamesa.
"Salamat po." pagpapasalamat ko. Naglagay ako ng kaunting kanin at ulam dahil nabusog ako sa ice cream at burger kanina. Gano'n din ang ginawa ni Nico pero mas marami nga lang. Mukha gutom siya.
Habang kumakain ay naisipan kong tanungin ang kaharap. "Nico, may alam ka ba tungkol sa asawa ko?"
Napatayo ako nang sunod sunod itong inubo. Agad ko siyang binigyan ng tubig na sinalin ko sa baso niya. "Ayos ka lang?"
"Oo.. bakit kasi nagtatanong ka ng gano'n." pinunasan niya ang bibig gamit ang tissue.
"Bakit masama ba 'yon?"
Walang emosyon niya akong tinignan. "Oo, masama. Pero dahil asawa ka niya may sasabihin ako sayong sekreto."
Bumilog ang mga mata ko at kinuha ang plato saka lumipat sa tabi niya. "Ano?"
"Si.. boss, palagi siyang may maskarang suot sa harap namin. Kahit kapag umuuwi siya dito sa bahay, 'di ba manang?" Pareho naming nilingon si manang na natatawa sa amin na tumango lang din.
"Teka, teka, umuuwi siya dito?" Naguguluhan kong tanong.
Tumango si Nico at uminom ulit ng tubig. "Oo, umuwi nga kagabi e. Sayang nakatulog ka."
"Ano?!" napasinghal ako sa sinabi nito at nilingon si manang. "Bakit hindi niyo ako ginising, manang?" parang bata kong tanong.
"Hindi kasalanan ni manang na natulog ka."
Masama ko siyang tinignan. "Alam mo ikaw, isusumbong na kita sa boss mo."
"Tama na iyan. Kumain na kayo."
Sinamaan ko ito ng tingin at gano'n din siya sa akin.
"Bakit nga pala siya nakamaskara? Nakita niyo na ba mukha niya?" Tanong ko ulit.
Huminga ito ng malalim at inilapag ang kubyertos na ginagamit. "Wala pang nakakakita sa mukha ni boss. Walang nakakaalam sa rason niya."
"Para maprotektahan ang sarili niya, iyon ang rason."
Pareho kaming lumingon ulit kay manang nang magsalita ito. Bumalik ang mga mata ko sa kinakain at nawalan ng gana.
"Pero hindi ko siya nakikita. Gusto ko lang naman siyang pasalamatan ng harap harapan." mahina kong sabi. "Sa pagkuha pa lang sa kapatid ko ay grabeng tulong na 'yon."
"Baka kasi mapahamak ka dahil sa kanya kaya hindi siya nagpapakita sayo." Nag-angat ako ng tingin sa walang emosyon nitong mukha. "Ang alam kong ginagawa niya ngayon ay masyadong delikado kaya siguro hindi niya magawang magpakita."
Bumali ang leeg ko at pinagmasdan siya. "Hindi ka ba mapapahamak sa ginagawa mo?"
Nakipagtitigan siya sa akin at nakita kong umangat ang labi niya. "Ililigtas mo naman ako sa asawa mo, 'di ba? Since you're the one asking me."
Ramdam kong uminit ang pisngi ko nang sambitin niya ang mga salitang 'asawa mo'. Umiwas ako ng tingin at tumayo.
"Manang, nawalan na po ako ng gana. Pupunta na po ako sa taas, maliligo lang."
Wala akong narinig na sagot nang tumalikod na ako sa kanila. Bagsak ang mga balikat na naglakad ako pataas ng hagdan at pumasok sa kwarto.
Nagulat ako nang makitang may dalawang kasambahay sa loob at nilalagay sa isang item na basket ang ilang damit na pinamili ko.
"Ano pong ginagawa niyo?"
Patuloy sila sa paglabas ng mga gamit mula sa shopping bags at nilalagay iyon sa mga basket. "Ang sabi ho kasi ni sir ay labhan namin ang mga damit na binili niyo."
Tumango ako at naglakad papunta sa pinto ng cr. "Pakikuha na lang itong damit na huhubarin ko. Maliligo kasi ako, pasabay na lang."
Pumasok na ako at hinubad ang mga damit. Pumasok din ako sa glass door kung nasaan ang shower. Pinihit ko ang bukasan sa tamang temperatura at naligo. Nasa isip ko ang mga pangyayari kanina.
Sino 'yung sumigaw nung kausap ko siya? Bakit parang may narinig muna akong tunog ng isang makinarya bago siya nawala sa kabilang linya? Bakit kailangan niya magtago? Ano bang nangyayari? Ano ba 'tong pinasok ko? Hindi ko naman siguro 'to ikakapahamak, 'di ba? Kasi kailangan pa ako ng kapatid ko.
Hanggang sa matapos ay wala akong naging sagot sa sariling mga tanong. Sinuot ko ang roba at lumabas ng banyo. Kukuha na sana ako ng damit sa closet nang makarinig nang parang pamilyar na tunog.
Sinundan ko kung saan iyon nanggagaling kaya napalabas ako ng glass door papuntang balcony. Nakita ko sa ibaba ang isang hardinero na may hawak na de-makinang pangputol ng damo.
Naguguluhang inalala ko ang tunog na narinig ko kanina kasunod nun ang isang sigaw ng parang naghihirap na lalaki.
Napalunok ako dahil sa mga senaryong pumapasok sa isip ko.
Hindi naman siguro ganoon ang ginagawa niya.. 'di ba?
Ngunit agad na umalingawngaw ang boses ni Nico sa loob ng ulo ko.
'Ang alam kong ginagawa niya ngayon ay masyadong delikado kaya siguro hindi niya magawang magpakita.'

BINABASA MO ANG
The Famous Unknown
RomanceUnknown... Status: C O M P L E T E D Started: January 7, 2021 Finished: March 25, 2021