Chapter 16

27 5 1
                                    

NAGPALIPAS muna sila ng gabi sa puting palasyo at kinaumagahan din non ay agad silang umalis sakay ang mga Horus. Tig-iisa silang nakasakay sa mga Horus. Mabuti na lang at hindi na bayolente ang mga yun.

Mukhang kilala naman kasi si Kazumi ng mga yun. Siguro dahil kawani ito ng Diyosa.

Malinis na rin itong tingnan. Nagpalit na ito ng malinis na damit at hindi na rin itong madungis. Malinis na ring nakatali ang buhok nito. Nagmukha na rin itong tao sa wakas.

"Aabutin tayo ng kalahating araw bago tayo makarating doon." Wika ni Kazumi sa kanila. Marahan lang ang paglipad ng mga Horus. Sapat para madinig nila ang isa't-isa kapag nag-uusap. "Sana lang hindi bad mood ang isang yun." bulong pa nito.

"Sino ang pupuntahan natin?" tanong ni Imaru.

"Ang palasyo ng Diyosa ng kidlat. Tulad ko ay may nagbabantay din doon. Bawat isa sa mga Diyosa naman ay may kawani eh." Tumingin ito sa malayo.

Binabaybay pa rin nila ang mga bulubundukin. Sigurado naman kasing hindi pa sila nakalayo sa kontinenting yun.

"Kilala mo lahat ng mga kawani ng mga Diyosa?" si Sain.

"Oo naman."

"Wala ka ba talagang alam kung paano maibabalik ang mga Diyosa sa dati?" tanong ni Sasu kaya lumingon ito sa kaniya. "Ang sabi mo, sinubukan mo na pero wala kang makita."

Tumango ito. "Sinubukan ko nga."

"Ikaw lang, hindi tumulong ang ibang kawani?"

Nag-iwas ito ng tingin. "Matagal ko na silang hindi nakita. Hindi ko alam kung gaano na katagal. Hindi ko rin alam kung sinubukan rin ba nila. Magbabakasakali lang tayo dahil baka alam nila kung paano."

"Gaano na kayo katagal na hindi nagkita?"

"Hindi ko na matandaan eh. Basta matagal."

Napansin nila ang lungkot sa mga mata nito habang nakatingin sa nililiparan ng mga ibon. Sinasalipadpad ng marahang hangin ang blonde nitong buhok. Parang kulay lang din ng buhok ni Naru.

"Ano ba ng Diyosa ang mga ibong ito?" tanong ni Naru sa babae. "Alam kong hindi sila pangkaraniwang ibon dahil nabubuhay pa sila hanggang ngayon. Mga alaga ba sila ng Diyosa? Pet?"

"Hindi," ang diin ng sagot nito na ikinabigla nila. "Hindi alaga ang mga Horus. Simbulo sila ng Hangin. Gabay sila ng Hangin."

"Gabay eh muntik na kaming pag-pyestahan." Katwiran ni Takari.

"Oo nga." Segunda naman ng ilan sa kanila.

"Dahil akala nila mga pagkain kayo. Siguro sa sobrang tagal na nilang hindi nakita ang mga tao ay nakalimutan na nila ang itsura ng mga ito. Hindi niyo naman masisisi ang ibon. Kasama silang nasira ng masira rin ang mundo." Kumalma na ito.

"Nabaliw?"

"Hindi!" matigas pang sagot nito.

"Kazumi," si Imaru. "Kung hindi ka tao at hindi ka tumatanda. Ano ka? Isa ka bang diwata?"

Napangiti lang ito. "Parang ganoon na rin pero medyo mataas kami ng kaunti sa diwata."

"Bakit dumugo ka?" patda silang lahat sa tanong na yun ni Sasu. Tiningnan nila ang lalaking seryoso lang ang anyo. "Alam kong hindi dumudugo ang mga diwata o kahit na anong katulad niyo. Nagulat ka rin nong may lumabas na dugo dahil alam mong hindi naman nangyayari yun sayo."

Walang nagsalita. Tiningnan nila si Kazumi na nakatitig lang din kay Sasu. May gulat sa anyo nito kanina pero agad namang nawala.

Na para bang alam naman nitong mapapansin din nila yun.

7 Elements (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon